Kung Kinuha Na Ang Lahat Sa Atin... (2)
(IKA-2 NA LABAS)
ITINURO pa ni Engr. Sandino Sobresantos, Jr. o Dino ang sopa na nagpatining sa isip ni Edel na talagang kailangang maupo siya roon, hintayin ang presidente ng Sobresantos Construction Company na si Architect Koko Planas, pati na ang pitong lady marketers na ipiprisinta sa kanila sa tanghaliang iyon. May kausap ito sa direct line ng opisina.
“Yes, Chang, sure ka na on the way na ang delivery ng lunch for 12 people?”
Naisip ni Edel na kausap ni Dino ang sekretarya nitong si Chang.
“At kasama kayo ni Ms. Millar ng Human Resource Department sa presentation ng our lady sales force!”
Hangos na sumulpot naman si Architect Koko Planas. Nakita pa ni Edel na kinindatan ni Dino ang dumating bago patawang nagsalita.
“Sayang at hindi ka na available, Koko. Mai-impress ka sa beauty, charm at bilis mag-isip ng ladies na na-hire natin sa sales force!”
Tumawa lamang ang dumating, kumamay kay Dino, saka tinabihan si Edel sa sopa.
“May nakursunadahan yata ...” paanas na wika sa kaniya ni Koko Planas.
Naisip ni Edel na nagandahan din si Dino kay Ming. Wala siyang reaksiyon sa puna ni Koko.
Pagkaraang pumasa sa licensure examination sa Pilipinas bilang inhinyero sibil si Dino, kumuha pa ito ng master sa kurso nito sa Germany. Naputol ang pag-aaral na iyon nang sundan nito sa New York ang isang pop singer na Latina-Amerikana na nagkaroon ng konsiyerto sa Berlin. Nauwi iyon sa halos isang taong relasyon ng dalawa, kaya nagtrabaho si Dino sa isang construction company sa katabing New Jersey City. Umupa roon ng condo si Dino.
“Nagselos si Dino sa out of town na mga konsiyerto ni Conchitina, kaya nauwi iyon sa hiwalayan,” kuwento sa kaniya noon ni Mr. Apolonio, ang matagal nang drabyer ni Mr. Sobresantos, Sr. na kababata at kaibigan pa nitong huli. “Noon iniwan ni Dino ang trabaho nito sa construction company at naging mukhang bum...parang palaboy sa New York!”
Nakahulihan ng loob ni Edel si Mr. Apolonio kung naisasama siya ng umeedad nang si Mr. Sobresantos, Sr. sa mga lakad nito kung gabi pagkaraang makapasa siya sa bar examination. Nagtiyaga siyang maging dagdag na badigard ng may-ari ng construction company dahil sa pagtanaw ng utang na loob sa matanda.
Kuwento pa ni Mr. Apolonio na pinuntahan pa ni Sobresantos, Sr. si Dino sa New York, kasunod ang kapatid nitong bunsong si Aymira na nakabase noon sa Vienna sa Europa.
“Noon ipinagtapat sa akin ni Boss na kundi napuntahan nilang mag-ama si Dino sa New York, nagpakamatay na ito.”
Hindi pa umuwi sa Pilipinas si Dino, salaysay pa ni Mr. Apolonio. Tinapos ang pagmamaster sa engineering na pangako nito sa ama, saka nagbalik sa pinasukan nitong construction company sa New York.
“Nakabawi sa pagkaloko sa pop singer, nagbuhay-binata uli si Dino sa New York, pero umiwas na sa permanenteng relasyon. Umuwi lang siya sa Pilipinas nang magkasakit sa prostate ang ama na inalagaan naman nito. Malubha na ang ama nang umuwi naman dito sa atin si Amyra, pero nagbalik sa Europe pagkalibing ni Boss dahil in demand na opera singer ito sa maraming bansa doon.”
Ngayon, lampas trenta’y siyete anyos na si Dino at parang wala sa isip ang mag-asawa.
“Buhay-binata pa rin!” Nagkibit-balikat si Mr. Apolonio. “Pero di ako naniniwalang magiging matandang binata siya!”
NALAMAN ni Edel habang katabi sa upuan si Architect Koko Planas nang magpaliwanag si Dino na kasama si Ming sa huling tatlong nakapasa sa ininterbyu ng manedyer ng Human Resource Department. Pinagreport na rin pala nang araw na iyon ang apat pang lady marketer na nakalusot na rin sa iba’t ibang pagsubok nitong nakaraang mga linggo.
“I want the personal pre-selling of lots to start possibly next week
following the publicity na ni-launch natin a two weeks ago. Isasabay naman natin ang ating personal pre-selling approach sa ating online pre-selling. Naipadala ko na sa lahat ng concerned groups ang plano nating ito. I want your personal opinions on these matters while we are having our lunch!”
Di gusto ni Edel na isinali sila ni Architect Koko Planas sa mga pagkilos sa pagbebenta ng mga lote ng bubuksang bagong subdibisyon ng realty corporation. Wala namang opisyal na designasyon sila ng arkitekto sa realty corporation.
Ngunit hindi mabuksan ni Edel kay Koko ang pagtutol niya. Hindi pa niya saulado ang ugali ni Dino. Naisip na lamang niya ang kakulangan sa propesyonalismo nito bilang Chief Executive Officer (CEO) ng dalawang korporasyong may kani-kaniyang opisyal at mga empleyado.
Ibig ni Edel na balingan si Koko at hingin ang opinyon nito sa naiisip niya. Ngunit nakita niyang bumukas na ang pinto ng opisina ni Dino at sumungaw ang sekretarya nitong si Chang.
“Sir...our lunch is ready. Shall I ask the ladies in the waiting lounge to proceed to the conference room?”
Mula sa pagkakaupo sa executive chair, tumindig si Dino at binalingan silang dalawa ni Koko.
“O, Koko...Edel, let’s us meet the ladies...May tunog pa ng biro ang sinabi nito.
Tumindig silang dalawa ni Koko Planas at sumunod sa nagpaunang si Dino. Inokupa nila ang mga upuan sa harapan ng conference room paglipat nila roon. Kasunod ang sekretarya at ang manedyer ng human resource department na si Ms. Edda
Millar, isa-isang pumuwesto sa mahabang conference table ang pitong kabataang babae. Nakahanda na ang tanghalian, pati na ang kahuli-hulihang table napkin sa harapan ng mga ito.
Noon natanaw ni Edel si Ming sa upuan sa gitnang unahan ng conference table. Manghang titig na titig ito sa kaniya. Ngunit hindi niya ikinonekta ang kaniyang tingin sa mga mata ng kababata.
Tumindig si Dino at listong nagsalita. “Welcome, ladies. It is a great opportunity for me to introduce to you our fellow workers here...”
At magkakasunod na ipinakilala sila ni Architect Koko Planas sa mga kabataang babaeng bumubuo sa sales force ng realty corporation.
Ngayon, bahagyang nakatungo na si Ming na parang nagiisip.
“In this presentation of you as the core of our lady sales force,” patuloy ni Dino. “We want to know from each one of you your plan with us. We assure you of our all-out support in building-up your career in this line of business of selling properties. We, as one faces a lot of challenges. Our grit and determination will be put to test from the start to the finish. We want to know if you will be with us!”
Saglit na namayani ang katahimikan, saka pagbaling sa isa’t isa at pagsangguni ng mga mata ng bawat isa.
Mayamaya, nagsalita si Ming. “Yes, Sirs, we are with you, in failure and in success!”
Ngumiti, tumawa at tumugon nang malakas si Dino. “Thank you, Ms. Mijares. We assure you of rewards in your pledge of commitment and loyalty!”
INABOT ng alas tres medya ng hapon ang presentasyon ng sales force ng realty corporation. Disimulado na tinext ni Edel si Ming nang palabas na silang magkahiwalay sa conference room.
Wait for me at the roofed-side of the entrance of the building. Darating ako na sakay ng Grab car. Sa nearby shopping mall na tayo magkakape. Thanks.
Kinakabahan si Edel. Tiyak na nabigla si Ming sa pagkatuklas na may posisyon siya sa trabaho niya sa gusaling iyon. Hindi niya alam ang naisip nito. Nasaktan ba ito sa hindi niya agad pagtatapat? O, napag-isip nito kung ano ang magiging kalidad ng relasyon nilang dalawa sa trabaho nila sa gusaling iyon.
Ilang nakaiinip na sandaling hinintay ni Edel ang sagot ni Ming sa text niya. Dalawa, tatlo hanggang limang minuto. Huminga siya nang malalim.
“Hihintayin niya ako...” sabi niya sa sarili na ibinase ang nasa kalooban niya sa tiwala sa pagsasalita ni Ming sa presentasyon nila.
Nahawakan niya ang cellphone na naikonekta na niya sa Grab. Kasabay iyon ng pagbubuo sa kalooban niya ng pagasang ite-text siya o tatawagan ni Ming. Bigla ang pagkarinig niya sa ring tone ang kaniyang cellphone.
Waiting here as you instructed...
Halos napalundag si Edel sa tuwa. Tumindi ang pagkasabik niya sa paghihintay ng sasakyang Grab na daraan sa tagiliran ng gusali. Kanina, agad-agad siyang humiwalay kay Koko Planas nang magbalik sa opisina nito si Dino!
Mabilis na sumakay si Edel sa dumating na kotse. Giniyahan niya ang drayber na padaanin ang sasakyan sa pinaghihintayan ni Ming. Nakita niya agad ito pagliko sa may gilid ng gusali.
Ang mga nangyari ba kina Edel at Ming ang naging buhay ng mga nakipagsapalaran sa mga lungsod ng ating bansa?
“Ming, sakay na!” sabi niya nang tumigil ang kotse sa kinaroroonan nito. Natakpan ni Ming ang bibig nito na parang hinarang ang ekspresyon nito ng pagkagulat. “Gaano tayo katagal sa mall?” inosenteng anas ni Ming.
Parang nasubhan ang pagkasabik ni Edel.
“Mag-uusap pa tayo...ang tagal nating di nagkita.”
“Mag-aalas kuwatro na .... uuwi pa ako sa Sampalok.”
Nasa Cubao sila.
“Tuloy tayo sa dinner, saka ihahatid naman kita!”
Nakabaling na siya kay Ming. Nasasamyo niya ang bango nitong naisip niyang nagmumula sa buhok o sa damit nito.
“Magkikita naman tayo sa building na workplace mo,”dugtong pa nito.
“Paano tayo makapag-uusap doon? ”
Tumawa si Ming. “Oo nga naman! Paano nga pala, e, sa labas ang trabaho ng sales force?” Kumurba na sa hugis-kalahating bilog na buwang harapan ng shopping mall ang sasakyan nila. Nagbayad si Edel, saka nagpauna siyang bumaba. Inalalayan niya si Ming sa pagbaba ng Grab. Nagunita niya kung inaalalayan niya si Ming sa pagbaba sa lunday o maliit na bangkang walang katig kapag dumarayo ito sa kanilang looban para mamitas ng mga bungang-kahoy.
“’Wag kang magmadali!” saway niya sa magasong pagbaba nito sa bangka. “Baka malublob ka sa putikang sasadsaran ng bangka.”
Nanudyo noon si Ming. “E, ano? Luksong-tubig naman ang poso ninyo! Tulo nang tulo kahit hindi bombahin.”
Walang patid ang bukal ng tubig na nilubugan ng tubo ng kanilang poso!
Ilang baytang lamang ang hagdanan ng shopping mall at sinalubong na sila ng mabigat na lamig ng centralized air-conditioning nito.
“Four pa lang ng hapon, ‘an lamig na!” bulalas ni Ming.
“Dagdag pa’ng lamig ng January. Next month, Valentine na...” sabi ni Edel.
“Uy, kung ano-ano ang sinasabi. Para kang nasa haiskul noong araw. Sino nga uli ang prospect na Valentine mo noon?”
Ikinukuwento niya noon kay Ming ang mga kaklaseng dikit nang dikit sa kaniya sa pagpapaturo ng mga leksiyon sa English at sa Math.
Nagtawa si Edel. Sino nga ba ang matangkad niyang kaklaseng babae na kasama ng ilang kabataan na inimbitahan niya sa kanilang looban para manguha ng manggang hinog at iba pang prutas na nasa panahon?
Hindi sinagot ni Edel ang pag-uusisa ni Ming. Tutudyuhin siya nito. Natatandaan niya noong ikinuwento niya ang mga kaklaseng babaeng iyon. Kinabukasan, sa pagtawid niya sa kawayanang looban nito, hindi siya masyadong kinibo nito kahit ito ang inutusan ng ama nito na ituro sa kaniya ang mga kawayang taga-sa-panahon na hiningi naman ng kaniyang ama para idagdag sa mga idadagdag sa ilang haligi ng kanilang bahay na gapok na at maaaring bumigay pagdating ng malakas na bagyo.
Minsan lamang naman siyang nagpapunta ng mga kaklase sa kanilang looban. Sinusundo pa niya ang mga iyon ng dalawang lunday na ipinasasagwan niya sa kaklaseng si Pondoy.
Ngunit laging nagbabalita si Ming tungkol sa isa sa mga “malapit” sa kaniyang mga kaklaseng dalaginding.
“Si Nita ‘yon. Nag-asawa agad nang lumuwas ka na ng Maynila para mag-aral. Balita ko’y nasa parteng itaas ng probinsiya natin at may isa nang anak. Hindi ka na nahintay!” tudyo pa ni Ming nang sumagid siya sa looban nito minsang umuwi siya para pag-usapan nila ng ama ang tumataas na halaga ng pag-aaral sa lungsod.
Hindi naman sinakyan ni Edel ang ibinalita ni Ming na patungkol sa kaniya. Iba ang “ipinasok” niyang pag-usapan nila.
“Ganoon talaga ang kapalaran ng mahihirap sa atin. Pag-aasawa ang urungan dahil walang matanaw na pag-asang aangat sa buhay sa kinabukasan. Pero ang trahedya, magkakaanak nang marami ang maagang nagsipag-asawang mga ‘yan at maghihirap na namang itaguyod ang kanilang mga anak. Mauulit na naman sa kanila ang takbo ng buhay ng kanilang mga magulang. At kung lilingunin pa ang mga nauna sa kanila...”
Napansin niyang seryosong nakatingin sa kaniya si Ming. Titig na titig sa kaniya na ugali na nito noong araw kung nagsasalita siya tungkol sa kaniyang pangarap na makatapos pagaral sa Maynila at magkaroon ng isang karera.
“Ganiyan ka noong araw...nang nakatira pa tayo sa magkabilang ibayo ng ilog...” Natigilan si Edel. Bigla ang huho ng mga alaala. Dama niya ang lamig na sumakmal sa kaniyang dibdib.
“Order ka na, Ming. Magugustuhan mo’ng kape rito at honey-glazed na donut!”
Ngunit parang mabagal sa pagbibigay sa kaniyang anyaya si Ming. Magkukuwentuhan sila nito. Magtatagal sila sa shopping mall hanggang sa abutin sila ng hapunan.
Alam ni Ming na hindi nila maiiwasang banggitin ang mga nangyari sa kanilang mga magulang at kung bakit hindi na sila nakababalik sa loobang bahagi ng kanilang kamusmusan.
Mapait sa bibig at makirot sa damdamin ang kanilang lumipas ni Ming!
(ITUTULOY)