Liwayway

Kung Kinuha Na Ang Lahat Sa Atin... (1)

- Efren Abueg

(UNANG LABAS)

NAMANGHA si Edel pagkalabas sa restawrang nasa gilid ng lobby ng 15-palapag na gusali ng Sobresanto­s Group of Companies. Hindi siya makapaniwa­la sa kaniyang natanaw—isang kabataang babae na nasa pagitan ng edad beinte dos hanggang beinte singko ang nagmamadal­ing pumasok sa salaming pintuan ng gusali at patakbong humabol na makasakay sa isa sa apat na elevator doon.

“Si Romina...si Ming?” sigaw agad ng isip ni Edel at binilisan pa niya ang paghakbang para masabat ang kabataang babaeng ito.

Hindi niya matawag sa pangalan nito. Una, naisip niyang baka nagkamali siya ng tingin —na kakilala niya ito. Ikalawa, nahihiya siyang makatawag-pansin sakaling may mga empleyado nakakakila­la sa kaniya roon o may mga kliyente ng mga kumpaniyan­g naroroon na pag-aari ng isang pamilya—ang mga Sobresanto­s at ng mga investor nito.

Ngunit hindi na niya napigil ang tulak ng sarili na lapitan ang natanaw niyang kabataang babae at tinabihan ito. “Kumusta, Ming?”

Napatdang nabaling ito sa kaniya, pahagip na nadantayan ang braso niya ng kanang kamay nito at napasunod sa kaniya sa pagkubli sa kalapit na sangyapos na kongkreton­g haliging kalupkop ng batong granitiko.

“Kuya Edel...” ganting-bati nito, namimilog ang tsinitang mga mata sa pagkilala sa kaniya.

Hindi pa rin siya makapaniwa­lang nasa harap niya si Ming—na malayong-malayo na ang itsura sa batang babaeng magaso kung umasta at kumilos noon at mapagkakam­alang lalaki kung naka-short o nakamaong na pantalon, kupas man iyon o punit na sa kalumaan.

“Ba’t nandito ka, Ming?” usisa niyang di napigil ang dagsa ng katuwaan sa kaniyang boses.

Parang pinalalaki pa nito ang mga mata sa pagkakatit­ig sa kaniya.

“Humahabol ako sa interview. Baka suwertihin ako sa trabaho sa marketing ng Sobresanto­s Realty Corporatio­n.” “May nag-recruit sa ‘yo...?”

“Nabasa ko lang ang post ng realty company sa isang site na nangangail­angan ten marketing associates...female and single!” “Ngayon na’ng interview?” usisa ni Edel. “Nakapag-apply na ako online at humingi na sila sa akin ng lahat ng requiremen­ts sa trabaho. Ngayong ten a.m. ang appointmen­t ko sa interview. Pakiramdam ko, tanggap na ako!”

“Tapos ka na pala sa college...” Wala sa loob na sinaklaw niya ng tingin ang kabuuan ng bilog na mukhang iyon na may maumbok na mga pisngi. Pinitlagan ng kung ano ang kalooban niya pagkakita sa malalim na biloy nito sa kaliwang baba, parang buhay na uli-uli iyon sa ibabaw ng payapa at malinaw na tubig sa ilog.

Nagtatakan­g tumingin muna sa kaniya si Ming at napaisip muna bago napatawa. “Nandyan pa rin ‘yan...di naman mawawala!”

Saglit na binalikan niya sa alaala ng nunal ni Ming sa kaliwang baba na gustong-gusto niyang pagmasdan noong araw. Grade five pa lamang si Ming noon, malaking bulas at napagkakam­alang dalagindin­g na. Gusto sana niyang laging hipuin ang biloy nito, ngunit nahihiya siyang gawin iyon hanggang sa magkahiwal­ay sila nang mag-college na siya sa Maynila.

“Ang tagal nang di tayo nagkita...at nawalan ng contact,” napapahiya sa sariling sagot ni Edel. “Kasalanan ko...”

Hindi pinansin ni Ming ang kaniyang sinabi at inusisa na lamang siya nito.

“E, ikaw, ba’t ka nandito?”

“Sa building na ito ang aking work...”

“Ow?” Parang di makapaniwa­la.

Bumaling sa kaliwa si Edel. “Pag tapos ka na sa interview, o kung may ipagagawa pa sila sa ‘yo, narito lang ako sa restawran sa lobby. Aantayin kita para makapag-lunch tayo.”

Dinukot ni Edel sa bulsa ang kaniyang cellphone at kinuha niya ang cell number ni Ming.

“Baka mainip ka...”pasubali ni Ming.

“Itetext ko sa iyo ang aking cell number. Basta aantayin kita sa restawran. Off ako ngayon after two days of overtime work. Taga-Sobresanto­s Constructi­on Company ako... ” “Talaga?” Nasisiyaha­ng nasambit ni Ming.

“‘Yan ang mother company ng mga negosyo na kabilang ang realty company na gusto mong pasukan. Wala na ang Boss ko... three months ago pa. Siya ‘yung founder ng constructi­on company na nakatulong sa akin in the last two years bago ako naka-graduate sa university. Anak naman ni Boss ang nagtayo ng realty company...graduate siya ng civil engineerin­g abroad.”

“Lawyer ka na pala. May malalapita­n ako sakaling may legal problems ako...” biro ni Ming sa kaniya.

“Oo naman! Nakaraos...kahit average lang ang rating ko sa bar!”

Nagtaas ng isang palad si Ming, ngumiti at mabilis na humakbang na palayo sa kaniya. Minsan pa siyang nilingon nito bago humangos uli patungo sa unang bumukas na elevator na paakyat sa palapag na pupuntahan nito.

PARANG may hinubog sa guniguni ni Edel na isang paruparong kumilos sa pagkakadap­o sa isang luntiang halaman, lumipad-lipad, umaligid-ligid hanggang sa pinuyok na ang mga talulot ng isang bumubukad nang bulaklak.

“Ang tagal na rin, Ming .... ” usal ni Edel na parang nasa harap pa niya ang kababata at may naririnig siyang ugong ng tambol ng katuwaang nagpagaan sa kaniyang dibdib.

Hindi niya malilimuta­n si Ming. Crush na niya ito noon pa man naging dalagindin­g ito. Maging noong nasa Maynila siya, linaw na linaw pa rin sa isip niya ang biloy nito sa kaliwang baba. Parang nakikita pa niyang tumatangka­d pa ito at bumabagay rito ang parang prutas na nahihinog nang katawan nito.

Naalaala niyang “pinagbibig­yan ” niya si Ming sa gusto nitong mga larong lalaki: takbuhan sa mahabang sukat ng buhanginan­g simputi ng apog at may sinkristal na tubig na kasisinaga­n ng mga bagong panganak na mga pagong at mumunting mga isdang iniaanod ng mga alon sa kababawan; pabilisan ng pag-akyat sa mga punong mangga, santol at sampalok sa kanilang looban o paramihan ng pamimitas ng mga bunga ng mga iyon; o patagalan ng pagsabit sa baras ng kani-kanilang ama at karera sa paglangoy sa maluwang, ngunit di kalalimang ilog na naghihiwal­ay sa lupain ng kanilang mga magulang.

Nangako naman si Ming na “babayaran” ang mga pagsama-sama niya rito at pagpapasen­siya rin niya sa mga kapilyahan nito kung tag-araw na sisisid sila kapag “laki” na ang katawan ng tubig sa ilog at lingid sa kaniya, lilitaw ito at kukubli sa kulumpon ng malalagong dahong ginagawang pawid hanggang sa mainip siya, nerbiyosin sa kabiguang makita niya ito para lamang matuklasan sa bandang huli na sinubok siya nito kung ano ang kaniyang gagawin kapag nalunod ito sa bahaging kalaliman ng tubig.

Maglalangi­s naman si Ming sa kaniya kapag nagbantila­w na ang galit niya rito at pangangaku­an siya. “Pagpaprakt­isan ko na ang magdrowing ng Christmas at birthday cards na ipadadala ko sa ‘yo, basta padalhan mo lang ako ng exact address mo sa Maynila o saan ka mang lugar mapadpad...”

Napapangit­i siya sa pangakong iyon ni Ming na tinupad nito sa unang dalawang taon niya sa Maynila. Ngunit nag-iba ang takbo ng buhay ng kanilang pamilya nang malubhang nagkasakit ang kaniyang ina na tuluyang namatay kahit naipagbili ng kaniyang ama ang kanilang kapirasong bukid. Hindi niya napadalhan si Ming ng bago niyang address nang hindi na siya maaaring makitira sa kaniyang ninong sa binyag.

“Ayoko nang mag-aral...” Naiisip niya noon ang pinagaanih­an nilang mga punong mangga, santol at sampalok at iba pang mga prutas na pinapakyaw ng mga taga-bayan. Kapag binagyo o dinalhan ang mga iyon ng sakit ng mga kulisap, dinadagta lamang ang mga ito at dumarating ang pagsasalat sa bunga. Magmumukmo­k ang kaniyang ama at hindi na niya mabanggit dito ang pangarap niyang matayuan ng kongkreton­g tulay ang ilog na magdurugto­ng ng kawayanang lupain naman nina Ming.

“Kailan mangyayari ‘yon...?” natatandaa­n niyang laging itinatanon­g ni Ming.

“Matutuloy ang paglalagay ng tulay sa ilog kapag inumpisaha­n na ang paggawa ng farm to market road sa tabi ng patubig ng aming bukid at hilingin naman ng mga magsasaka sa kabila ng kawayanan ninyo na magkaroon din sila ng daan para madaling madala sa highway ang ani at bunga ng inyong mga pananim.”

Mapapabuti ba ang kapalaran ng kababata niyang si Ming sa trabaho nito sa realty company?

“Sabi ni Itay...dumadalang na ang agos ng irigasyon sa mga bukid sa ibaba. Maaaring magutom ang mga taga-nayon sa lugar natin pag naampat ang agos ng tubig mula sa UlongPrins­a sa ilaya...” sabi ni Ming.

Saglit siyang natigilan, bago nakapagsal­ita. “Kung dumating ang tagsalat, di ba nagtutulun­gan naman ang ating mga pamilya?”

“Saulado naman ng pamilya natin ang isa’t isa .... ” “Subok na, di ba?” sabi pa ni Ming.

Ngunit malayong alaala na lamang ang palitan nila ng mga salita ni Ming noon. Lumabo pa iyon nang lumuwas siya’t nakiusap ang kaniyang ama na pursigihin niyang makatapos ng “karera” sa Maynila.

Nagkakape na siya uli sa restawran sa lobby para hintayin si Ming nang mag-ring ang kaniyang cellphone. Narinig niya ang pamilyar na boses ni Zyra, ang secretary ng arkitekton­g pansamanta­lang pumalit sa yumaong presidente, ang pilantropo­ng si Sandino Sobresanto­s, Sr., ang nagtatag ng constructi­on company sa pangalan nito.

“Sir, kung di pa kayo nakalalayo sa building natin, balik na lang muna kayo sa opisina. Dumating na ngayong umaga mula sa provincial visit si Architect Koko. Una niyang ni-request na makausap ka pagdating niya rito. Sinabi kong off kayo ngayong araw after a series of overtime work nitong huling dalawang linggo. Nakiusap na gusto kayong makausap kahit half-an hour lang ngayong umaga.”

“Nagkakape lang naman ako sa restawran sa lobby. Papanhik agad ako!”

Halos magkasabay sila ni Koko Planas na itinaguyod ng matandang Sobresanto­s sa kanilang pag-aaral at pagsisimul­a ng kanilang career.

Inubos niya ang kape. Mabilis niyang nai-text ang mensahe niya kay Ming: hintayin siya sa restawran at may sandaliang miting lamang siya sa gusaling iyon.

Hindi niya inasahang sasagot agad si Ming. Sinabi nitong tapos na ang interview at may mga kausap pa ito na kabilang sa marketing team ng Sobresanto­s Realty Corporatio­n. Nagtungo siya sa opisina ni Architect Koko Planas.

“Good news or this is something,” bungad nito sa kaniya. “Ibig ni Dino na maging holding company ang constructi­on company dahil matatag at matagal na ito.Magpa-public listing tayo ng ating shares of stock nang makapagdag­dag tayo ng capital para sa realty company natin.

Si Dino ang panganay na anak ng may-ari ng Sobresanto­s Constructi­on Company.

“At gusto niya yatang directly na hawakan ang realty corporatio­n. What do you think?”

Parang hinuhulaan ni Koko ang isasagot niya. “Bagong challenges ‘yan on our part...at hindi natin matatanggi­han. We are not the owners. Legal counsel lang ako at president ka ng constructi­on company. Sa magkapatid pa rin ang final desisyon!”

May tanging kapatid si Dino—ang opera singer na si Aymira na umuwi nang mamatay ang kanilang ama. Bumalik ito sa Europe para tapusin ang nabitin nitong mga obligasyon doon.

“Sina-sound off tayo ni Dino. Kasama naman tayo sa paglago ng negosyong ito sa ilalim ni Mr. Sobresanto­s, our beloved elder. Di ba source of pride natin na kinukunsul­ta tayo ni Dino, ang kaniyang anak?” sabi ni Koko Planas.

“Yes. Baka lang magkaroon ng pagbabago sa policies. Bata nang konti sa atin sina Dino at Aymira. Di natin maaasahan na tulad ng kay Mr. Sobresanto­s, Sr. ang isip niya.”

“Adjust na lang tayo...young pa rin naman tayo,” biro pa ni Koko Planas.

“Kay Mr. Sobresanto­s, we were free to articulate our ideas. Puwede naman kaya kay Dino?”

Nagkatingi­nan sila ni Koko Planas.

MADALI namang natapos ang pag-uusap nila ng arkitekto. Hihintayin na lamang nilang sabay silang ipatawag ni Dino o si Engineer Sandino Sobresanto­s, Jr., ang Chief Executive Officer ng dalawang kumpaniyan­g palalakihi­n ang kapitalisa­syon, ayon kay Koko Planas.

Tiningnan ni Edel ang orasan niyang pambisig. Alas onse medya na ng umaga. Tinext agad niya si Ming. Sumagot ito.

Still with Engr. Sandino Sobresanto­s, Jr. May miting na kami... with six other lady marketeers. Can you still wait?

Namangha si Edel. Natanggap na si Ming? Ang bilis naman! Nagbalik sa restawran si Edel. Sinagot niya ang text ni Ming: Yes. Oorder na siya ng kahit anong appetizer bago hingin ang menu list nang marinig niyang may tumatawag uli sa cellphone niya.

“Sir, si Architect...” Ang secretary na si Zyra.

“Ok lang. Kausapin ko.”

Mabilis ang pagsasalit­a ni Architect Koko Planas. “Edel, kung nasaan ka man, gusto ni Dino na sabayan natin siya sa lunch ngayon sa function room ng kaniyang office.” Gusto ni Dino...

Ipinasa lamang sa kaniya ni Koko ang mensahe ni Sandino

Sobresanto­s, Jr.. Ni hindi nito tinanong si Koko kung maiimbitah­an siya nang tanghalian­g iyon. Hindi siya dapat pumasok sa opisina ngayon. Pagod siya sa dalawang araw na mabigat na pagsusuri sa mga dokumento ng lupain sa probinsiya­ng malapit sa Metro Manila na tatayuan nila ng 4-star subdivisio­n.

Naisip pa ni Edel na walang sino man na nagpasinta­bi sa kaniya kung maaari siyang dumalo sa miting na iyon—sa kabila ng dalawang araw niyang overtime na pagtatraba­ho.

Ngunit ano ang kaniyang magagawa? Natulungan silang dalawa ni ni Koko na makapagtap­os sa pag-aaral at makapagtra­baho sa constructi­on company ni Sobresanto­s, Sr. Bawas ba iyon sa kanilang dignidad?

Hindi sinabihan si Koko Planas, dumating siya sa opisina ni Sobresanto­s, Jr. at nagbigay ng kaukulang paggalang dito. Nakangiti at mukhang mainit ang pagtrato nito sa kaniya.

“O, Edel...opening sale na in two-weeks ng 4-star subdivisio­n natin south of Manila. Nakapili na ako ng 7-lady core ng marketing team natin na gusto kong iprisinta sa inyo ni Koko. Nasaan ba ang arkitekto nating ‘yon?” Nakatawang bungad sa kaniya ni Sobresanto­s, Jr.

Nakaramdam si Edel ng alinsangan sa air-conditione­d room na iyon. Bigla, naisip niyang kabilang sa grupo ng marketeer si Romina, si Ming na kababata niya.

(ITUTULOY)

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines