Bakit Pinahihintulutan Ng Diyos Ang Mga Kalamidad?
SA pagputok kamakailan ng Taal Volcano at sa patuloy na pag-aalburoto nito, napakaraming residente ng Batangas at Cavite ang nagdurusa. Nasira ang kanilang mga tahanan at mga taniman. Lahat sila’y kailangang lumikas sa mga evacuation centers na malayo sa kanilang tinitirhan. Marami ang nagkakasakit dahil sa nalanghap nilang ashfall. Nangangambang mamatay na rin ang kanilang mga alagang hayop. Nawalan na ng market value ang mga bahay at lupang malapit sa Taal Lake. Nawalan ng ikabubuhay ang maraming magsasaka at mangingisda. Maaaring magkasakit ang mga nakatira ngayon sa mga evacuation centers sapagkat doo’y walang maayos na tulugan at palikuran. Marami pang problema ang maaari nating idagdag dito. Marami sa kanila ang may ganitong himutok: “Hindi namin alam kung paano kami magsisimula.”
Maaaring sumagi sa isip ng mga tao ang mga katanungang ito: Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang ganitong kalamidad at mga natural disasters tulad ng lindol, bagyo, pagbaha, at iba pa? Kung tunay ngang mabait ang Diyos, bakit Niya pinababayaang magdusa ang tao? Bakit may pagdurusa, paghihirap at sakit sa mundo? At bakit maraming mabubuting tao ang nagdurusa?
Ang mga kalamidad, ayon sa artikulong “If God, why evil?” sa website ng Catholic News Agency, ay isang uri ng physical evil tulad ng taggutom (famine), sakit (illness o disease), at kamatayan. “May layunin ang sakit at pagdurusa,” ayon sa artikulo. “Pinahihintulutan ng Diyos ang physical
evil sapagkat hindi Niya kailangang maghimala maya’t maya upang tumigil ang pagdurusa ng tao. Kung magkagayon, ang mga ordinaryong bagay ay magiging kagila-gilalas. Totoo ang physical laws sa kapwa mababait at masasamang tao.” (Ayon sa ebanghelyo ni San Mateo: “…upang kayo’y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit: sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama’t sa mabubuti…” [Mateo 5:45].
Ayon sa artikulo, ang higit na mahalagang tanong ay: bakit tayo ginawa ng Diyos sa mundong ito? “May mga nakapagsabing kaya tayo nilikha ng Diyos sa isang mundong hindi perpekto ay upang hindi tayo umasa lamang sa ating sarili, at sa halip, ay matutuhan nating ibigin at umasa sa Diyos. Tayo’y nilikha na may paghahangad at pagkagutom na tanging Diyos lamang ang makapupuno. Ang hungkag na kaligayahang ito’y siyang tumatawag sa atin na lumapit tayo sa kanya,” ayon sa artikulo. Sinipi nito ang isang pamosong linya sa librong Confessions ni San Agustin: “…sapagkat nilikha mo kami para sa iyo, O Diyos, at maligalig ang aming mga puso hangga’t hindi ito nananahan sa iyo.”
Inilahad din ng artikulo ang winika ni St. Irenaeus ng Lyons (na nabuhay noong taong 190 A.D): “…kung saan walang pagsisikap, wala ring pagpapahalaga. Hindi natin hahangarin ang kaloob at kakayahang makakita kung hindi natin batid ang kasawiang-palad na dulot ng pagkabulag. Higit na
mahalaga ang magandang kalusugan kung nakaranas tayong magkasakit; higit na pinahahalagahan ang liwanag kung batid natin ang kasamaan ng buhay sa kadiliman – gayon din ang pagkukumpara sa buhay at kamatayan…pinahihintulutan ng Diyos ang lahat ng ito upang matutuhan nating ibigin ang Diyos at manahan sa Kanyang pag-ibig na walang kapantay.”
Ayon pa rin sa artikulo, sapagkat banal at perpekto ang Diyos, hindi perpekto ang Kanyang nilikha. Hindi ba’t pinahintulutan Niya si Satanas na magdala ng paghihirap at pagdurusa kay Job upang masubok ang pananalig ng huli sa Diyos? Ngunit nagwagi si Job sa pagsubok na ito sapagkat sinabi niya sa sarili: “marami akong tinanggap na biyaya at mabubuting bagay mula sa Diyos, bakit hindi ako dapat tumanggap ng kasawiang-palad at masasamang bagay?”
Ang ibig lamang sabihin ng lahat ng ito ay: kailangan nating tanggapin nang maluwag sa ating kalooban ang anumang dusa o hirap na wala sa ating kontrol (tulad ng mga natural na kalamidad). Ngunit hindi naman ibig sabihi’y lahat ng kalamidad ay gawa ng Diyos – maraming pagbaha, halimbawa, ay kagagawan ng tao. Hindi ba’t tao ang may kagagawan ng climate change at global warming? Hindi rin ibig sabihin nito’y huwag tayong gumawa ng paraan upang mapaunlad at maging maginhawa ang buhay natin at ang buhay ng ibang tao – lalo na ang mga kapuspalad. Ngunit ang lahat ng ating pagsisikap na mapabuti ang buhay nati’y hindi lisensiya para sirain ang kalikasan na siyang kaloob ng Diyos.
Isa pa, pinahihintulutan ng Diyos ang masasamang bagay at nakapipinsalang kalamidad sapagkat may kabutihang matatamo ang tao mula sa kasamaang ito. Halimbawa, hindi ba’t lumulutang ang pagkakaisa at pagtutulungan ng maraming Pilipino sa gitna ng mga kalamidad? Hindi ba’t natutuhan nating isantabi ang ating mga alitan at di pagkakaunawaan upang ituon ang ating pansin sa lalong higit na nangangailangan ng tulong? Hindi ba’t marami sa atin ang handang tumulong sapagkat tayo mismo’y nakaranas ng pagdarahop?
Hindi rin natin dapat himayin o masusing pag-isipan ang mga bagay na hindi naman natin kayang pigilin – tulad ng pagputok ng bulkan. Ito’y bahagi ng natural law na siyang tumutukoy sa divine law. Walang sinuman ang may kakayahang labanan ang puwersa ng kalikasan.
Ang tanging bagay na dapat nating isaisip ay: bahagi ng buhay ng tao ang pagkakasakit, hirap at pagdurusa. Ngunit ang magandang balita ay: binibigyan tayo ng pag-asa ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng paghihirap at pagpapakasakit ni Kristo. Anumang kasamaan (kabilang na ang mga kalamidad) ay katibayan ng pangangailangan nating tumalima at manalig sa Diyos.