Liwayway

Kasaysayan

-

pero natatakot siya sa maaaring gawin nito sa mga magulang niya kapag basta siya nawal. At si Pat, iniisip niya siyempre si Pat. Hahanapin siya nito pagbalik nito. Sigurado siyang hahanapin siya nito. Hindi nito ipapahalat­ang hinahanap siya pero hahanapin siya nito. Nangako si Dimang na siya ang bahala sa lahat, na huwag niyang problemahi­n ang mga magulang niya, na matagal na nilang naihanda ang pagdating ng araw na ito. Na hindi dapat kalimutan ni Benilda na mas matanda si Dimang kaysa kay Galang at kaya mas marami itong alam na mga bagay tungkol sa Kalibutan na ni wala sa hinagap ng Matandang Nuno sa Punso. Hindi siyempre pinawi ng mga salita ni Dimang ang kung anumang takot na nararamdam­an ni Benilda noon pero wala siyang ibang pagpipilia­n kundi kumapit din sa mga salitang iyon. Puwede pa ba siyang bumalik sa silid niya sa Matandang Tugatog at magpanggap na hindi nakilala si Dimang, na hindi nalamang may mga bathala pa, na maaari niyang makausap ang isang bathalang naririto sa Tahilan? Maaari ba niyang talikuran si Isidro, o kahit ang alaala ng mga itinuro nito sa kaniya, kung sakaling… kung sakaling hindi na nga sila magkikita kahit kailan?

Nasa ganoong pagmumuni-muni si Benilda nang biglang huminto ang anuwang. Halos maumpog siya sa pintong salamin sa unahan ng kariton. Sa liwanag ni Bepuda at ng buwan sa labas, nasilip niya ang hugis ng isang lalaking nakaharang sa gitna ng daan. Hindi siya sigurado kung may hawak na tabak ang lalaki pero pamilyar ang postura nito. Parang may tumalon sa puso ni Benilda. Humakbang palapit sa kaniya ang lalaki at tama ang iniisip niya. Dali-daling binuksan ni Benilda ang pintong salamin.

“Isidro!” may puwersa subalit mahina ang pagkakataw­ag niya sa pangalan ng lalaki. Payapang-payapa pa rin ang paligid. Nasa Patán pa rin ba sila? Nakita niyang lumilipad ang daligmata ni Isidro sa likod nito. Si Iisa. Itim na itim ang balahibo nito kaya lalong parang napakaliwa­nag ng mga mata nito sa dilim.

“Kailangan kong ilagay sa anuwang ang bagong data ng lokasyon pagpasok natin ng Tulukan,” mahinang bulong ni Isidro, bago nito isinuksok ang hawak na tabak sa kaluban nito na nakasabit sa gilid ng kaliwang beywang.

“Ikaw ang gagabay sa akin?” May kung anong kasiyahan sa loob ni Benilda. Napawi ang lahat ng kaunting galit at pagaalala sa basta pagkawala ni Isidro.

“Mula rito hanggang sa pupuntahan natin, oo, sasamahan kita,” sabi ni Isidro, sigurado si Benilda na nakatitig ito sa kaniya kahit hindi niya nakikita ang mukha nito dahil nakataliko­d ito sa pinagmumul­an ng liwanag. “Pero pagdating natin doon, hindi ko alam. Malalaman natin.”

“Nasaan na ba tayo ngayon? Saan ka nanggaling? Saan ba tayo pupunta?”

“Nasa Dawakan ka na ngayon. Dalawang kabanata na lang at sisikat na ang araw. May tutuluyan tayo sa gilid ng mahabang burol bago tumawid sa Tulukan. Hindi ko alam kung saan tayo pupunta, pero narito,” at ipinakita ni Isidro ang isang maliit na chip na hawak nito sa kanang hintuturo at hinlalaki. Tumalikod kay Benilda si Isidro para lumapit sa ulunan ng anuwang. Alam ni Benilda ang gagawin nito, papalitan nito ang kung anumang chip na nasa loob ng utak ng anuwang para mare-program ang laman noon. Kasama na ang destinasyo­n nila. Hindi na pinansin ni Benilda na hindi sinagot ni Isidro kung saan ito nanggaling. Hindi niya alam kung saan sila pupunta. Maaaring magtagal pa ang biyaheng ito. Marami pang oras para pag-usapan ang mga bagay-bagay sa kanila. Pero ano nga bang meron sa kanila na kailangan nilang pag-usapan?

Hindi nagtagal at bumalik si Isidro sa kaniya. “Maaari ba akong umakyat diyan sa loob?”

Kasya ang hanggang apat o limang diwata sa loob ng kariton. “Oo naman,” biglang sabi ni Benilda. “Siyempre, siyempre. Hindi naman kita paglalakar­in. Pero… paano ka nakarating dito?” Itinodo na ni Benilda ang pagbubukas sa salaming pinto.

Tumuntong naman si Isidro sa akyatan bago tuluyang pumasok sa itaas. Naiwan si Iisa sa labas, hindi alam kung lalapit ba kay Bepuda na nasa bandang ulunan pa rin ng anuwang o mananatili sa labas ng pinto ng kariton.

Sa loob, pagkapasok na pagkapasok ni Isidro, hindi napigilan ni Benilda ang sarili na sabihing, “Marami kang kailangang ipaliwanag sa akin.”

SINABI NI Isidro kay Benilda na pag-usapan nila pagsikat ng araw ang mga tanong ni Benilda pero magpahinga na muna ang babae at siya ang magbabanta­y sa kariton hanggang sa pansamanta­la nilang titigilan sa gilid ng burol.

Gusto sanang makipagtal­o pa ni Benilda pero ramdam niya na hindi magbabago ang pasya ng lalaki. Isa pa, kanina pa rin siya inaantok, pero tuwing mapapapiki­t siya, parang may kung anong kaba na naglalakba­y sa dibdib niya at bigla siyang mapapamula­t. Hindi siya sigurado kung napaidlip ba talaga siya at kung gaano katagal, o nakapikit lang naman siya talaga pero ni hindi siya iniwan ng ulirat niya kahit saglit. Ngayon, nahiga si Benilda sa bandang likod sa loob ng kariton. Sanay na ang mata niya sa dilim. Nakatakip na ang mga kurtina sa tatlong panig ng kariton, maliban sa kurtina sa bandang pinto kung saan nakaupo si Isidro at nakatingin sa labas, tulad ng puwesto niya kanina bago sila hinarangan nito sa daan.

“Puwede namang magpahinga ka rin,” sabi ni Benilda. “Wala naman sigurong mangyayari sa atin hanggang sa dulo ng Dawakan.”

“Nakapagpah­inga ako nang mabuti, huwag kang mag-alala,” sabi ni Isidro. “Magpahinga ka na.”

Hindi na sumagot pa si Benilda. Nahiga siya’t nagkumot, kahit hindi naman siya nilalamig. Sanay lang siyang nagkukumot. Hanggang bandang beywang niya. Ngayong pumipikit siya, biglang hindi naman siya dinadalaw ng antok. Mahigit isang kabanata na lang at sisikat na ang araw. Kailangan niyang magpahinga. Hindi nila alam kung ano ang haharapin nila bukas. Kailangang malakas siya, kailangang alerto ang isip niya. Pero napakarami pa rin ng tanong sa isip niya. Natutukso siyang tanungin ulit si Isidro. Kausapin ito. Kanina lang niya ito nakitang may hawak na itak at may kaluban sa gilid ng beywang. Tulad ng karaniwang lalaking sa malalayong balangay ng mga punso sa labas ng Isakan. Sa mga nayon na karaniwang taniman ng mga mangi ang malaking bahagi ng lupain at pagtatanim ang karaniwang ikinabubuh­ay ng mga diwata. Tagarito ba talaga si Isidro? Ibang-iba ang hitsura ng Isidrong ito sa Isidro na nakakahara­p niya sa Sinupan, nag-aabot sa kaniya ng mga aklat na hindi pa dapat niya nababasa, sa Isidro na nakakatagp­o niya sa bahay ng mga magulang niya at nakakausap tungkol sa mga bagay na hindi pinag-uusapan ng mga karaniwang diwata. Tulad ng pagkakapat­iran. Tulad ng mga pangarap. Tulad ng kalayaan. Gaano kakilala ni Isidro si Dimang? Hindi tuwirang

sinabi ni Dimang na nagkikita sila ni Isidro, kahit pa inamin nitong sa dito nagmumula ang mga librong ipinapasa ni Isidro sa kaniya. Maaaring gawin iyon ng nuno nang hindi nakakahara­p mismo si Isidro. At si Isidro, mapagkakat­iwalaan ba talaga niya ito? Puwede ba talaga siyang matulog nang ito lang ang kasama ngayon? Wala siyang makapa na kahit na anong takot. Nababasa niya si Isidro. Lagi niyang nararamdam­an na wala itong ibang hinahangad kundi kaligtasan niya. Siya ang nahihiya sa pintig ng pulso nito. Hindi siya komportabl­eng pinapasok ang kaibuturan ng lalaki. Pinakiramd­aman ni Benilda ang mga nilalang sa paligid ng dinaraanan nila. Kanina pa sila wala sa sementadon­g daan. Dama ang lubak ng mga lupa sa pag-ikot ng mga gulong ng kariton. Sumasayaw sa malamyos na malamyos na hangin sa labas ang mga halamang uhongain. Gising na gising ang mga ito subalit may kung anong pagtitimpi sa hibik ng loob ng mga ito. Magkahalon­g pagkasabik at takot sa hamog. Iniisip ni Benilda kung hindi ba kilala ng mga halamang ito ang kalungkuta­n. Wala siyang makapa. Wala, parang hindi pa dumaranas ng kalungkuta­n ang mga uhongaing ito. Dumaan sila sa madamong panig ng daan at ni walang reaksiyon ang mga damo sa pag-ipit ng mga gulong sa kanila. Mukhang tanggap na nila na bahagi iyon ng kanilang pag-iral. Ang posibilida­d na mayapakan, maipit, madaanan. Daan-daanan lang. May kakaibang damdamin ngang nakapa sa mga ito si Benilda. Ano iyon? Pagmamalak­i? Isang malalim na buntonghin­inga at pagkatapos ay pagmamalak­i? Pagmamalak­i saan? Na sa wakas ay nayapakan na ito? Na hindi iyon dinanas ng iba. Na may mga damong tutubo at matutuyo na hindi madadaanan ng kahit ano, ng kahit sino, samantalan­g heto sila, hindi pa sumisikat ang isang panibagong araw, niyapakan ng apat na paa ng isang nilalang, at inikutan ng kung anong gulong ng kung anong sasakyan papunta sa kung saan, at buhay pa rin sila. Parang bahagyang naunawaan ni Benilda ang naramdaman ng mga damong iyon. Pero mga damo ba talaga iyon? Hindi ba siya ang totoong nakararamd­am niyon? Hindi na sigurado si Benilda. Hindi na rin siya sigurado kung gising pa ba siya talaga o panaginip na ito. Panaginip ang uhongain. Panaginip ang mga damo. Panaginip kahit ang pagdating ni Isidro. Na ang totoo ay nag-iisa lang siya rito sa kariton. Nag-iisa nga ba siya? Baka ni wala nga siya sa kariton. Baka ang totoo ay nasa Matandang Tugatog pa rin siya at nahihimbin­g sa sariling silid. Si Dimang, nakita ba niya talaga si Dimang? Baka panaginip lang din niya si Dimang. Hindi na sigurado si Benilda. Pinipilit niyang imulat ang mga mata niya pero hindi na niya magawang maimulat iyon. Pagkatapos, malalim na malalim na balon ng kadiliman. Nasaan ba siya? Hindi na siya sigurado. Pagmulat niya, maliwanag na at biglang sumikdo ang loob niya nang makitang wala si Isidro sa kinauupuan dapat nito. Bumangon siya agad, iniangat ang mga kurtina ng salamin, at nakita niyang nakatayo si Isidro sa labas, tinatanaw sa liwanag ng araw ang ibabang kapatagan na dinaanan nila. Bumaba si Benilda sa kariton at nilapitan si Isidro na napalingon agad sa kaniya.

“Tabi po, Isidro,” sabi ni Benilda.

Nginitan lang siya ng lalaki. “Halos hindi na makita mula rito ang Matandang Tugatog.”

Matandang Tugatog ang pinakamata­as na gusali sa pinakamata­as na gulod sa buong Tahilan. Sigurado siyang hindi iyon ang tugatog na natatanaw nila mula sa kinatatayu­an nila. “Sa Dawakan iyon, hindi ba?”

Tumango si Isidro. “Akala ko’y hindi mo tatanggapi­n ito,” biglang mahinang bulong nito. “Ako ang kumukumbin­si sa kanila na hindi ka pa handa. Na hindi mo pa talaga nauunawaan. Pero nangyari ang lindol. Hindi natin napaghanda­an iyong lahat.” Nakatingin pa rin si Isidro sa tanawin sa ibaba.

Bumaling ng tingin si Benilda kay Isidro. Napakarami niyang tanong dito. Pero sa ngayon, sapat na munang pareho silang naririto.

(ITUTULOY)

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines