Liwayway

Pagsubok (Huling Bahagi)

- Neri Jedeliz

(HULING BAHAGI)

NAKITA ni Ale ang bakas ng pag-alinlangan sa mukha ni Mario. Maaaring nabigla talaga ito sa kanyang inimungkah­i. “Gusto mong subukan ang katapatan ni Yoly sa inyong pagsasama. At ako ang gagamitin mo. Baka naman ako ang pinaghihin­alaan mong kalaguyo niya,” ani Mario na tumigas ang boses.

“Hindi, Mario. Hindi ikaw ang pinaghihin­alaan ko. Kung ikaw ay bakit pa sa iyo ako lalapit,” tugon ni Ale.

“Sabagay. Sinabi ko naman sa iyo na nagbago na ako. Hindi na ako ang dating gigolo. Isa pa, hindi ko magagawa sa inyo ni Yoly ang gayon. Parang mga kapatid na ang turing ko sa inyo. May pinagsamah­an naman tayo mula noon.”

“Alam ko, kaya sa iyo ako lumalapit. Sa iyo ako humihingi ng tulong upang kahit papano’y masawata na itong nagbabanta­ng dagok sa aming pagsasama ni Yoly. Mahal ko ang aking asawa at ayaw kong magkaroon ng lamat ang aming pagsasama na maaaring magiging mitsa ng aming paghihiwal­ay. Kaya hangga’t maaga ay kumilos na ako.”

“O, siya, ano naman ang maitutulon­g ko?”

“Ito ang plano ko. Gawan mo kaya ng paraan na yayain si Yoly na lumabas kayo. Maaaring sabihin mo sa kanyang me party kayong dadaluhan.”

“Baka pagtatawan­an lang ako noon. Alam naman niyang me asawa na ako at mga anak. Siya gan’on din, kahit wala pa kayong anak. Kahit nga noong araw ay gawain talaga namin ang maglakwats­a. Pero noon iyon. Noong wala pa kaming mga pananaguta­n sa buhay.”

“Kaya nga sa iyo ako lumapit. Magka-vibes kayo noon sa mga lakaran. At sa tant’ya ko’y tila bumabalik na naman sa dati niyang gawi si Yoly, like the old days.”

“Yayain ko siyang mamasyal? E, bakit di ikaw na lang ang yayain niya kung gusto niyang magliwaliw?”

“Siguro nabalitaan mo naman na naaksident­e ako sa kalsada at napilayan. Paika-ika na ako kung lumakad at gumagamit lang ng saklay. Kaya malayong ako ang yayain niyang lumabas. Ang di niya alam ay magaling na ako. Di ko lang sinasabi ito sa kanya, upang magkaroon nga ako ng pagkakatao­n na masubukan siya.”

“O, halimbawan­g pumayag siyang sumama sa akin. Yayain ko siyang dumalo kami sa isang party. Hindi ka nga makakasama sapagkat baldado ka pa. Paano mo naman mapapatuna­yan na me another man siya?”

“Well, kung nasa lakaran na kayo, sa downtown halimbawa, subukan mo siyang yayaing manood ng sine, o yayain mo siyang pumasok sa isang hotel, kumain at uminom. D’yan ka naman magaling noong araw, e. Galing mong mambola sa babae.”

“Sabi nang nagbago na ako, e. At me problema.” “Ano?”

“Kung makarating ito sa misis ko, ako ang lagot nito. Alam mo namang magaling sa taekwando ang aking misis. Baka balian niya ako ng buto.”

“Nakapag-asawa ka nga ng matapang. Kaya ka tumino. Parusa na ito ng langit sa iyo. Noong araw kasi marami kang pinaiyak na mga babae. Biro lang,” napatawa si Ale.

“Sige na nga. Ang tanong ko, paano mo nga malalaman na me another guy si misis mo, halimbawa namang pumayag siya sa mga patutsada ko?”

“Well, diyan natin malalaman sa kanyang mga reaks’yon kung bumalik nga siya sa dati niyang gawi. Kung sumama siya sa iyo, nangangahu­lugang back to the old days na siya. At maaaring mabanggit niya sa iyo ang tungkol sa kanyang another guy sa ngayon. Ikaw na nga ang bahalang hulihin siya, kung totoo ang tsismis na me kerido nga siya. Uulitin ko, d’yan ka nga magaling.”

“Aba, Pare, mahirap itong ipinagagaw­a mo sa akin. Lagot tayong dalawa sa ating mga misis kong mabubuko tayo.”

“Kaya nga walang dapat makakaalam nito. Tayong dalawa lang. O, ano, tulungan mo ba ako?”

Ilang sandaling natahimik si Mario. Nag-iisip. Makaraan ang ilang saglit…

“Well, paano ba kita matatanggi­han? Malaki din ang naitulong mo noon sa akin kaya napangasaw­a ko si Sabel. Ginawa din kitang tulay noon.”

“Hindi lang ginawa mo akong tulay. Ginawa mo pa akong messenger, o tagahatid ng sulat mo sa kanya.” “Alam ko kasing malakas ka kay Sabel.” “Siyempre, nakikinig si Sabel sa akin, e, ako yata ang

paborito niyang pinsan.”

“Magpipinsa­n nga kayo ni misis.”

“O, ano?”

“Sige na nga. ‘Buti na lang, nasa States ngayon si Misis at ang aming anak, nagbabakas­yon. Alam mo namang nasa States nakatira ang kanyang mga magulang. Me dalawang kapatid siya roon na mga nurse.”

“Thanks, Pare. Harinawa’y magtatagum­pay ka sa iyong misyon. Kaya mo ‘yan. Ikaw pa?”

“Huwag mo akong bolahin. Pag sumabit ako rito’y lagot ka sa akin.”

Sabay silang napatawa.

NANG maibaba na ni Ale ang telepono, nakaramdam din siya ng kaba. Sa totoo lang, nahihiya rin siya kay Mario lalo na’t alam naman niyang naging boyfriend din ito ni Yoly noon. Kaya nasabi mismo ni Mario na baka pinagbibin­tangan din niya ito na kalaguyo ng kanyang misis kung totoo nga ang tsismis. Pero naglakas loob na lang siya na lumapit kay Mario sapagkat sa totoo lang, ayaw niyang mabahiran ng kung anong sigalot sa pagitan nila at maging mitsa ng pagkabuwag ng kanilang pagsasama. Ayaw niyang mawala sa kanyang buhay si Yoly. Mahal na mahal niya ito.

Naalaala pa niya ang kanilang pag-uusap ni Yoly bago sila ikasal. Kung dati ang tipanan nila sa Luneta lamang noong hindi pa sila magkasinta­han, nang “sila na”, niyayaya na siya ni Yoly na kumain sa labas at magpalipas ng oras sa mga klab. Nakita niyang sanay uminom ng champagne o ladies drink ito. Siyempre naman, di ba mahilig ito sa sosyalan? Sa sosyalan hindi maiiwasan ang uminom ng alak.

“Ayaw mo nang sa Luneta na lang tayo magkita, ha?” biro niya noon sa kasintahan.

“Mas mabuti rito, mas nakakaliba­ng, makinig ng music at uminom ng pampainit.”

“Magastos naman.”

“Huwag kang mag-alala. Mayaman ang nobya mo.”

“’Yon na nga, e. Nakakahiya kung ikaw pang babae ang gumastos sa mga lakad natin. Dapat, ako, ako ang lalaki, e.”

“Me pera ka ba?”

“A, e, wala nga akong pambayad sa kasera, dito pa.” Napahalakh­ak si Yoly.

“Sabi ko, huwag kang mag-alala. Madatung itong nobya mo. Isa pa, ako ang nagyaya kaya dapat ako ang taya. Isa pa…”

“Ano ang isa pa?”

“Dito makapag-usap tayo ng masinsinan.”

“Anong masinsinan ang dapat nating pag-uusapan?”

“Gusto kung makasal na tayo. Nagsabi na ako kay Papa at Mama at payag naman sila. Ipinakilal­a na kita sa kanila, di ba? Sabi nila, mas mabuti pa raw na mag-asawa na lang ako kaysa gumala sa gabi. Nagalala din sila.”

“Anong masinsinan nga ang ating pag-uusapan?”

“Gusto ko, bago tayo makasal, mawawala ang anumang pagaalinla­ngan natin sa isa’t isa. Lalo na sa ‘yo, baka may pag-aalinlanga­n ka sa akin.”

“Anong pag-aalinlanga­n?”

“Baka naisip mo, dahil mahilig akong maglakwats­a sa gabi, kasama ang mga barkada, baka may mantsa na ang pagkababae ko.”

Di umimik si Ale.

“Kumporme lang ‘yan sa babae,” patuloy ni Yoly. “Para sa akin, kumo mahilig ako sa sosyalan kasama ang mga barkadang babae at lalaki, ay kalimutan ko na ang pagpapahal­aga sa aking sarili. Kalimutan ko na ang magandang mga aral na turo ng aking mga magulang.”

Tumingin nang masusi si Yoly kay Ale saka lumagok sa kanyang basong may alak.

“Kahit pa kasama ko sa gimikan ang mga barkada ko, di ko nakakalimu­tan ang pagpapahal­aga sa aking pagkababae, di ako nagwawala, di kagaya ng iba. Kahit sabihin pang ilang beses na ako nagpalit ng boyfriend, di nangangahu­lugang wala na akong maipagmama­laki bilang isang babae. Ale, maniniwala ka kaya sa sasabihin ko?”

“Na ano?”

“Na…virgin pa ako?”

Parang napipi si Ale. Di malaman ang isasagot. Kalauna’y… “Mahirap sagutin iyan. Parang hinahatula­n na kita kung sasagutin ko.”

“Alam mo, Ale. Naisumpa ko sa aking sarili na ibibigay ko lamang

Naganap ang pagsubok na inihain ni Ale sa kanyang asawa. Ngunit, napag-isip niya, ang pagsubok na para kay Yoly ay isang pagsubok din sa kanya.

ang aking sarili sa lalaking mahal ko, sa lalaking maghahatid sa akin sa dambana.”

“At sino ang lalaking ‘yan?”

“Sino pa, e di ikaw. Di ba ikaw ang maghahatid sa akin sa altar?”

“Mapapatuna­yan mo?”

“Aba, oo…”

Nang gabing iyon, may nangyari nga sa kanila. Sa isang hotel sila nagpalipas ng magdamag. At doon nga napatunaya­n niya na malinis pa ang pagkababae ni Yoly. Virgin pa nga ito. Di naman nagbunga ang kanilang pagniniig na iyon, hanggang sa ikinasal sila. Ang totoo, pangarap na ni Ale na magkaanak sila upang magkaroon ng bigkis ang kanilang pagsasama. Ngunit magpahangg­ang ngayon ay wala pa. Wala namang sinasabi si Yoly sa kanya.

LINGGO, walang pasok si Yoly. Nakaupo naman si Ale sa sopa habang nagkakape. Nasa tabi niya ang kanyang saklay. Nang biglang tumunog ang cellphone ni Yoly. Sinagot naman nito. Matagal na nag-usap sila ng tumawag. Kapagdaka’y nakita ni Ale na nagbihis si Yoly, bitbit ang shoulder bag, lumapit ito sa kanya at nagpaalam.

“Lalabas muna ako,” ani Yoly.

“Saan ka pupunta?”

“Naalaala mo pa ba si Mario Arevalo, ang ating dating barkada noong nag-aaral pa tayo sa kolehiyo?”

“Aba, oo. Di ba ex mo ‘yon?”

“Noon, pero nakipag-break ako sa kanya, ikaw ang pinili ko.” “O, ano daw?” Pagmaang-maangan ni Ale.

“Isa na pala siyang doktor sa ngayon. Ibig niyang imbitahan tayo sa blessing daw ng kanyang kabubukas na klinika. Hindi ka naman makakasama at may pilay ka. Kaya ako na lang daw ang dadalo.”

“Well, e, di puntahan mo. Mabuti namang makakalaba­s ka upang makapagpah­inga ka naman sa pag-asikaso sa pilay mong asawa.”

Hinalikan siya sa noo ni Yoly bago umalis.

Nang makaalis si Yoly, nagbihis naman si Ale upang umalis. Di pa alam ni Yoly na makakalaka­d na siya ng tuwid. Buti ngayon ay dalawa lang sila ni Yoly sa kanilang bahay at ang kanilang dalawang katulong ay nagbakasyo­n muna sa kanilang probinsiya.

Nang makalabas siya ng patago, nakita niya si Yoly na sumakay sa taksi. Kaagad na tinawag naman niya ang papalapit na taksi at sumakay. Sinabi niya sa drayber na sundan ang taksi na sinakyan ni Yoly.

Nakita ni Ale na tumigil ang taksi sa harap ng isang mall at lumabas si Yoly. Ilang sandaling naghintay sa labas. Ilang saglit pa, nakita naman niya si Mario na lumabas sa mall at lumapit kay Yoly. Pumunta ang dalawa sa car park at sumakay sa kotse ni Mario. Ilang sandali pa, nasa gitna na sila ng matrapik na kalsada patungo sa Ermita. Patuloy naman sa pagsusubay­bay ang taksi na sinasakyan ni Ale.

Kung totoong may kalaguyo si Yoly na ibang lalaki, di sana’y hindi na ito sumama kay Mario, naisip ni Ale. Dapat na kasama ni Yoly ang kalaguyo nito kung mayroon man sa pagdalo sa imbitasyon ni Mario.

Ilang sandali pa, tumigil ang kotse ni Mario sa harap ng isang motel. Tumigil din ang taksing sinasakyan ni Ale. Bumaba sina Mario at Yoly sa kotse. Bumaba rin si Ale sa sinakyan niyang taksi at sinabi sa driver na mag-waiting lang. Nagtago siya sa isang poste ng motel upang di makita ng dalawa. Nakita ni Ale na mukhang may sinasabi si Mario kay Yoly. Itinuturo pa ang entrance ng motel. Nakita niya na parang nagalit si Yoly. Padabog na tinalikura­n si Mario. Dali-dali namang bumalik si Ale sa naghihinta­y na taksi at sumakay. Uuwi na siya. Sinabi sa drayber na bilisan ang pagmamaneh­o. Ayaw niyang mauna pa si Yoly na makarating sa kanilang bahay. Siyempre, mabubuko siya. Sapat na ang kanyang nakita. Di totoong may kalaguyo ang kanyang asawa. Di nagtataksi­l si Yoly sa kanya. Labis na galak ang sumalikop sa kanyang dibdib.

Ilang sandali pa, narating na ni Ale ang kanilang bahay. Dali-dali siyang nagbihis at kinuha ang kanyang saklay. Katabi niya palagi ito upang ipakita sa kanyang asawa na di pa siya magaling. Humimlay siya sa sopa na kunwari’y nakapikit.

Di pa uminit ang kanyang likod sa paghimlay sa sopa, narinig na niya ang pagpara ng isang taksi sa harap ng kanilang bahay. Ilang saglit pa, narinig niya ang mga yabag ni Yoly papasok sa sala. Pumikit siya ulit at nagtulog-tulugan.

Ilang saglit pa, naramdaman niyang humalik ni Yoly sa kanyang noo. Dumilat siya at tumingin sa asawa. Umupo si Yoly sa tabi niya.

“O, bakit naririto ka na? Anong nangyari sa lakad mo?” tanong niya. “Ang ungas…” “Sinong ungas?” “Sino pa, e, di ang kaibigan mong si Mario. Dinala ako sa motel. Naroroon daw ang kanyang bagong klinikang ibeblessin­g.”

“O, baka naman naroroon nga ang kanyang klinika?”

“Malabo ‘yan. Me private doctor clinic ba sa loob ng isang motel? Hindi ako tanga. Tiyak me masamang balak siya sa akin.”

“E, bakit namang sumama ka sa kanya papunta sa sinasabi niyang klinika?”

“Sumama ako dahil isa siyang doktor ng mga babae. Isang obgyn. Gusto ko sanang pagkatapos ng kanilang blessing, magpapatse­k-ap na lang ako sa kanya tuloy.” “Magpatsek-ap?” Nagulat si Ale.

“Oo, Mahal. Buntis ako, ng first baby natin!”

Tila binuhat papuntang langit si Ale. Lalo na nang yumakap si Yoly sa kanya. Ngayon niya natiyak na tapat ang kanyang asawa sa sinumpaan nila sa harap ng altar. Siya naman lang ang nakaramdam ng hiya sa sarili sapagkat napag-isipan niya ng hindi mabuti ang kanyang asawa, at nawalan siya ng tiwala rito. Ngayon ay lalong tumibay ang kanyang pagtitiwal­a sa katapatan ni Yoly. Kung tutuusin, ang pagsubok na ito ay hindi para lang kay Yoly—pagsubok din ito sa kanya, sa kanyang pananalig sa kanyang asawa.

“Hayaan mo na lang si Mario, Mahal. Baka lasing. Ako na ang bahalang kumausap sa kanya. Ako na ang magpapaliw­anag sa kanya.”

“Bakit kelangan kang magpaliwan­ag sa kanya?”

“A, e, ipaliwanag ko ang tunay mong pakay sa pagsama sa kanya. Para namang magkakaint­indihan kayo. At magkapataw­aran.”

“Di kita maintindih­an…”

“Bsta…simula ngayon, ako naman ang mag-aalaga sa ‘yo. Aba, lalabas na ang baby natin, a. Teka, ikukuha kita ng gatas.” Saka biglang tumayo si Ale na nakalimuta­ng magsaklay. Namilog ang mga mata ni Yoly.

“Aba, nakakatayo ka na nang tuwid? Di ba pilay ka pa?” “Aba, oo nga ano? Milagro! Nakakalaka­d na ako nang tuwid!” Napakamot sa kanyang batok si Ale. Binalikan si Yoly at yakapin. “Sige, alalayan mo ako. Mas maganda ka pang alalay keysa saklay. Mas mabango at malinamnam!”

(WAKAS)

 ??  ?? “Aba, nakakatayo ka na nang tuwid? Di ba, pilay ka pa?” ani Yoly. “Aba, oo nga, ano? Milagro! Nakakalaka­d na ako nang tuwid!”
“Aba, nakakatayo ka na nang tuwid? Di ba, pilay ka pa?” ani Yoly. “Aba, oo nga, ano? Milagro! Nakakalaka­d na ako nang tuwid!”
 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines