Liwayway

Tukso At Taksil (5)

- Armando T. Javier

(IKA-5 LABAS)

MAKAKALIMU­TAN na sana ni Vi ang tagpong nakita niya sa Savory na may kasamang babae si Del. Kaso, nang gabing iyon, hindi umuwi ang kanyang mister. Nagmadali pa naman siya sa pag-uwi mula sa bookstore. Nangako sa kanya si Del na maaga rin itong lalabas sa opisina. Matapos ngang makapaglut­o ng hapunan, agad na siyang nag-shower at nag-ayos sa sarili. Gusto niyang datnan siya ni Del na kaakit-akit sa paningin nito. Nakikini-kinita niya na kapag gayong sexy siya, hihirit na naman ito na sila’y mag-do. Napangiti si Vi. Kinasabika­n niya ang pag-uwi ni Del.

Pero bigo ang byuti niya; hindi umuwi si Del.

Kung gagabihin ng uwi si Del o kung hindi ito uuwi, tinatawaga­n siya nito sa telepono, sa bahay man o sa opisina, lalo’t may mga out-of-town itong interbyu. Alam niyang parte iyon ng trabaho ni Del bilang peryodista; hindi pa sila nagkakairi­ngan ni Del tungkol doon. Iyon ay noong hindi pa niya ito nahuhuling may kasamang babae, kabataan pa, na nagmamalak­i ang boobs. Iyon ang nakapangin­gitngit sa kanya-- na si Del ay baka nakipagkit­a sa babae at baka rin kalambutsi­ngan na nito sa kama. Manyakis talaga !

Nakatuluga­n niya ang pagsisinti­r.

KINAUMAGAH­AN, nabungaran niya na katabi niya sa kama at naghihilik pa si Del. Sa table clock, pasado alas-kuwatro nang umaga. Mangani-nganing hampasin niya ng unan si Del. Nagpigil siya, nag-ayos nang sarili at binalak na pumasok nang maaga. Ayaw niyang makausap si Del.

Bandang alas-diyes, tumawag ito sa kanya sa opisina; binigyang katwiran ang hindi pag-uwi nang nagdaang gabi.

“Emergency, e,” sabi nito, naghihikab pa ang boses. “Bakit? ‘Wag mong sabihing dinapuan ng AIDS ang Pareng Ben mo?” sarkastiko ang tono niya, ipinahiwat­ig niyang galit siya.

Sumulyap kay Vi ang ilang staff ng bookstore. Nagpatayma­lisya siya.

Nagbuntung­hininga si Del sa kabilang linya; para bang nahuhulaan nito na mahihirapa­n sa pagkumbins­i sa kanya.

Kabisado na ni Vi ang mga alibay ni Del: interbyu kay ganoon at kay ganitong pulitiko, birthday ni ganito at ni ganoong kumpare, appointmen­t kay ganito at kay ganoong publisher. Inaasahan niya na isa sa mga alibay na iyon ang idadahilan ni Del. Iba ang sinabi.

“Isinugod ko sa ospital ang kapatid ni Vivian...” mahinahong sabi nito.

Napakiramd­aman niya ang tila pagkapahiy­a sa tono ni Del. Saglit siyang nag-isip, saka rumehistro sa kanyang diwa ang pangalan nang dating girlfriend ni Del noong binata pa ito na naikuwento nito sa kanya noon.

Cultural dancer si Vivian, sabi ni Del. Minsang nakompromi­so si Del na gumawa ng feature article tungkol sa trabahong iyon, isa si Vivian sa nagpaunlak na magpainter­byu. Kaso, hindi sa interbyuha­n lamang natapos ang pagkikilal­a

nila. Maganda si Vivian (sa descriptio­n ni Del), ma-appeal daw; sa madaling sabi, niligawan ni Del at ilang ulit na nai-date. Hindi inamin ni Del sa kanya pero hinulaan niyang naikama rin nito si Vivian. Sinabi lamang na nagkahiwal­ay sila nang mag-abroad ang cultural dancer.

Ngayon, sinasabi ni Del na dinala niya sa ospital ang kapatid ng ex nito. Kung gayo’y may kontak pa si Del sa pamilya ni Vivian. Napailing siya. Umagang-umaga’y nakasimang­ot siya; ramdam na sinusulyap­an siya nang iba pang staff ng opisina.

“Sige na, Del, busy ako...” nagpipigil na sabi niya, “sa bahay na lang tayo mag-usap.”

Napakiramd­aman siguro ni Del ang panlalamig sa boses niya. “S-Sige...” At nagbaba na ito ng telepono.

Nagbububus­a pa rin si

Vi. Mabuti pa ang ibang tao at pinagmamal­asakitan n’ya...akong misis n’ya’y ....

“Hoy...!”

Nagitla siya nang tapikin siya ni Tony sa balikat. “Ang aga-aga’y ba’t nanunulis na ‘yang lips mo?” Napahiya naman siya. “Ginulat mo naman ako, Ton. Himala, maaga ka?” “Maaga rin akong iiskapo!” “Ikaw talaga! Mam’ya mo makarating ‘yan sa auntie mo, lagot ka!”

“Ang takot na lang magsumbong n’yang mga empleyado natin!”

Naupo si Tony sa visitor’s

chair sa harap ng mesa ni Vi; sinulyapan ang mga papeles na inihahanda niya para papirmahan kay Mommy.

“’Sipag-sipag mo naman, nakokonsen­s’ya tuloy ako...”

“Naiinip kasi ‘ko nang walang ginagawa.”

Gusto niyang umalis na si Tony. Mainit ang ulo niya at masama ang loob niya. Ayaw niya muna nang may kausap-lalo’t makulit, tulad ni Tony.

Hindi umalis sa harap ng mesa niya si Tony. Maya-maya, walang sabi-sabing dinampot ang kamay niya at hinaplusha­plos.

“Ton, ha?” Binawi niya ang kamay niya.

Dinampot uli ni Tony, tuloy sa paghaplos. “Ang ganda-ganda naman ng kamay mo. Kamay pa lang almusal na...”

Minasama niya ang pahaging ni Tony; binawi niya uli ang kamay niya.

“Ton, p’wede ba? May nakakakita sa ‘tin, baka kung ano’ng hinalain...”

“Ano ba’ng pakialam nila?

Wala naman tayong ginagawang masama.”

“Tayo, alam nating wala. E, sila? Iba’ng alam natin kaysa sa iniisip nila.”

Gusto niyang maitaboy na si Tony nang hindi lalabas na siya’y bastos. Kaso, natutuwa pa yata ito kapag naiintriga.

“Bahala sila sa buhay nila! Ang iniingatan ko e ‘yung magalit ka sa ‘kin...” Hawak na naman nito ang kamay niya; hinihimas na naman.

“Ton, ha! Umagang-umaga, pinagtitri­pan mo ‘ko...!” Humalakhak ito at binitiwan ang kamay niya. Iyon ang trick. “Ikaw talaga...wala ka nang kayang lokohin kundi ako...!” “Nagsasaya lang ang tao, e. Kita mo e di ngumingiti ka na ngayon. Hindi tulad kanina na nagdidilim ang muk’a mo? Masyado ka naman ‘atang pinagod kagabi ng hubby mo?” “Sira!”

Dumampot siya ng staple remover at ibinato kay Tony. Sinalo nito, tumatawa pa rin. Naka-leave ang tiyahin nito. Ibinalik ni Tony ang staple remover sa mesa ni Vi. Naupo uli. Pinigil ang kamay niya sa pagrerebis­a ng mga papeles.

“Ba’t masungit ka kanina? Sige na. Tell me. Huwag ka nang mahiya. Para naman akong ibang tao sa ‘yo?”

Tiningnan niya nang tuwid si Tony; nagmamalas­akit ang bukas ng mukha nito.

“’Wag na lang, Ton, personal ‘to, e.”

“Kung ayaw mo talaga, okey lang. Ang sa ‘kin lang, baka makabuti sa ‘yo kung magse-share ka sa ‘kin...” “Salamat, Ton. I appreciate your concern. Next time na lang.”

“Promise?”

“Promise.”

Tumindig na si Tony. Gaya ng sabi sa kanya, aalis nang maaga. Nagbiling may kausap itong supplier, iniwan ang telephone number ng wireless nito at lumabas na. Gumibik si Mimi, isang sales clerk na nakadetaly­e sa labas ng silid. Nahulaan ni Vi na tinampal na naman ito ni Tony sa pigi. Napailing siya.

ALAS-NUWEBE kinagabiha­n, umuwi si Del. Nasa salas pa si Vi at nanonood ng TV. Humalik sa kanyang pisngi si Del. Himala, hindi amoy-beer.

“Maaga pa, a?” sabi niya, hindi tumitingin nang tuwid kay Del.

Tinabihan siya ni Del sa pagkakaupo niya sa sopa; hinubad ang sapatos.

“Nagdahilan ako ke Pareng Ben. Nagyayaya na namang uminom ang mga lasenggo...” Gustong magpatawa ni Del. Hindi siya tumawa.

“Kumusta ‘yung magaling na kapatid ni Vivian mo? Me sakit pa ba?”

Tiningnan siya ni Del ng tingin nang isang napikon. “Ba’t ganyan ang pagkakatan­ong mo?”

“Ano’ng gusto mo? Matuwa ako na pinag-aksayahan mo nang ‘sang buong gabi ang ‘sang taong hindi mo naman kaanuano?”

Luminga si Del sa paligid, hinahanap ng mata si Annie. Hindi nito nakita ang anak.

Lumalayo ang loob ni Vi kay Del ay tila napapalapi­t naman iyon kay Tony...

“Pinagsesel­osan mo ba si Ollie?”

At Ollie pala ang pangalan ng babae.

“Bakit? Wala ba ‘kong karapatan? Mister kita, a?”

“Vi, wala kaming relasyon kung ‘yon ang tinutumbok mo? Hindi ba naman ako makokonsen­s’ya na hinimatay ‘yung tao sa office ko e pabayaan ko na lang...?”

“Ayun! At dinadalaw ka pa pala sa opisina? Siguro, madalas kayong magkita nang malanding babaeng ‘yan, ‘no?”

“Vi, p’wede ba? Hindi malandi si Ollie.”

“Hindi? Bakit? Ano ba’ng trabaho ni Vivian nang maging syota mo?”

Nagpanting si Del. Umangat ang isang kamay, akmang sasampalin siya.

“Sige, ituloy mo?” Inilapit niya rito ang kanyang mukha. “Ituloy mo sabi!”

Natigil lang sila nang lumabas mula sa silid si Annie. Nakatingin sa kanila ang bata.

“Mommy, Daddy, aaway ba kayo?”

Nagkatingi­nan silang mag-asawa at agad ding pinasaya ang mukha.

“H-Hindi, ‘nak,” sabi ni Del. “Hindi.”

Nilapitan nito si Annie at kinarga pabalik sa silid nito. Nang makapasok ang magama sa silid, napaiyak si Vi. Nasapo niya sa magkabilan­g palad ang mukha. Nang mapakiramd­aman niyang lalabas na mula sa silid ni Annie si Del, nagmadali siyang pumasok sa CR. Doon, umiyak siya nang umiyak. Hindi niya pinagbuksa­n si Del na patuloy sa pagkatok sa pinto ng banyo.

Nagtalikur­an sila sa pagtulog. Nang maramdaman niya ang isang kamay ni Del na humihimas sa kanyang hita, tinampal niya iyon. Nang subuking hawakan siya sa balakang, tinampal niya uli. Hindi na nagpilit si Del. Parang naging napakasiki­p ng silid nila nang gabing iyon.

Hindi na siya nagpaabot nang umaga kay Del. Madalingar­aw pa nang dumating si Lydia, pinakiusap­an niyang samahan sa day-care center si Annie. Nagmadali siya sa pagpasok sa opisina. Pinakamaag­a siya roon, sa pagtataka ng kanilang guwardiya. Ikalawang caller niya si Tony.

“Good morning, Mrs. Beautiful,” sabi nito sa telepono. “How’s your day?”

“O-Okey naman, Ton.” Kahit halata sa boses niya na hindi naman okey. “At ikaw?”

“Mas lalong okey--dahil kausap kita!”

“Sira !” sabi niya. Pagkuwa’y tila nahiya siya na tinawag niyang sira ang pamangkin ng may-ari ng bookstore. Parang hindi naman na-offend si Tony. “Wala kang kayang bolahin kundi ako.”

“Hey. Hey. Sino’ng nambobola? Kung naging single ka lang e di matagal na kitang niligawan?”

“Loko mo. Marinig ka ng mga girlfriend­s mo e masabunuta­n ka pa...”

Narinig na naman niya ang tawa ni Tony sa kabilang linya. “Hulaan mo kung ano’ng ginagawa ko ngayon?”

“Nagbe-breakfast s’yempre.”

“Nope. Iniimadyin kita.”

“Tama ka na nga, Ton, kanina mo pa binibilog ang ulo ko. Siguro, naind’yan ka na naman nang date mo kagabi kaya feel na feel mong alaskahin ako?”

“Ba’t mo alam?”

Siya naman ang nagtawa. “Kabisado ko na kasing style mo. Kung naging mister kita, pukpok ng sapatos sa ulo’ng aabutin mo sa ‘kin...!”

“Magpapapuk­pok ako ng sapatos sa ‘yo araw-araw kung ikaw ang misis ko.”

Napalakas ang tawa ni Vi. Si Del, ni minsan, ay hindi niya napagbuhat­an ng kamay. At tipong pa-ander pa pala ang drama ni Tony.

“Papasok ka naman, Ton, dito na lang tayo magk’wentuhan,” sabi niya, ibig niyang maibaba na ang telepono.

“Wait lang. Hindi nga ako papasok. Me lakad ako ngayon-date. Bagong prospect. Kolehiyala. Batambata.” “Magaling! Sa’ng sauna mo naman nakilala ‘yan?” “Totoong kolehiyala ‘to. Pilya ka talaga! Sige na. ‘Wag mong itsitsika sa mga tao d’yan, ha? ‘Tsaka, baka mag-check si Auntie: sabihin mong nag-report ako. Please...”

“Ang lagay, gano’n lang...?”

“A...gumaganti ka, ha? Okey. Call. Ano’ng gusto mong lagay?”

“Ikaw ang magbibigay, s’yempre, dapat ikaw din ang mag-ooffer.”

“Hmmm...Dinner by candle light?”

“Ay, hindi p’wede! Gagabihin ako...”

“Meryenda na lang. Sa fastfood malapit sa Doroteo Jose mam’yang labasan. Malapit sa LRT. Madali kang makakasaka­y.” “Huwag na lang, Ton, binibiro lang naman kita.” “Ayoko nang dine-dare ako, Vi. Basta mam’ya, hintayin kita. Do’n na ‘ko tutuloy pagkagalin­g sa date ko. Okey?”

Hindi na siya nakasagot. Nagklik na ang linya. Napasubo na naman siya kay Tony. Ang tiyaga niya kasing makipagkul­itan dito!

KINAWAYAN siya ni Tony nang makita siyang nakapanhik na sa second floor ng fastfood restaurant sa kanto ng Recto at Avenida malapit sa Doroteo Jose station ng LRT. Iniorder siya nito ng combo meal na manok at spaghetti; nagpa-take-out din ng hamburger para raw may maipasalub­ong siya kay Annie. Nagfrench fries lang si Tony; busog pa raw ito.

“’Mustang lakad mo?” May harot ng kapilyahan­g naglalaro sa kanyang mga mata.

Ngumiti si Tony. “So far, so good.” Kumindat pa. Na ang pakahuluga­n ni Vi ay magaling ang ka-date nito.

“Wala bang naghanap sa ‘kin?”

“Wala naman. Ay, meron pala! Olive or something. Mahina ang boses, e. Ang gulo pa naman ng reception ng telepono...” Napakislot si Tony, parang naasiwa. “B-Bakit daw?” “Hindi sinabi. Nagbaba ng phone nang sabihin kong wala ka.” Napaismid si Tony.

“Sino ba ‘yon?”

“Wala yon,” sabi nito.

Hindi na nagpilit si Vi.

Hindi rin sila nagtagal doon. Nangangamb­a si Vi na baka may makakilala sa kanila ay mabigyan nang ibang kulay ang pagsama niya kay Tony. Hindi naman nangulit si Tony pero sinamahan siya nito hanggang sa terminal ng LRT; hintayhint­ay sila ng tren.

Noon niya napansin ang lalaking iyon na palapit na sa kanila. Nakapamuls­a, may tinging naghihinal­a. Hindi niya malaman ang gagawin nang mapagsino niya si Del.

Parang nawalan ng kulay ang mukha ni Vi.

(ITUTULOY)

 ??  ??
 ??  ?? Nagpanting si Del. Umangat ang isang kamay, akmang sasampalin siya. “Sige, ituloy mo?” Inilapit niya rito ang kanyang mukha. “Ituloy mo sabi!”
Nagpanting si Del. Umangat ang isang kamay, akmang sasampalin siya. “Sige, ituloy mo?” Inilapit niya rito ang kanyang mukha. “Ituloy mo sabi!”
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines