Basta, Mahabang Kuwento
PALAGI siyang kinukuwentuhan ng kanyang Nana Herminia tungkol sa mga alamat na ibangiba sa mga alamat na ipinababasa sa kanila sa paaralan. Nariyan ang alamat ng unang lalaki’t babae na hindi naman nagmula sa kawayan kundi sa bulkan nang nainip na ito sa pag-iisa sa daigdig kaya nagsabog ng abo na nag-anyong mga tao nang maulanan. Nariyan din ang alamat ng butiki na hindi naman salbaheng bata ang isinumpa ng duwende na humalik sa lupa bago magtakipsilim kundi isang matapobreng asendero. Nariyan naman ang alamat ng pinya na hindi naman tungkol sa batang naging prutas na kay raming mga mata dahil sa katamaran nitong maghanap ng sandok, kundi biyaya raw ang pinya mula kay Bathala para sa isang babae upang manmanan ang asawa nitong kutob niyang may ibang kinakalintari.
“Ay naku, Nana! Ano ba iyang ikinukuwento niyo sa anak ko?” pabirong paghihimutok ng kanyang inang beautician habang ginugupitan ang mahabang buhok ng lola.
“Ikinuk’wento ko lang kay Doy ang tungkol sa pinya at mga kabit na dahilan kung bakit ka ngayon nag-iisa!” sabi ng lola.
At naghalakhakan ang dalawa. Tanggap naman nilang mag-ina na inabandona sila ng kanyang ama at sumama sa kalaguyo nito. Matagal-tagal din bago niya natanggap kaya parang biro na lamang sa kanila ang usaping iyon. Isa pa, hindi naman nag-iisa ang nanay niya dahil may kinakatagpo na ito na hindi pa alam ng lola.
Hindi naman talaga nila kaano-ano si Nana Herminia na tinawag nalang nila na “Nana”. Kapitbahay nila ito. Tumandang dalaga kaya’t nag-iisa na lamang sa buhay. Sa likod ng antigong bahay nito, maraming nakatanim na mga mirasol. Naaalala pa niya, nang inatasan sila ng kanilang guro na magdala ng bulaklak upang ialay sa bantayog ng pambansang bayani sa anibersaryo ng pagkamartir nito, palihim siyang pumitas ng mga mirasol sa hardin ng matanda ngunit patay, nahuli siya sa akto! Labis ang takot niya noon dahil sa pagsisigaw ni Nana, samahan pa ng pilat nito sa mukha na nagpabagsik sa hitsura nito. Kay sungit noon ni Nana at labis din ang galit sa kanya ng nanay niya. Mabuti na lang, madaling nagkasundo si Nana at ang kanyang ina matapos nitong humingi ng tawad at sabihing mga bagong lipat lamang sila sa Sta. Agnes mula Maynila.
Magmula noon, naging matalik na magkaibigan ang dalawa. Parati na rin silang dumadalaw sa bahay ng matanda na sakdal
buti naman pala at noon na rin siya nagsimulang magayuma ng mga kakatwang kuwento nito. Siya lang din kasi ang batang nagpupunta roon. Ang iba’y pinangingilagan ang bahay na parang pinamumugaran iyon ng isang mangkukulam ngunit alam naman niya ang totoo.
Mahigit pitumpung taong gulang na si Nana ngunit nakapagtatrabaho pa rin ng mga gawaing bahay. May mga kamag-anak namang bumibisita rito mula sa mga karatig na bayan ng Sta. Agnes ngunit hindi nito nilisan ang bahay. Kinukulit na nga ito ng kapitan na tumira na lang sa isang kamag-anak o sa isang nursing home ngunit matigas ang ulo nito. “Bakit ako titira roon? Aba’y malakas pa naman ako. At anong tingin mo sa akin, ulyanin?” Napakamot na lang sa ulo ang kapitan.
Hindi niya maiisahan si Nana lalo na’t matalas pa ang isip nito. Si Nana yata ang kinikilalang historyador ng Sta. Agnes. May mga nagpupunta nga ritong mga propesor dahil bukal si Nana ng kaalaman tungkol sa kasaysayan ng kanilang bayan. At pati na sa mga likha nitong alternatibong alamat, siyempre.
“NANA, magkuwento kayo tungkol sa mga nuno!” minsan niyang hiniling dito habang sinisimot ang inihain sa kanyang arroz caldo na specialty ng matanda.
“Mga nuno!” Pansamantalang nag-isip nang malalim si Nana bago pinangislapan ng mga mata. “Ang Tatang ay naging kasapi ng Hukbalahap nang sakupin ng mga Hapones ang bayan.”
Alam na niya ang tungkol sa hukbo dahil nabanggit na ito sa klase nila sa HEKASI. Kung nabuhay siya sa panahong yaon, gusto niya ring maging gerilyero at itaboy ang mga sundalong Hapones sa ikalalaya ng Inang Bayan. O, kay astig naman!
“May kaibigang nuno ang Tatang dahil palagi silang nakakaligtas ng kanyang mga kasama sa bawat sagupaan nila ng mga kaaway. At heto pa, Doy, binigyan siya nito ng agimat na nagpapahaba umano sa kanyang buhay. Tadtad ng pilat sa buong katawan ang Tatang—mga sugat mula sa bala ng baril at hiwa mula sa bayoneta ng mga kalaban ngunit nabuhay siya!”
Namangha siya sa tinuran nito at ibig niya ring magkaroon ng kaibigang nuno—kung totoo ngang may mga nuno.
Nabanggit na rin lamang nito ang pilat, bigla siyang nagtanong. “E, Nana, iyang pilat niyo po sa mukha? Malalim po ang sugat na ‘yan, a! Napa’no po ba ‘yan?” Hindi mawaglit sa kanyang isipan nang una niyang masumpungan ang lola at ang katakot-takot nitong wangis.
“A, ito? Ay, wala ito.” Naglaho bigla ang ningning sa mga mata ni Nana nang hipuin ng mga daliri nito ang mahabang peklat. “Noong dalaga pa ako nito. Matagal na iyon. Basta, mahabang k’wento!” Humagikgik ito ngunit pakiwari niya’y may nasaling siyang anumang bagay na ikinubli ng kanyang biglaang paghagikhik.
Noon niya unang narinig ang mga salitang iyon. Basta, mahabang kuwento! Sa musmos niyang isipan, nanatili pa ring hiwaga ang katauhan ng matandang naninirahang mag-isa sa antigong bahay na may hardin ng mga mirasol. Bilib na bilib naman siya sa mga lektura nito tungkol sa kasaysayan, mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ng mga kinakathang karakter, at iba pang mga kuwento ng hiwaga ngunit kinasabikan talaga niyang malaman ang personal na buhay nito—hindi ang tungkol sa pamilya nito kundi tungkol talaga sa babaeng nagngangalang Herminia. Halimbawa, kung may umibig ba sa lola niya o kung may inibig ba ito. At minsan na nga niya itong natanong tungkol dito.
“Ay! Anim lahat ang nanligaw sa akin, Doy. Biruin mo, anim! Ganoon kaganda ang lola mo!” pagmamayabang nito.
“E, bakit sa dami nila, hindi man lang kayo nakapili ng mapapangasawa?” Hindi na niya alintana pa kung akma bang magtanong tungkol sa pag-aasawa ang batang tulad niya.
“Doy, sino ba naman ang gugustuhing mapangasawa ako matapos akong…” napatda ang pagsasalita ng lola. “Haay, ang buhay nga naman. Basta, mahabang kuwento!” At humagikgik na naman ito.
Nabibitin siya. Naiinis na siya. Bakit parang makasarili ang Nana sa pagputol sa kuwento? Bakit tila may inililihim ang tagapagkuwento?
NASUNDAN pa iyon nang sumapit ang Undas. Sinamahan nilang mag-ina si Nana papuntang sementeryo dahil doon din ang kanilang sadya. Nasa paanan ng bundok ang sementaryo ngunit nasa mas mataas at masukal pang bahagi nito ang kinaroroonan ng pakay pa ng lola matapos bisitahin ang mga namayapa nitong kapamilya. Sinabihan naman siya ng kanyang nanay na samahan ang lola at magkita-kita na lamang sila sa gitnang bahagi ng sementeryo dahil may katatagpuin daw itong kaibigan.
“Doy, matapang ka ba?” pagsubok sa kanya ng matanda. “Aba, oo naman!” pagkukunwari naman niya.
“Kung ganoon, Apo, tena!”
Matarik ang daan paakyat ngunit pambihira ang lakas ng lola kahit na may kabagalan ito. Narating nila ang bahagi kung saan isang dosenang puntod ang nakahanay. May krus ang bawat puntod. Bigla siyang kinilabutan at napayakap sa baywang ni Nana. “Naku, ‘wag kang matakot! Mababait ang mga nakalibing diyan,” pangungumbinsi nito. Kaya pala natanong nito kung matapang ba siya. “Mga lola mo na rin sila kung tutuusin. Mga naging kaibigan ko sila sa silid na yaon…” dagdag pa ng matanda.
“Saang silid? Anong ginagawa niyo roon kasama sila? Bakit kayo nasa silid?” usisa niya sa sabik na tinig.
“Ay, Apo, kay dami mo nang tanong. A basta, mahabang kuwento!” At humagikgik na naman ito.
Inalis naman ni Nana ang nakapulupot na cadena de amor sa mga krus. “Alam mo bang dito sa bundok na ito unang tumubo ang halamang ito?” Umiling siya at ikinuwento na naman ni Nana ang isang bagong likhang alamat. At malilimutan na niya ang tungkol sa mahiwagang silid na ikinubli na ng makapal na cadena de amor, na wari’y ayaw ng lola na papasukin siya sa silid na yaon.
Iyon na rin ang huling Undas nila sa nayon. Hindi nagtagal, muling nag-asawa ang kanyang nanay. Taga-Maynila ang napangasawa nito na nadestino sa Sta. Agnes dahil sa isang proyekto ng kumpanya nito. Alam na niya ang tuloy niyon— ang muli nilang pagbabalik sa siyudad upang doon tumira kasama ang kanyang amain na siya palang kinatagpo ng kanyang nanay sa sementeryo.
Kahit na batid nito ang masidhing kalungkutan, ikinagalak naman ni Nana ang muling pag-aasawa ng kanyang nanay. “Mainam ‘yan. Dahil bata ka pa at kailangan nitong si Doy ng isang ama. ‘Wag kang gumaya sa akin na hindi na nag-asawa. Ay, mahirap ito—ang mag-isa.”
Tumango lamang ang nanay niya.
“Apo, ‘wag mong kalimutang ikuwento sa nanay mo ang alamat ng pinya, ha?” baling sa kanya ng matanda.
“Nana naman!”
Napagtagpi-tagpi niya ang lahat ng mararahas na kuwentong kanyang napakinggan na parang konstelasyon ng mga bituing may liwanag na naglantad sa nakakubli nitong malagim na kasaysayan...
Naghalakhakan ang magkaibigan. Mangiyak-ngiyak naman siyang nagpaalam sa lola ngunit pinigilan niya ang pagluha dahil sabi ni Nana, “Big boy ka na, Doy!” Siyam na taong gulang siya noon.
NGAYON nga at beynte uno na siya, malaki na siya ngunit may pusong paslit pa rin siyang sabik sa mga kuwentong kagila-gilalas. Ang talab ng mga kuwento ang dahilan kung bakit nahilig siya sa pagbabasa. Umiinog na rin sa kanyang mundo ang iba’t ibang mga kuwento dahil isa na siyang researcher para sa isang tanyag na magazine program sa telebisyon. Sa katunayan, nasuyod na niya ang kasuluk-sulukan ng Filipinas sa paghahanap ng mga interesanteng kuwento. Sa kanilang paglalakbay, hindi niya maiwasang maalala ang Sta. Agnes at si Nana. Ginagayuma siya ng alaala ni Nana upang magbalik doon.
Hanggang sa napadpad na nga ang crew nila sa pambublikong nursing home sa kanugnog na bayan ng Sta. Agnes, iyong tinutukoy ng kapitan. Itatampok nila sa kanilang programa ang pinakamatandang kambal na nabubuhay sa bansa na nakatira roon.
Pagbaba nila ng van, bumungad sa kanila ang pagkarami-raming mirasol na nakatanim sa harapan ng pasilidad. Masisiyahan siguro si Nana kung nandito siya, bulong niya sa sarili.
Nakipanayam siya sa dalawang matandang lalaking kambal na kapwa mga beterano. Sinuysoy nila ang ilang mahahalagang tagpo sa kasaysayan ng kanilang lalawigan katulad ng mga bagyo, salot, tagtuyot, at iba pang mga sakuna. Dumako rin sila sa babaeng pareho nilang inibig. Pinaksa rin ng kanilang usapan ang paglaban ng kambal noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
“May kilala po ba kayong kasing edad niyo rin at nabubuhay pa hanggang ngayon?” usisa niya.
“Mayroon!” bulalas ng isa.
Sa puntong iyon, nagulat siya nang bulagain sila ng isang matandang babae na biglang umusbong sa kaniyang likuran. Dali-daling siyang binigyan ng mirasol pati na ang matandang kambal. Payat ang katawan nito, pagkahaba-haba ng buhok, at kapansin-pansin ang peklat nito sa mukha. “Ang historyador!” sabi ng isa sa kambal. Historyador? Hindi kaya…? Patalilis na umakyat pataas sa may hagdan ang matanda kaya’t hindi na niya ito napagmasdan nang mabuti. Iwinaglit niya ang kanyang hinala at ipinagpatuloy ang panayam.
Ganoon na lamang ang labis niyang pananabik nang matapos ang panayam at dagli niyang hinanap ang kinikilalang historyador ng kambal. Pagdating niya sa ikalawang palapag, nasumpungan niyang muli ang mahiwagang matanda sa silid-tulugan ng mga residente roon. Nakaupo ito sa pinakasulok na katre, hawak pa rin ang bungkos ng mga mirasol. Nilapitan niya ito’t siniyasat ang wangis.
Pinanlakhan siya ng mga mata. Hindi siya nagkakamali. “Nana! Nakikilala niyo ba ako? Si Doy ho ito! Nandito na pala kayo? Hindi ko po kayo namukhaan!”
Taimtim lang siyang tinitigan ni Nana. Walang kibo, walang imik. Niyakap naman niya nang pagkahigpit-higpit ang lola sa labis na galak, dahil sobra niya itong na-miss.
Maghapon niyang inilahad sa matanda ang kanyang naging buhay kahit na tumatango lamang ito sa kanya. Walang puknat ang kanyang pagkukuwento tungkol sa kanyang nanay at amain na kapwa nasa Amerika na, sa kanyang trabaho bilang researcher, at sa kanyang buhay-pag-ibig hanggang makatulog na si Nana.
Nagpagabi na ang buong crew sa nursing home upang makapagbiyahe sila nang tirik ang araw bukas. Pinili niyang matulog sa tabi ni Nana dahil puno na ang kuwartong nagsisilbing guest room sa ibaba. Gusto niyang makapiling nang husto ang matanda.
Walang-wala sa hinagap na magkukrus muli ang landas nilang maglola. Bigla niyang ginunita ang mga alternatibong alamat, ang kasaysayan ng Sta. Agnes, at iba pang mga kuwento na wari’y napakinggan lamang niya kahapon. Sa pagmumuni-muni niyang iyon nahimlay ang kanyang katawang pagod sa maghapong pakikipanayam sa matandang kambal at sa pagkukuwento sa muling pagkakatagpo niya sa lolang minamahal.
Sa kailaliman ng gabi, naalimpungatan siya sa mga kaluskos. Bumaling siya sa higaan ni Nana ngunit wala ito. Malamang nagpunta ito sa banyo ngunit may arinola namang nakaabang sa ilalim ng katre nito. Mahimbing ang tulog ng ibang mga lola sa silid kaya’t siya’y walang atubiling lumabas habang tinitiyak na hindi sila magigising ng kanyang mga yabag.
Pagkalabas niya ng silid, namataan niya ang kanyang hinahanap sa may unahan ng mahabang pasilyo na masaganang tinatanglawan ng liwanag ng buwan. Mistulang isang aparisyon si Nana. Nakita siya nito at sinenyasan na
magmadaling pumunta sa tabi nito. Hinawakan naman siya nito sa kamay nang nakalapit na siya. “Bilisan natin ang pagtakas habang wala pa sila,” bulong nito sa kanya.
Batid niyang sinusumpong si Nana. Nauunawaan niya ito kaya’t sinakyan niya ang kawawang matanda. Kuyog-kuyog na siya ni Nana nang biglang parang may kung anong dumamba rito. At unti-unti na ngang nagkatawan at sumambulat ang mga hindi nakikitang nilalang na namugad sa alaala ni Nana. “Para niyo nang awa!” pakiusap nito sa hangin. Walang binatbat si Nana sa mga katunggali nito. Tila itinutulak sila nito ngunit pumapalag naman. Hindi patitinag si Nana sa lakas ng puwersa subalit tuluyan na itong nadaig at nabuwal mula sa kinatatayuan.
Dalawang lalaking tagapag-alaga ang sumugod sa kanilang dalawa. Panay pa rin ang pagsisigaw ni Nana kaya’t nagising na rin ang ilang mga tao sa nursing home na kanina lang ay himbing na himbing sa pagtulog.“‘Wag! ‘Wag! ‘Wag! ” palahaw ng kanyang lola.
Niyakap na niya nang mahigpit si Nana. Pumatak ang luha ng matanda sa kanyang leeg at tila napaso siya ng alaalang ginugunita’t isinasabuhay ng patay-sindi nitong katinuan.
“Nana! Wala silang masamang gagawin sa ’yo. Mababait sila. ‘Wag kang matakot. Nanaaaaa...” Nabasag na ang kanyang boses at namalisbis na rin ang mga luha sa kanyang pisngi.
“Doy?” Muling pinangislapan ang mga mata ng matanda, tulad ng dati. “Apo, ikaw pala!”
“Opo, Nana! Ako si Doy! Kumusta na po kayo? Ano na pong nangyari sa inyo?” Pumitlag ang galak sa kanyang puso. “Aba’y ganito, Apo… Basta, mahabang kuwento!”
At hindi na niya napigilang mapahagikhik dahil sa bukambibig nitong mga salita. Napahagikhik na rin ang matanda. Tulad ng dati, tulad ng dati.
KINAUMAGAHAN, ipinagluto niya si Nana ng arroz caldo. Siya noon ang nagluluto nito sa kanya ngunit siya naman ang nagluto at nagpapakain ngayon dito. Sa may kusina, sinusubuan niya si Nana habang tumatagos ang sikat ng araw mula sa pasilyo hanggang sa loob. Pinatitingkad pang lalo ng liwanag nito ang kulay ng lahat pati ang mga mirasol sa plorera sa mesa. Tila tinatanggal ng mga bulaklak ang anumang kapanglawan. Naalaala niya ang nangyari kagabi. Napatingin sa kanya si Nana at nginitian siya. “Hijo…” “Bakit, Nana?” sabik niyang tanong.
“Maaari mo bang ipagluto ang mga kaibigan ko sa silid? Gutom na gutom din sila dahil hindi man lang kami pinakain ng mga sundalong Hapones matapos kaming—” at muling napatda ang pagsasalita nito.
Ngumiti na naman ang matanda. Nauunawaan na niya. Basta mahabang kuwento. Alam niyang iyon ang susunod nitong sasabihin ngunit hindi na ito muling nagwika pa.
Bilang isang researcher, natanong na niya kung ano kaya ang sariling kasaysayan ng mga taong nanalaysay ng kasaysayan ng iba o iyong sariling kuwento ng mga tagapagkuwento. Habang kumakain, napatitig na naman siya sa pilat sa mukha ni Nana. Ang sabi nito, “Basta, mahabang k’wento!” At hahagikhik ito dahil, malamang, may mga karimarimarim na tagpong iniiyakan ngunit hinahagikhikan na lang din bilang pagtugon sa nililikha nilang sugat.
Pagkahaba-haba man ng kuwento ni Nana, alam niyang inilalahad ito ng mahabang pilat nito sa mukha na wari’y nilikha ng talim ng bayoneta, ang pagdalaw nito sa puntod ng mga babaeng naging kaibigan nito sa mahiwagang “silid”, ang bangungot na muling dumalaw rito nang ito ay sumpungin, at ang paulit-ulit nitong pagtugon sa kanya ng “Basta, mahabang k’wento!” kung hindi talaga nito kayang umamin. Bilang tagapagsaliksik na batid ang pag-iral ng mga masasalimuot at mararahas na kuwentong kanyang napakinggan mula sa iba’t ibang mga estranghero, napagtagpi-tagpi niya ang lahat ng iyon na parang konstelasyon ng mga bituing may liwanag na naglantad sa nakakubli nitong malagim na kasaysayan. Sa bawat pagpatak ng luhang isinamo ng alaalang simbigat ng mundo, alam na ng batang Doy kung bakit, basta, mahabang kuwento!