Tsismis (Huling Bahagi)
NAHULI ni Leboy nang ilayo ni Tardio ang ulo nito sa pagkakadikit sa ulo ni Lily na ka-duweto nitong kumakanta sa “Halik” ng Aegis. Bigay na bigay sa pagbirit si Lily; si Tardio, kumakanta rin pero hindi sinasapawan ang kaduweto. Nakikisabay naman kahit walang mikropono ang lima pang kainuman nila.
Ipinasa ni Lily kay Tardio ang mikropono nang makitang papalapit na siya. Tumindig at sinalubong siya, humalik sa kanyang pisngi, kumapit sa kanyang braso at inihilig ang ulo sa kanyang balikat habang naglalakad silang palapit sa umpukan.
“Si Leboy, dyowa ko,” sabi nito sa mga kasamang pawang ngumiti at yumukod sa kanya. Yumukod din si Tardio nang lingunin niya.
Nagsalin ng alak sa baso ang payat na kasamahan nitong lalaki na hinihinala niyang silahis.
“Shot n’yo ho,” sabi sa kanya, sabay abot sa baso ng alak.
Tinanggap niya, lumagok nang kaunti. “Kain ka muna, beh,” sabi ni Lily. Naupo siya sa isang bakanteng monobloc habang ipinaglalagay siya ni Lily sa isang paper plate ng spaghetti at dalawang pirasong pritong manok. Binalikan siya sa upuan. “Buti na ‘yung me sapin ang t’yan mo...”
Inilapag niya ang baso ng alak at kumain.
Nagpatuloy sa pagkanta ang mga pabrikante: tiga-tigalawang kanta. Ipinaikot sa kanilang pito ang mikropono. Masaya. Maingay. Parang mga walang problema sa buhay.
Si Tardio, napansin niya, tahimik lamang. Kumibo-dili. O, baka dahil naroon na siya. Pinansin nito na kakaunti na ang laman ng bote ng alak. Tumayo.
“Teka’t bibili pa ‘ko. Mahirap mabitin...” Yumukod at naglakad patungo sa nakaparadang motorsiklo. At may motorsiklo pala. Nagkatinginan at nagkangitian ang mga naiwang pabrikante.
“Muk’ang kondisyon si Tatang,” sabi ni Aloy, ang hinihinala niyang silahis,” nagpapalakas ‘ata ke Kuya...”
“Niyari n’yo na naman si Tards,” sabi ni Lily. “Nakikisama lang ‘yung tao...!”
“Ipinagtanggol na naman...!” sabi ng mga kasamahan nitong babae, saka mga nakatawang nagtampalan ng mga palad.
Tatang? naisip ni Leboy. Kunsabagay, tila liyebo singkuwenta na nga si Tardio, maliit lang kaya disimulado. Saglit lang at nakabalik na ito. May dala nang bagong biling long neck at kung ilang tsitsiryang mapupulutan.
“Ito na’ng blo-awt ko, ha?” sabi nito sa grupo nang ilapag sa ibabaw ng mesa ang mga dala.
Nalaman ni Leboy na mapo-promote pala ito sa quality control.
May nag-react: “Umandar na naman ang pagka-kuring...!”
Tawanan uli. Napangiti si Leboy. Nakiumpok siya, tinagayan ni Aloy at ni Tardio. Napansin niya, hindi na ito nakipagduweto kay Lily.
Pagod sa pamamasada, nagpasintabi siya sa grupo nang makaramdam na ng liyo, sinabing magpapahinga na siya. Hindi rin naman siya agad na nakatulog; ginagambala siya ng maingay na videoke. Pasado alas-diyes na nang mag-uwian ang
grupo. May ordinansa kasi sa barangay na hanggang alas-diyes lamang nang gabi ang pagbi-videoke.
Amoy-sabon na si Lily, nakapagsepilyo na rin nang tabihan siya sa kama. Patagilid na yumakap sa kanyang likod at hinagkan ang kanyang batok. Nang bumiling siya at harapin ito, ngumiti.
“Akala ko’y tinulugan mo ‘ko...?”
Ang isang kamay ay nanuklas sa ilalim ng kumot. Kumapa. At napangiti uli. “Gising na gising naman ‘to...!”
Sa pagkaantig niya, tila nalimutan niya ang dinatnang eksena na halos magkadikit ang mga ulo nina Lily at Tardio habang bigay na bigay sa pagkanta.
EWAN niya kung nagkakataon lang, pero makailang beses na niyang naisasakay sa kanyang ruta, sa umaga, si Meldy at makailang beses na rin siyang hinahatian nito sa baong sandwich: nakabalot sa napkin at nakaplastik.
“Baon mo ‘ata ‘yan?” sabi niya nang ilabas nito mula sa bag ang sandwich at ilapag sa kanyang tabi.
“Baon ko nga, pero sobra-sobra naman sa ‘kin ‘yan. Malimit kasi, pinamemeryenda ‘ko ng mga suki ko sa manikyur. Sa ‘yo na lang, kainin mo ‘pag nasa terminal ka.”
Nagpasalamat siya, pinalis ang kamay sa pag-aabot nito ng pamasahe, pero ipinilit ni Meldy.
“Okey lang. Naghahanapbuhay ka, e. Puntahan mo na lang ako sa bahay para maipedikyur ko na’ng paa mo.” “Sige.”
“Asahan ko, ha?”
Tumango siya. Lumuwang ang pagkakangiti ni Meldy. Maaga niyang naisalin sa kanyang karelyebo ang ipinapasadang jeep. Mainit pa ang sikat ng araw at tinatamad pa siyang umuwi. Aabutan pa niya kung sakali sa kanilang bahay si Lily na kamakalawa’y hindi umuwi. Ang paalam sa kanya’y may outing daw ang pabrika. Anibersaryo ng kompanya at iyon ang blow-out ng management. Batch-batch daw ang outing para hindi makaapekto sa trabaho sa production. Kamakalawa nang gabi ang toka ng grupo nina Lily, ayon dito. Ang outing, swimming sa isang resort sa Calamba, Laguna. “Sinu-sino naman ang mga kasama mo?”
“Ang tropa.”
Kasamang tiyak ang mga naging bisita nito sa inuman at pagbi-videoke sa kanilang bahay.
“Si Tardio?”
“K-Kasama, s’yempre. Ilan lang naman sila sa quality control, alangan nang bumukod pa sila nang lakad?”
Nagbuntunghininga siya. Bahagya rin sigurong tumalim at nagpakita ng hinanakit ang kanyang mukha.
“Bakit? ‘Wag mong sabihing nagseselos ka?”
“Me dapat ba ‘kong ipagselos?”
“Wala. ‘Wag kang maniniwala sa tsismis. Kung gusto kitang lokohin, sa palagay mo kaya’y malalaman mo pa?”
Nagbuntunghininga uli siya. Masisira lamang ang araw niya’t biyahe kung makikipagtiryahan siya kay Lily. Napapailing na lumabas na siya ng bahay.
Nasa isip pa rin niya ang eksenang iyon nang magpapara siya ng traysikel at magpahatid sa tinitirhan ni Meldy.
Sarado ang mga pinto at bintana roon at dalawang beses na siyang kumatok, pumihit na at aalis na sana nang bumukas ang pinto. Pupungas-pungas pa si Meldy, naniningkit ang mata at naghihikab pa nang sumilip sa maliit na pagkakaawang ng pinto.
“L-Leboy, ikaw pala. ‘Lika...!”
Iniluwang nito ang bukas sa pinto. Natambad sa kanya ang sopang hinigaan ni Lily, magkapatong pa ang dalawang throw pillow sa ulunan, saka siya nagbaling ng tingin pabalik kay Lily. Nakadaster ito, manipis at bahagyang hakab sa katawan, makitid din ang tirante. At dahil siguro mag-isa lamang sa bahay, nag-siesta nang hindi na nag-bra; namamakat ngayon ang dibdib sa suot na damit. Tila na-conscious ito nang mapansin kung saan siya nakatingin; itinakip ang braso sa tapat ng dibdib.
“Upo ka muna.” Itinuro ang sopa. Ibinalik sa pagkakaayos ang inunang throw pillow. “Saglit lang, ha?”
Humakbang si Meldy patungo sa silid nito, nag-lock ng pinto at nang lumabas ay naka-shorts na at kamiseta; naka-bra na rin.
“’Sens’ya ka na, nanonood ako ng TV kanina nang antukin ako. Nakakaantok talaga siguro’ng iniinom kong vitamins...”
“Okey lang,” sabi ni Leboy. At para makapagpatawa, idinugtong, “Cute naman!” Kinindatan niya si Meldy. Pinamulahan ito ng mukha. “Magpapapedikyur ka na?”
“Sige. Kung wala kang gagawin...”
“Wala. Tapos na’ng serbis ko kaninang umaga pa. Saglit. Ano’ng gusto mong meryenda?”
“Kung ano’ng meron...”
Humakbang patungong kusina-kainan si Meldy, nagtimpla ng kape at gumawa ng sandwich; pinalamanan nito ng peanut butter. Unang inilapag sa kaharap niyang mesita ang dalawang mug ng kape. Binalikan sa kusina ang apat na pares ng sandwich.
“Meryenda muna tayo bago kita pedikyuran.” Dinampot ni Meldy ang mug nito ng kape; kinuha naman niya ang para sa kanya.
“’Haba ng paa ko, dito pa ‘ko sa inyo nakimeryenda...” “Okey lang. Buti nga’t me nakakasalo ako’t nakakausap.” “Ba’t di ka pa kasi mag-asawa uli, para naman me nakakasama ka dito...?”
Nahinto sa pag-inom ng kape si Meldy, napatingin sa kanya. “--Pihikan ka siguro, ‘no?”
“’Dami ngang nagpaparinig sa ‘kin, gustong umeksena. ‘Di ko naman mga tayp--para kasing gusto lang akong isahan!” “Di pumili ka ng type mo--”
Muling napatingin sa kanya.
“—E, baka naman ‘yung tayp ko’y nakatali na?” Matunog si Leboy; hindi siya bagito pagdating sa babae. “E, ano naman kung nakatali? Ang importante, kahit alam mong taken na s’ya, e, handa ka pa ring patulan s’ya...”
Sinalamin niya sa mukha ni Meldy ang reaksiyon nito. Nakipagtitigan sa kanya. Ibinaba niya ang tangang mug; kinuha ang tangan din nitong mug at inilapag sa ibabaw ng mesita. Ginagap niya ang kamay nito, pinisil. Nakipagpisilan ng kamay si Meldy. Umisod siya padikit sa katabi.
“Type mo ba talaga ako?”
“M-Matagal na...”
“--Kahit taken na ‘ko?”
Nagbaba ng tingin si Meldy at marahang tumango. Muli niyang naalala ang nasilip kay Meldy noong manikyuran siya nito. Nang yumukod siya, ibaling ang mukha nito paharap sa kanya at apuhapin ng labi niya ang labi nito, nagpaubaya si Meldy.
Madilim na nang umalis siya sa bahay nina Meldy. Napakiramdaman niyang tila may mga matang nanununghay sa kanya.
Hindi nga nagkabula ang kanyang hinala. Ilang araw lang, siya naman ang kinokompronta ni Lily.
“Ano ‘tong bali-balita d’yan sa labasan na malimit mo raw isakay sa jeep si Melding Manikurista at inihahatid mo pa raw sa
Nagkabinhi ang paghihinala, tumubo at lumaki; naging mapaghinala sina Leboy at Lily sa isa’t isa...
bahay?”
“Natural na maisakay ko s’ya, namamasada ako. Dito ang ruta ko.”
“Ba’t malimit ka raw sa bahay n’ya?” “Nagpa-manicure-pedicure lang ako, malimit na? Teka, sinong may makating dila ang nagsabi sa ‘yo?”
Hindi sumagot si Lily, naghalukipkip lang. Umingos.
“Akala ko ba’y galit ka sa mga tsismosa?” “Ang tsismis lang, hindi dapat nakakaapekto sa me katawan, pero kung totoo, hindi na tsismis ‘yon!”
Tiningnan siya nang masama ni Lily. At para hindi masira ang kanyang araw at ang kanyang biyahe, humakbang na siya palabas ng kanilang bahay.
“Ingat ka ke Meldy. Me reputasyon ‘yan na kumakabit sa mga me sabit...!” pahabol ni Lily.
At si Tardio mo? sabi ng isip niya, pero hindi na niya isinatinig. Mag-aaway lang sila. Magsisigawan. At nakakahiya rin sa kanilang mga kapitbahay.
Nagkabinhi ang paghihinala, tumubo at lumaki; naging mapaghinala sila ni Lily sa isa’t isa. Tuwing aalis ito ng bahay, hinihinala niyang baka makikipagtagpo kay Tardio. Malay ba niya kung saansaan pa nagpupunta ang kinakasama niya paglabas ng pabrika. Ano nga ang sabi sa kanya ni Lily? Kung gusto kitang lokohin, sa palagay mo kaya’y malalaman mo pa? Nagloloko na nga kaya si Lily?
“Baka binabaligtad ka lang n’ya para mapagtakpan ang kataksilan n’ya?” sabi sa kanya ni Meldy. Katatapos nilang magsiping at napansin nitong tila malalim ang kanyang iniisip. Bumaling sa kanya, hinaplos ang kanyang pisngi at hinagkan-hagkan ang kanyang noo. “Iwan mo na s’ya, Leboy, ‘andito naman ako. Wala kang kahati sa ‘kin, solong-solo mo ‘ko! Para araw-araw, geym tayo!”
Nilingon niya si Meldy. Nagpataas ito ng magkabilang kilay, tila kumikislap sa kapilyahan ang mata. Naramdaman niya ang pagbabangong muli ng kanyang tikas.
“Araw-araw? Talaga?”
Tumango. “Wan tu sawa!”
Iginupo niyang muli si Meldy sa kama.
At nalulong siya nang nalulong sa kalaguyo; mandi’y lumakas na rin ang kanyang loob. Wala na siyang pakialam kung kumakalat na ang tsismis tungkol sa kanila ng suking manikurista. Ang nasa isip niya’y ang nakaririndi-ng-isip na paraan nito ng pagpapaligaya.
At isang gabi nga na inakala niyang pumasok sa pabrika si Lily, hatinggabi na siyang nakauwi. Nagulat pa siya nang pagbukas niya ng pinto’y mabungaran niya sa salas ang kinakasama. Nakabihis-panlakad ito. Sa tapat ng kinauupuang sopa’y may dalawang nakaempake nang maleta.
“Magkaliwanagan tayo ngayon, Leboy. Ipinagempake na kita. Nag-empake na rin ako. Hindi ko na ito patatagalin. Mamili ka: ako o si Meldy. Kapag ako’ng pinili mo, maiiwan dito’ng maleta ko. ‘Pag s’ya’ng pinili mo, damputin mo’ng maleta mo at iwan mo ako. Malalaman natin kung sino’ng guilty sa ‘ting dalawa...”
Ikinapatda ni Leboy ang sinabi ni Lily. Hindi niya masalubong ang nag-aakusang tingin nito; tila siya ipinako sa kanyang pagkakatayo. At dahil hindi siya kumikilos ni kumikibo, tumayo si Lily, dinampot ang maleta nito at walang lingon-likod na lumabas ng bahay.