Liwayway

“Ikaw Na Muna, Mommy” (Huling Labas)

- Ni EFREN ABUEG

Efren Abueg

NABIGLA si Tania nang pinadaanan lamang siya nito ng tingin, saka nagsalitan­g tuon sa Mommy Pinky niya. “Pinky, pakakapihi­n ko muna si Tania bago siya tumuloy sa kaniyang trabaho!” May ibinaba itong supot ng pagkain sa ibabaw ng movable table. Ngumiti ang Mommy Pinky niya kay Dr. Rayos at walang tanda na nagtaka ito sa anyaya sa kaniya ng doktor.

“Mabuti pa nga. Hindi na iintindihi­n ni Tania ang kumain bago siya pumasok sa kaniyang trabaho!”

“Kape na lang ako...” at hindi niya mabigkas ang pangalang Mig.

Umiling si Dr. Rayos at nagpauna na sa paglabas ng silid. Napasunod naman si Tania.

“Saglit lang naman tayo dahil hihintayin ng Mommy mo na ako ang mag-asikaso ng hapunan niya,” sabi pa nito bago kinambatan siyang sumunod para makasabay sila sa hugos sa elevator ng mga taong pababa sa unang palapag ng ospital.

Umorder nga ng dalawang tasang kape at isang cookies na iginiit ni Tania na tanging kakainin niya sa hapunan.

“Sana’y maging good news ito sa iyo ngayong nakarereko­ber na ang Mommy Pinky mo!”

Good news?

“Ano ‘yon?” Sa isip na lamang siya nagtanong.

“At the end of next month, Sunday ‘yon, we decided to get married ng Mommy mo!”

Pinigil ni Tania ang yanig na nadama niya sa kaniyang kalooban!

May apatnapung araw sa paghahanda sa kasal ang kaniyang ina at si Dr. Rayos pagkaraang lumabas ng ospital ang Mommy Pinky niya.

Hindi na nakapagsal­ita pa si Tania. Pinakiramd­aman niya ang kirot sa kaniyang damdamin ng yanig na gumapang sa kabuuan niya. Nakamasid naman siya sa doktor na parang isang nagkasalan­g naninikluh­od sa harapan niya.

“Please understand your Mommy, Tania. I want to fill up her needs. Hindi na siya bumabata...at she said, she needs a man to fulfill what she had lost when your father died when you were just three years old. At this moment, I am the man that she said she can love like when she was loved by your father!”

Tatlong taon nga lamang nagsama ang Dad niya at ang kaniyang Mommy Pinky. Hindi nga sapat ang tatlong taon para punan ang pangangail­angan ng isang babaeng umiibig!

Nakatingin lamang si Tania sa pumapailan­glang na usok ng kapeng minsan pa lamang niyang nahigop. Hindi niya masalubong ng tingin ang kaharap sa pangambang may bugso ng damdamin niyang mahayag sa kaniyang mukha. Lihim siyang nagpasalam­at sa sarili at nasagot niya nang maayos ang tanong ng kaniyang Mommy Pinky kangina. Naisip niyang kayang-kaya na niyang hawakan ang kaniyang kalooban kahit pa sa harap ng lalaking unang nagpadama sa kaniya ng unang tamis at pait ng totoong pag-ibig.

“Napag-usapan namin ng Mommy mo na ako ang magsabi at humingi ng pahintulot sa iyo. Siya na raw ang bahala tungkol sa ano pang maaari mong masabi tungkol sa plano namin!”

Hindi! Hindi na siya magiging sagabal sa gusto ng kaniyang ina! Sinarhan na niya ang lahat ng mga pintong nakabukas noon para sa pag-ibig ni Dr. Rayos.

“Magsasakri­pisyo ako para matiyak ang happy life ni Mommy. Kung may gusto pa siyang idagdag na ibang sakripisyo, I’ll do it for her.”

Bata pa siya. Makikitil pa niya ang pag-ibig niya kay Dr. Rayos. Makakatagp­o pa siya ng lalaking lalanggas sa tinamo niyang mga sugat at magpapabuk­ad ng bagong mga buko ng pag-ibig.

Naglaho na ang ilanglang ng usok ng kape. Nanluwag na ang sikip sa kaniyang dibdib. Naampat na ang hapdi ng hiwa

Panahon ang magtatakda kung maililipat ng ina sa kaniyang anak ang naudlot na kaligayaha­n nito.

sa kaniyang damdamin. Naging matining na ang sarap ng paghigop niya ng kape.

“Say what you can about our plans, Tania...” Nakikiusap sa pandinig niya ang huling binigkas ni Dr. Rayos. “Your Mommy Pinky will ask what we have talked about...”

Ngayon, siya naman ang kailangang magsalita. Sinubok niya ang huminga nang malalim para matarok kung gaano kaluwag ang espasyo sa kalooban niya.

“A, Doc Rayos...”at yaon lamang ang kaswal na maitatawag niya sa unang lalaking nagpadama sa kaniya ng pag-ibig na kinikitil na niya ngayon. “May sinabi na ako kay Mommy...”

At binuntutan pa niya iyon ng tawa. “Sinabi ko na sa kaniyang crush lang kita! Late na nga ‘yon...at my age now!”

Natigilan si Dr. Rayos. Napansin niya ang tawid ng munimuni sa isip nito.

“Late na? A, oo...at 23, late na nga. Pero next time, totoo na ang love na darating sa buhay mo. Thank you, Tania. Thank you for your Mommy!”

Humahabol-habol pa sa isip ni Tania ang mga huling kataga nito at parang huling mga salita ng pamamaalam ang nausal niya: Mig...Mig...Mig!

Tumawag si Tania kay Rea nang gabing iyon. Hindi siya tumuloy sa trabaho sa ospital. Ibig niyang makausap nang malaliman ang kaibigan.

“Di ako papasok ngayon. Magpaalam ka d’yan. Gusto kong matulog sa inyo ngayong gabi, Rea...please!”

Nahalata niyang natigilan saglit si Rea. Mayamaya, siya naman ang namangha nang tipanin siya nito sa isang popular na kapihan sa Bonifacio Global City. At isang sulok ng kapihang iyon na iilan na lamang ang parokyano, nagkaiyaka­n sila.

“That’s a right decision, Tania. Finished na’ng problema natin. Tapos. Kaput! We can plan now in what place we can work and settle abroad. Bye, bye, our frustrated love.”

Epilogo

APAT na taon pagkaraan, nasa Belfast, Northern Ireland na sina Tania at Rea. Ganoon na rin katagal silang nagtatraba­ho sa isang ospital doon na may 149 bed. Mataas ang sahod kaysa sa iba pang ospital doon, maikli ang oras ng trabaho at respetado ng mga opisyal at mapagpasal­amat ang mga pasyente sa mga dayuhang nars na tulad nila. Ngunit binabalisa na si Tania ng kaniyang konsensiya nitong ilang nagdaang buwan. Namamangha siya kung naiisip na parang madalang na silang nagkakausa­p ng kaniyang Mommy Pinky-- sa mga pananda na lamang sa kanilang buhay tulad ng kaarawan nilang mag-ina, petsa ng kamatayan ng kaniyang ama o kung mga Pasko at Bagong Taon! At dahil idinadahil­an na laging abala sa grocery nito ang kaniyang ina, si Dr. Mig Rayos, ang stepfather niyang iginiit na tawagin na lamang niyang Mig ang lagi niyang nakakausap sa cellphone.

“Gusto ko nang magtampo sa ‘yo, Mig!” Nagtaas na siya ng boses, nagpapahal­atang wala na siyang pasensiya sa mga sinasabi nito. “Ba’t boses lang ang naririnig ko kay Mommy Pinky at hindi ko siya nakikita gayong may viber at messenger naman kayo. Ano ba talaga ang nangyayari?”

Tumawa ang doktor sa dulo ng linya nito. “Nag-uusap naman kayo, di ba? Ano ba’ng sinasabi niya sa ‘yo? Hindi ba talagang busy lang siya? Saka wala siyang tiyagang mag-set-up pa ng kung ano-anong apps sa kaniyang cellphone. Why worry?

Alam mo namang sipag sa negosyo ang kalaban natin sa Mommy Pinky mo!”

At may naisip pa siyang isingit sa mga sinasabi kay Mig. “At ni hindi ko na nakita ‘yung result ng biopsy ng kaniyang myoma bago kami umalis ni Rea sa Pilipinas. Talaga bang clear siya sa ano mang sakit?”

“Ay, talagang makulit! Ilang beses mo na bang tinanong ang Mommy mo? At ilang beses ka na ba niyang sinagot?”

Ibig pa niyang usisain si Mig kung bakit hindi nagkakaana­k ang Mommy niya gayong ilang taon na sila ni Rea sa Northern Ireland! Ngunit naisip din niyang ala-suwerte nang mabuntis ang kaniyang ina dahil mahigit liyebo kuwarenta na ang kaniyang ina! At saka personal na para usisain niya ang bagay na iyon sa dalawa!

Kaya naisip ni Tania na itigil na ang kaniyang mga paguusisa kay Mig. Makikinig na lamang siya sa pagkukuwen­to nito kung paano iniklian ang oras sa klinika nito para maagang makapunta sa grocery ng Mommy niya at maasistiha­n ito sa pagaasikas­o sa mga parokyano roon.

“Saulado ko na’ng saleable items at ‘yong mga nabubulok o inaamag lang sa shelves. Nakawiwili rin at marami na akong kaibigan na customers doon. Di tulad ng communicat­ion ko sa aking patients... boring at irritating, lalo ‘yung mga sobrang nerbiyoso’t nerbiyosa! Suwelduhan lang ako ng Mommy mo, baka isara ko na lang ang clinic ko!”

At nagtawa nang malakas si Mig.

Nasiyahan naman siya sa huling pakikipag-usap dito. Masaya siya nang isara na niya ang viber, naging ordinaryo na lamang kausap si Mig at kaya niyang burahin sa isip kahit isang punit na alaala ng nadarama niya para rito noong araw.

“What is new about your Mommy Pinky and your stepfather?” Alam niyang nangangant­iyaw si Rea.

“Nothing different from my previous talks with them. Busy si Mommy at number one buskador naman ‘yung stepfather kong ‘yon!”

“Okey lang ‘yon, Tania. Your mother is happy, your stepfather is very supportive of her. So you’ve nothing to worry about!”

“But missed ko nang Mommy’s face. Last time, magalaw pa’ng kamay niya at di maipokus ang screen sa mukha niya. Text and voice lang ang communicat­ion namin!”

“At least, may contact ka sa kaniya. My parents, di techie, kaya napakadala­ng na kumontak sa akin. Gusto ba naman ni Mother ang sulatan na lang ako mula sa kanilang farm sa Bukidnon!” Nagtawa lamang si Tania.

Ngunit isang araw, isang bagong recruit na nars na galing sa ospital na pinagtraba­huhan nila ni Rea ang dumating sa Belfast. Pamilyar ito sa kanila kahit hindi nila kaibigan.

“Si Delia Como ka? Bagong pasok ka sa ating ospital sa ‘Pinas nang umalis kami ni Tania!” “Oo, pero natandaan kita, Rea at ang kaibigan mo... Tania yata ang pangalan!” Ngumiti lamang si Tania sa bagong dating. Ngunit parang nailang ito sa kaniya na halata niyang napaisip nang ilang saglit. Ilang araw pagkaraan, parang may dinadala sa kalooban na lumapit ito sa kaniya nang iwan sila ni Rea na tinawag sa silid ng isang pasyenteng may pangangail­angan.

“Tania...I think you should go home...” sabi nito, paanas.

Sinaklaw ng tingin ni Tania ang laki ng kahulugan ng sinasabi ni Delia. “Marami’ng sumisimpat­iya kay Dr. Rayos sa ospital. Kung ilang beses nang na-emergency ang misis niya!”

Ang Mommy Pinky niya!

Nanghina ang kaniyang mga tuhod at naalalayan naman siya agad nang dumating na si Rea. Dinala siya sa waiting room ng mga bisita ng mga pasyente.

“Uwi muna tayo sa quarters natin, Rea. I have to call home ASAP.” Alam niyang galit siya. Katabi niya si Rea nang tumawag siya sa kanila sa Pilipinas. Si Mig ang sumagot sa kaniya. Mahina ang pag-uusap nilang dalawa sa simula. Ngunit nahawakan siya sa bisig ng kaibigan nang bigla siyang nagtaas ng tinig, katal na nagmura, saka napabulala­s ng iyak.

“Ba’t you did not tell me the truth?” sumbat niya.

“I don’t want your mother to worry so much about you!”

Noon inamin ni Mig na maysakit ang Mommy Pinky niya. Na nagpapagam­ot ito sa isa sa iilang five-star hospital sa Pilipinas.

“Uuwi ako .... ” at isinara niya ang cellphone.

“Sasamahan kita!” sabi naman ni Rea.

Kapwa sila humingi ng bakasyon na ipinagkalo­ob naman agad ng administra­syon ng ospital sa Belfast.

Gabi nang dumating sila ni Rea sa NAIA. Hindi sila napasundo kay Mig. Alam niyang hindi nito maiiwan ang Mommy Pinky niya. Nakiusap sila sa isang opisyal sa airport na itawag na lamang sila ng Grab.

Hindi naman agad tumuloy si Rea sa kinaroroon­an ng mga magulang nito sa Bukidnon.

“I want to be with you...hangga’t kailangan mo ako!” deklara nito kay Tania. Lumabas ng silid ng Mommy Pinky niya si Mig nang dumating sila sa bahay nila pagkaraang ipatong nito sa isang mesita sa silid ng kaniyang ina ang isang folder ng medical records.

Garalgal ang tinig na yumakap si Tania sa Mommy Pinky na nakangitin­g sumulyap at ngumiti kay Rea. Umiyak siyang sinabayan ng liglig ng mga balikat. Natangay na rin si Rea sa nasasaksih­ang paglalangh­ap ng dalamhati ng mag-ina.

“Science once again fails to stop the slight indication of my cancer malignancy. Mig and I cannot do anything but to accept that reality.”

Mababa ang tinig ng Mommy Pinky niya. Ngunit may mga bakas man ng luha sa mga mata nito, tulad niya at ni Rea, tahimik ang pagtanggap nito sa katotohana­n ng buhay na sumasablay sa pagsandal sa pag-asa.

“Tania...nagpapasal­amat din ako. Nadugtunga­n pa ng kahit konting panahon ‘yung masayang mga taon na iniwan ng iyong Dad sa akin. Siguro, Tania...itinakdang ipagkaloob naman ang naputol na panahong iyon para sa isang naghihinta­y...”

Siya ang tinutukoy ng Mommy Pinky niya.

Hawak noon nito ang isa niyang palad. Mahigpit ang pagkakahaw­ak na iyon, ngunit untiunting lumuwag, saka bumuka at humaplos sa kaniya namang palad.

“Tania, ikaw naman ngayon ang may mahabang panahon!”

Isang pahayag iyon na sinundan naman niya ng paghawak sa palad ng Mommy Pinky niya. Paghigpit. Pag-iinit. Pagsasalin ng init na iyon na titindi na parang mula sa isang buhay na magpapatul­oy nang matagal tulad ng hinahangad sa kaniya ng Mommy Pinky niya.

 ??  ??
 ?? “Tania, ikaw naman ngayon ang may mahabang panahon!” ??
“Tania, ikaw naman ngayon ang may mahabang panahon!”
 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines