MAIWASTO NAMAN ANG MALI
“Hindi naman sa gano’n, Isabel. Hindi lang tayo magkapalad.” “Patawarin mo ako. Hindi kita ipinaglaban. Ngunit wala akong magawa kong si Daddy na ang magpasiya. Sunud-sunuran lang ako.”
“Matagal na kitang pinatawad, Isabel. Nauunawaan kita. At sa unang pagkakataon na nakilala ko ang anak mong si Anton at mabanggit sa akin ang kanyang apelyido, nahinuha kong siya anak mo. Ngunit di ko binanggit sa kanya o kay Anna na dati na tayong magkakilala. Ayaw kong magkaroon ng kaugnayan sa kanila ang ating nakaraan.”
“Ganyan din ang gusto kong mangyari, Fidel. Kaya nabigyan ako ng lakas ng loob na makipagkita sa iyo. Alam kong di bagay ang aming kalagayan sa buhay ngayon upang lumapit sa ‘yo. Subalit nagmamahalan ang dalawang bata. Dahil lamang sa kanilang pagmamahalan, kaya lakas loob na akong lumapit sa ‘yo. Naniniwala akong mauunawaan mo.” “Nasabi ko na kay Anna ang aking pasiya sa bagay na iyan.” “Tutol ka sa kanilang ugnayan?” Tumango si Mang Fidel. Namutla si Isabel na napayuko. “Nakapagpasiya ako ng ganyan bilang ama ni Anna. At bilang isang ama, dapat kong isasaalang-alang ang magandang kinabukasan ng aking anak.”
“Natatandaan ko, iyan din ang sinabi sa iyo ng aking ama noon. Inuulit mo lamang.”
“Ngayon ko napagtanto na may katwiran ang iyong ama, Isabel. Kaya ako nakapagpasiya ng ganyan ngayon. Hindi sapat ang pag-ibig upang lumigaya. At huwag mong isiping me kaugnayan ang inyong kalagayan sa buhay ngayon sa aking pasiya. Ikinalulungkot ko kung hindi ako sang-ayon sa balak ninyong mag-ina.”
“Kung gayon, wala na tayong dapat pang pag-uusapan, Fidel. Aalis na kami.”
Tumayo na si Isabel upang umalis. Saka namang pagpasok nina Anna at Anton sa salas kung saan nag-uusap sina Isabel at Mang Fidel. Nahulaan kaagad ni Anton ang nangyari pagkakita sa namumulang mga mata ng ina.
“Tayo na, Inay,” nawika na lang ni Anton. Lumingon ito kay Mang Fidel bago umalis. “Alis na po kami. Salamat na lang,” ani Anton.
Si Anna naman, parang napako sa kinatatayuan. Malungkot na napatitig ito kay Mang Fidel, at di kawasa’y patakbong pumasok sa silid nito.
MULA noon, nagiging malungkutin si Anna. Bihira na lang itong makipag-usap sa ama. Bihira lang naman silang magkikita sa sarili nilang bahay. Gabi na kung umuwi si Mang Fidel mula sa kanyang tanggapan. Pag-uwi, kumain na raw ito sa labas, kaya tuloy na ito sa kanyang silid. Ang dalawang katulong na lamang ang madatnan niya sapagkat nagkukulong naman sa silid nito si Anna.
Isang araw, sa opisina ni Mang Fidel, di niya inaasahan ang magiging panauhin niya—si Isabel.
“Ano ba ang maipaglilingkod ko sa ‘yo, Isabel?” ani Mang Fidel.
“Muli akong nakipagkita sa iyo upang magsusumamo,” tugon ni Isabel. “Kung ang dahilan ng di mo pagsang-ayon sa balak ng mga bata ay dahil sa hinanakit sa nangyari sa atin noon, hinihiling kong huwag mong idamay ang ating mga anak.”
“Nasabi ko na sa iyo na walang kaugnayan ang aking pasiya sa nangyari sa atin noon,” tugon ni Mang Fidel na mahinahon. “Wala akong dapat hinakitan sa nangyari sa atin noon, Isabel. Naging maligaya ako sa pagsasama namin ng ina ni Anna. At ikaw, tiyak naging maligaya ka rin sa lalaking ipinagpalit mo sa akin. Di ba, Isabel?”
“Oo,” walang gatol na sagot ni Isabel. Dama ni Mang Fidel ang katapatan ng
sagot na iyon.
“Kung gayon, wala na tayong dapat ipaghihinayang sa ating nakaraan, Isabel. Sa isang banda’y dapat pa nga akong magpasalamat sa yumao mong ama. Dahil sa paghamak niya sa akin, nagsumikap ako at nagtagumpay naman.”
“Isang uri ng paghihiganti ang gusto mong mangyari, Fidel. Subalit di lamang ang aking anak ang masaktan. Gayon din ang iyong anak. Kung pareho tayong nagkamali noon, huwag nating idamay sa ating pagkakamali ang ating mga anak. Hindi makatarungan iyan.”
Hindi nagbunga nang mabuti ang muling pagkikita na iyon nina mang Fidel at Isabel. Lumong-lumo na lumisan si Isabel.
Subalit dalawang oras pa lang na nakaalis si Isabel sa opisina ni Mang Fidel, biglang tumunog ang telepono sa mesa nito. Nang sagutin niya, nakilala niya kaagad ang boses ni Isabel.
“Anong nangyari sa ‘yo, Isabel? Di pa ba tapos ang ating usapan?” tanong ni Mang Fidel.
“Fidel, me nangyari kina Anna at Anton.”
“Anong nangyari?” Kinabahan din si Mang Fidel.
“Me nakita akong sulat dito sa bahay pag-uwi ko. N-nagtanan sina Anton at Anna!”
“Ano?” nagulat din si Mang Fidel. Ilang saglit na napatda. “Tumawag agad ako sa ‘yo sapagkat baka isipin mong me kaugnayan ako sa kanilang pagtanan. Anong gagawin natin?”
Ilang saglit na di nakasagot si Mang Fidel. “Huwag kang mag-alaala, Isabel,” mahinahong nawika ni Mang Fidel. Tiyak babalik sila sa inyong bahay. Pagbalik nila, sabihin mo sa kanila na hinihintay ko sila rito sa aking bahay.”
“Ano?” Parang di makapaniwala si Isabel. “Di ka galit?” “Bakit ako magagalit. Ginawa lamang nila ang iniisip nilang tama. Ipinaglaban nila ang kanilang pag-iibigan, na siyang dapat sa lubos na nagmamahalan. At iyon ang di natin nagawa noon, Isabel. Di natin nagawang ipaglaban ang ating pag-iibigan noon, at iyon ang pagkakamali natin noon.” Hindi makapagsalita si Isabel, maaaring sa labis na galak. “Ang ating pagkakamali noon, ay nagawang iwasto ng ating mga anak ngayon. Dapat na magpasalamat tayo sa kanila, Isabel.”
“Nauunawaan kita, Fidel. Tugon sa sulat na iniwan ni Anton, baka uuwi rin sila bukas rito sa aming bahay. O kelan kami pupunta riyan sa inyo?”
“E, di bukas.”