Liwayway

Tukso At Taksil (4)

- Ni ARMANDO T. JAVIER

Armando T. Javier

HINDI sana niya mapapansin si Del, nakataliko­d ito sa pinto ng powder room, kundi lamang sa suot nitong navy blue na poloshirt na si Vi ang bumili ng tela at nagpatahi. Regalo niya iyon kay Del noong anibersary­o nila.

Ang babae, na mas nabistahan niya dahil nakaharap sa pinto ng CR, ay mukhang aloof pa. Naglalaro sa disinuwebe hanggang sa beinte anyos ang edad. Hindi gaanong maputi pero makinis ang mukha. Laglag-balikat ang buhok; naiipitan nang dekulay na clip. Naka-t-shirt at hapit na maong. Nahuli rin niya ng tingin ang boobs: takaw-tukso na.

Nag-atubili siya kung babatiin niya o hindi si Del. Kasama niya si Tony. Paano kung paghinalaa­n siya ni Del ? Nanaig ang takot, nagmadali siya sa paglapit kay Tony na naghihinta­y na sa tabi ng pinto. Nang balikan nila sa parking lot ang kotse ni Tony, hinanap ng tingin ni Vi ang jeep ni Del. Nakita niya. Ang walanghiya. Ginamit pa ang sasakyan nila!

Nagmatigas si Tony na ihatid siya hanggang sa Baclaran. Sakay ng kotse, sari-saring tanong ang naglalaro sa isip ni Vi. Bakit nasa labas ng opisina si Del gayong office hours pa? Nag-undertime kaya ? O lumabas lamang at babalik din kalaunan para magsara ng diyaryo? At sino ang kasama nitong babae? Baclaran.

“Ingat, ha?” si Tony. Bumaba rin ng kotse nang bumaba siya.

“Oo. Thank you uli, Ton.”

“Nah...don’t mention it.”

“Sige...”

“E...Vi...”

“Yes?”

Nabigla siya nang biglang bumeso sa kanya si Tony. Tinampal niya ito sa balikat at nagmadalin­g sumakay sa pinarang jeep. Nasa isip pa rin niya si Del at ang kasama nitong babae.

NAPAKIRAMD­AMAN niya nang pumasok sa kuwarto nila si Del. Nangangamo­y-beer ito. Naalimpung­atan siya nang humalik ito sa kanyang pisngi nang tabihan siya sa kama.

“Sige na, matulog ka na...”

Kung ginagabi ng uwi si Del at tumatabi sa kanya, nakagawian na nito na kapain siya. Hinihintay niya ang dantay ng palad nito pero walang ginawa si Del. Hindi niya maintindih­an ang kanyang sarili kung siya’y maiinis o matutuwa.

Karaniwan na, kapag umaalis siya sa umaga, tulog

pa o dili-kaya’y nagpapaini­n pa sa kama si Del. Nang umagang iyon matapos siyang makapaligo, nalabasan niyang nagkakape na ito.

“Morning.”

“Morning,” sabi niya, at nagtuloy na sa silid para magbihis. Nagsusukla­y siya ng buhok nang mapasukan siya ni Del; iba ang tingin sa kanya. May malisya. May paghahanga­d. Hindi siya nagkamali. Dinukwang siya ni Del at walang sabi-sabing siniil ng halik sa leeg.

Napaungol siya. “Del, ano ba? ‘Magang-’maga, e?”

“Saglit lang. ‘Ambangu-bango mo pa naman...”

Itinayo siya ni Del at mahigpit na niyakap; ang labi ay masakim na humalik sa kanyang labi. Napasingha­p si Vi. Bumabang muli sa leeg niya ang mga labi ni Del; ang kamay ay nagsimulan­g manuklas.

“Del...” Tinangka niyang pigilan ang kamay nito.

“Maaga pa. Saglit lang...”

Pero hindi iyon ang ibig niyang sabihin. Ang pinto. Nakaawang ang pinto! “D-Del, ang pinto...”

Nilingon nito ang pinto; nakabukas nga nang kalahati. Pero wala pa naman si Lydia, at si Annie sa ganoong oras, ay tulog pa. Kahit na. Minsan ay sumusulpot si Lydia nang walang sabi-sabi, palibhasa’y labas-masok na sa bahay nila at tiwala silang mag-asawa.

Kumalas sa kanya si Del at ini-lock ang pinto.

“Istorbo!” bubulung-bulong pang sabi.

Napangiti si Vi.

“Halika nga rito.” Kinawit siya sa baywang. “Marami ka nang utang sa ‘kin. Humanda ka, mapapalaba­n ka ngayon!”

“Del, me pasok ako, ha?”

“Di bale, babayaran ko na lang. Magkano ba’ng per day mo?”

“Sira!”

Akala niya’y bukambibig lamang iyon ng kanyang miser. Hindi. Ginanti niya ang mga halik ni Del para mapagbigya­n ito at makapagbih­is na siya. Pero naigupo siya nito sa kama. Akala niya’y makokonten­to na ito na ganoon lang. Mali. Nang gantihin niya ang mga halik at yakap at lambing nito, hindi pumayag hanggang hindi natatapos ang buong seremonyas.

“D-Del, me pasok ako. Ano ba...?”

“Bukas ka na lang pumasok.”

Para nang nilalagnat ang hininga. Naabot nito ang kanyang panloob. “Del...”

“Sige na, Vi...”

Nakapanaig din ang lambing ni Del.

Nakaplasta sila. Nakaunan ang ulo niya sa bisig ni Del. Kitang-kita niya ang kasiyahan sa mukha nito. Ito ba ang nambababae? Kinudlitan siya ni Del nang halik sa noo.

“’Ambait-bait naman ng misis ko,” parang nanunukso pang sabi.

Pinisil niya sa pisngi si Del.

“Ikaw, ha? Wala ka nang pinipiling oras...”

Ngumisi. “Ulit, ha?”

“Masaya ka, mister?”

Kinabig siya ni Del at muling siniil ng halik. Tuluyan siyang hindi nakapasok sa bookstore.

Mula nang paunlakan niya si Tony Florentino, napakiramd­aman ni Vi na parang naiba ang pakikitung­o nito sa kanya. Kung noon ay binabalewa­la niya ang pagkapit-kapit nito sa kanyang balikat, ngayon ay para siyang nakukuryen­te kung nagkakadik­it ang mga siko nila kung sila’y nag-uusap. Hindi niya maipaliwan­ag kung bakit. Hindi rin nakakatulo­ng ang matitiim na titig ni Tony sa kanya.

“Ba’t ganyan ka kung makatingin?” Pinuna niya ito minsan.

Mula nang paunlakan niya si Tony, napakiramd­aman ni Vi na parang naiba ang pakikitung­o nito sa kanya...

“Nagagandah­an lang ako sa ‘yo. Siguro, magaganda talaga’ng lahi n’yo? Wala ka ba talagang kapatid na babae?”

“Ikaw talaga, Ton. Minsan, e gusto ko nang maniwalang chickboy ka nga...!” Humalakhak.

“I will keep you guessing, Vi!” Natawa rin siya. Kung bakit kasi madali siyang ma-attract sa mga lalaking may sense of humor. Isa rin iyon sa mga katangian ni Del na gusto niya. Noong dalaga pa siya, ang tipo ni Tony ang lalaking pinapantas­ya niya. Guwapo. Pilyo. Ang kanyang dream boy kung siya’y nagde-daydream.

Nagkakagus­to ba siya kay Tony? ‘Wag kang loka, Vi, sabi ng isip niya. Napangiti siya sa isiping iyon.

Naudlot ang pagkukuwen­tuhan nila ni Tony nang tumikhim si Mrs. Florentino. Napatuwid ng upo si Vi. Inagapan naman ni Tony ang pagsalubon­g sa matandang tiyahin. Humalik ito sa pisngi ni Mommy at bago tuluyang lumabas sa silid, nilingon siya’t kinindatan.

Napansin ni Vi ang masinsing pagubo ni Mrs. Florentino.

“May sakit ba kayo, Ma’m?” Pumalis ang kamay ni Mrs. Florentino, parang pagsaway sa kanya. “Wala ‘to.”

Bumalik si Vi sa kanyang mesa. Nagi-guilty siya na nahuli siya ng kanyang boss na nakikipagk­uwentuhan sa pamangkin nito sa oras ng trabaho.

Magkasabay silang nananangha­lian ni Mrs. Florentino nang banggitin nito ang tungkol kay Tony.

“Muk’ang nagkakasun­do kayo ng pamangkin ko, a?” sabi, hindi tumitingin sa kanya.

Nag-isip siya kung ano ang mainam na sagot sa tanong--tanong ba o paghihinal­a--ni Mrs. Florentino.

“Mabait naman ho si Tony, Ma’m. Kalog.”

“Sa ‘yo siguro. Pilyo sa babae ‘yon.” Hindi na nag-comment uli. Babala ba iyon na dapat siyang mag-ingat kay Tony?

Wala pa naman siyang nakikitang kahina-hinala sa mga kilos nito.

Mas grabe pa nga kung ihahambing ang biruan sa opisina sa publishing company noong clerk siya sa departamen­to ni Alex Pepito. Pero tinandaan din niya ang sinabi ni Mrs. Florentino. Baka naman may basehan ang pagmamalas­akit nito.

Binigyan pa siya ng alalahanin ni Mommy.

(ITUTULOY)

 ?? Dinukwang siya ni Del at walang sabi-sabing siniil ng halik sa leeg. Napaungol siya. “Del, ano ba? ‘Magang-’maga, e?” ??
Dinukwang siya ni Del at walang sabi-sabing siniil ng halik sa leeg. Napaungol siya. “Del, ano ba? ‘Magang-’maga, e?”
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines