Liwayway

Tukso At Taksil (6)

- Armando T. Javier

(IKA-6 NA LABAS)

“D-DEL...?”

“’Andito ka na pala?” sabi nito, parang inis. “Kalalabas mo nga lang daw ng opisina nang dumating ako do’n.”

Nilingon ni Del si Tony na katabi ni Vi. Bitbit ni Tony ang take home na hamburger para kay Annie.

“S-Si Tony, boss ko,” sabi ni Vi. “Ton, si Del, husband ko.”

Parang nagitla si Tony; napilit na ngumiti.

“A...s’ya ba?” Iniabot niya ang kamay kay Del. “Kumusta ka, brod?” Atubili si Del na tanggapin ang kamay ni Tony; pinandilat­an siya ni Vi. Nakipagkam­ay si Del, tumangu-tango.

“M-Me idini-discuss lang kami ni Kumander mo tungkol sa pamamalaka­d sa bookstore. Nakakahiya nga kay Vi, malimit kong maabala...”

Hindi nag-react si Del; nakaramdam si Tony.

“O, pa’no? Since ‘andito ka na, maiwan ko na kayo.”

Iniabot nito kay Vi ang pasalubong para kay Annie.

“Thanks, boss.”

Tumango si Tony at tumingin kay Del saka pumihit patungong hagdan.

Hinarap ni Vi si Del. “Ba’t naman pinagsungi­tan mo si Tony?” “Ano’ng gusto mo, matuwa ako?”

“Teka nga. Nagseselos ka ba kay Tony?” “Nagseselos?” ulit ni Del, panay ang buntunghin­inga.

“Ba’t nga pala ‘andito ka?”

“Nag-undertime ako para sunduin ka, makabawi sana sa mga atraso ko sa ‘yo...”

“Dala mo’ng owner?”

“Hindi. Idinaan ko sa talyer, mahina’ng preno...” Sumasagot si Del nang hindi lumilingon sa kanya sa pagkakaupo nilang magkatabi sa loob ng LRT; kumibo-dili si Del. At nakapagpap­akaba iyon kay Vi. Manunulat ang kanyang mister; matunog ito, mapaghinal­a. Naghalukip­kip siya at nagsawalan­g-kibo rin. Baka kung magsalita pa siya ay may masabi siyang hindi tugma sa nakita ni Del kanina ay lalo lamang humaba ang diskusyon at pagtatalo nila.

Sa bahay.

“Himala, maaga kang nakakalas sa mga barkada mong lasenggo?” sabi ni Vi para maiiwas niya ang isip ni Del sa paghihinal­a sa kanilang dalawa ni Tony.

“Gusto kong magpahinga,” matamlay na sabi ni Del. Nagbubuntu­nghininga pa rin habang naghuhubad ng sapatos; hindi tumitingin nang diretso sa kanya. “Kaya nga ako nag-undertime para sunduin ka. Yayayain pa naman sana kita sa mall, ipapanood ng sine, kakain. ‘Yon naman pala...?”

May hinanakit ang huling salitang binitiwan ni Del. May sumbat ang tingin nito nang lingunin niya. Binawi ni Vi ang tingin.

“Ba’t di mo sinabi hanggang kanina...?”

Nagpakita siya ng pagkayamot. Padabog ang hakbang niya, mabibilis, papasok sa kanilang silid.

Naghuhubad siya ng blusa nang pumasok si Del.

“Galit ka ba?” tanong nito mula sa likuran niya.

Hindi siya humarap. “Muk’a ba ‘kong galit?”

“Ano ba sa akala mo?”

Napuno siya; binalingan niya si Del. “Pinaghihin­alaan mo ba ‘ko?”

“Wala akong sinasabing ganyan...” sabi nito. Nakatingin sa kanya mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama. Naka-bra at palda na lang siya. “Ang sinasabi ko lang, lumabas ako nang maaga sa opisina, e, hindi naman pala tayo makakalaba­s. Ba’t ba ‘ansungit-sungit mo?”

Umingos si Vi at ipinagpatu­loy ang paghuhubad. Tinalikura­n niya uli si Del. Hindi niya masabi rito na mula lang iyon nang makita niya ito na may ka-date na batambatan­g babae sa Savory. Panay ang buntunghin­inga niya habang nagsusukla­y sa harap ng salamin. Nakita niya sa salamin nang lapitan siya ni Del, dukwangin at halikan sa leeg. Ang kanang kamay ay kumapa, sumapo, sa kanyang dibdib. Napaigtad siya.

“Del, ano ba? Pagod ako!”

Hindi siya pinansin nito; nagpatuloy sa paghalik sa kanyang leeg paakyat sa kanyang pisngi at bibig.

“Del, pagod sabi ako...!”

Kumalas sa kanya si Del. Tiningnan siya sa salamin. Madilim ang mukha nito. Naghihinan­akit. Nagpupuyos. Tinalikura­n siya ni Del, padabog ang hakbang patungo sa pinto. Malakas ang pabalabag at pabarumbad­ong pagsasara niyon. Saka pa lamang naisip ni Vi na nagkamali siya sa pagtanggi sa paglalambi­ng ni Del.

Napatulog na niya si Annie, hinintay na magbalik si Del; pababawiin niya ang kanyang mister. Pero napuyat lang siya.

Hindi umuwi si Del.

Kung anu-anong hinala ang naglalaro sa isip ni Vi. Na baka si Del ay nag-beerhouse o baka kasama na naman ng babaeng kasama nito noon sa Savory. Suklam na suklam siya kay Del.

Kinaumagah­an, bago siya pumasok sa opisina, tinawagan niya si Ben Poblete, ang editor ni Del. Ang misis nito ang nakasagot, halatang nasorpresa.

“Mareng Vi, umagang-umaga’y napatawag ka?”

“Oo nga, Mareng Nida. Nagkatampu­han kasi kami ng Pareng Del mo kagabi. Umalis ng bahay. Hindi umuwi. B-Baka ‘kako d’yan gumawi sa inyo at nakipag-inuman kay Pareng Ben...?”

“Abe’y hindi nagagawi dito si Pare. Ang kumpareng Ben mo naman, e, hindi umalis ng bahay kagabi, mag-isang sumi-shot ng brandy.”

“Gano’n ba? Hindi bale na lang, mare,” nahihiyang sabi niya, “baka kung sa’ng inuman lang napasabit ‘yon. Sige, thank you. Pasens’ya na sa abala.”

Nagpawalan­g-anuman ang kumare niya at nagbaba na ng telepono. Pumasok si Vi sa bookstore nang walang ideya kung saan nagpaumaga si Del.

Sinisisi pa rin siya ng kanyang konsensiya na hindi niya napagbigya­n si Del sa paglalambi­ng nito kagabi. Napahikbi na lamang siya habang nasa biyahe. Bahagyang mapula nga ang mata niya nang sapitin niya ang opisina.

Dinatnan na niya roon si Tony. Hinaharap ang backlog ng mga papeles na iniwan niya sa mesa nito mula nang mag-assume ito sa posisyon bilang acting manager habang nakabakasy­on si Mrs. Florentino na nagpapagam­ot ng tubercolos­is.

Sa hindi pag-uwi ni Del, sinisisi ni Vi ang sarili na hindi niya napagbigya­n ang paglalambi­ng ng mister...

Tumikhim si Tony nang hindi niya sa sagutin ang pagbati nito. Nang mapakiramd­aman na wala talaga siya sa kondisyon, nilapitan siya at tinanong. “Okey ka ba?”

Atubili ang pagsagot niya. Walang linaw. Isang mahinang tango nang pagde-deny na wala siyang problema gayong hayag naman na galing sa pag-iyak ang mga mata niya. Lumayo sa mesa niya si Tony, tinungo ang pinto at ibinaba ang blinders ng salamin; mandi’y upang magkaroon sila ng privacy nang hindi nakikita sa display room. Binalikan siya ni Tony.

“Ngayon, ano’ng problema mo?” Nakadukwan­g ito sa kanyang mesa; ang isang kamay ay nakahawak sa kamay niya. “You can trust me.” Hindi na niya napigil na mapaiyak. “N-Nag-away kami ni Del kagabi...” “Tungkol sa’n...?”

“Wala namang malaking dahilan. K-Kailangan ba talagang magtapat ako sa ‘yo? Nakakahiya ‘ata?”

“Hindi. Makakagaan sa pakiramdam mo ‘yon. Do you think makakapagt­rabaho ka efficientl­y kung... kung masama’ng loob mo?”

Naunawaan niya ang punto ni Tony. “G-Gusto n’yang mag-ano kami kagabi...” sabi niya, hindi tumitingin kay Tony.

“--Then?”

“Tinanggiha­n ko,” malamig na sabi niya, saka biglang natutop ang kanyang bibig sa pagse-share ng problema nilang mag-asawa sa isang third party.

“Go ahead. Wala kang dapat ikahiya sa ‘kin. Magkaibiga­n naman tayo, di ba?”

Napatango si Vi. Ayaw na sana niyang magsalita pero nakatungha­y sa kanyang mukha si Tony, tila interesado sa kanyang sasabihin.

“Tapos, umalis s’ya. Galit. Napahiya siguro. Hindi pa umuuwi hanggang ngayon.” “B-Baka naman nasabit lang sa kung sa’n?” “Sana nga. Pero iba’ng kutob ko.”

“Bakit? Ano’ng hinala mo?”

“’Wag na lang, Ton, nakakahiya...” At umakma siyang tatayo. Pinigilan siya ni Tony.

“Wait, hulaan ko na lang. Me...me...babae ba s’ya?” Napatuwid siya ng upo, napakagat-labi at napayuko. Lumigid si Tony sa mesa. Naramdaman niya ang pag-akbay ng kaliwang braso nito sa balikat niya, umaalo. At bago siya nakatutol, nahagkan na siya nito sa noo. Napakislot siya.

“Tony, please...”

Pinalis niya ang braso nitong nakaakbay sa balikat niya, tumayo at binuksan ang pinto. Walang kibong nagbalik si Tony sa mesa nito. Naging pormal at tahimik sila sa buong umagang iyon.

Bandang alas-diyes nang tumunog ang telepono sa kanyang mesa.

“Mrs. Matimtiman?”

“Speaking. May I help you?”

“Naku! Salamat, ma’m, at nakausap ko kayo. Tungkol ho sa mister n’yo...” sabi ng tinig sa kabilang linya.

“Bakit? Ano si Del?”

Nakita niya sa sulok ng mata niya na nag-angat ng tingin si Tony; sumulyap sa gawi niya. “N-Nabugbog ho!”

Nabaghan si Vi.

(ITUTULOY)

 ??  ??
 ??  ??
 ??  ?? “Pinaghihin­alaan mo ba ‘ko?” “Wala akong sinasabing ganyan...” sabi nito. Nakatingin sa kanya mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama. Naka-bra at palda na lang siya.
“Pinaghihin­alaan mo ba ‘ko?” “Wala akong sinasabing ganyan...” sabi nito. Nakatingin sa kanya mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama. Naka-bra at palda na lang siya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines