Epektibong Pagtuturo
MAITUTURING na isang kayamanan ang edukasyon na maipamamana ng sinumang magulang sa kanilang mga anak. Ito ay hindi makukuha, maagaw o mananakaw ng kahit sinong tao. Ito ang susi sa tagumpay ng isang tao at instrumento sa pag-unlad ng alinmang bansa.
Kaya naman patuloy na sinusuportahan ng Kagawaran ng Edukasyon ang Republic Act 10533 na lalong kilala sa tawag na “Enhanced Basic Education Act of 2013” sa pamamagitan ng patuloy na pagsulong ng binagong kurikulum na K-12 upang magamit na mabisang proseso ng pagkatuto ng lahat ng disiplina.
Ayon sa ibinigay na deskripsiyon ng Kagawaran ng Edukasyon sa ipinalabas na Batayang Kurikulum sa Edukasyon, ang Filipino bilang isang asignatura ay naglalayong malinang ang (1) kakayahang komunikatibo at (2) kahusayan sa pagunawa at pagpapahalagang panggramatika ng mga magaaral. Lilinangin ang makrong kasanayan (pakikinig, pagsasalita, pagbasa, pagsulat at panonood) sa tulong ng iba’t ibang dulog at pamamaraan tulad ng Komunikatibong Pagtuturo ng Wika (KPW), Pagtuturong Batay sa Nilalaman (PBN) ng iba’t ibang akdang pampanitikan at Pagsasanib ng Gramatika sa tulong ng iba’t ibang Teksto (PGIT), at isasaalang-alang din ang pagsasanib ng mga pagpapahalagang pangkatauhan sa pag-aaral ng iba’t ibang akdang pampanitikan.
Sa pagtuturo at pagkatuto ng Filipino sa antas sekondarya ay napagtagumpayan ang pagdaragdag ng dalawang taon mula sa dating apat na taon ng pag-aaral. Katulad sa antas elementarya, ang antas sekondarya ay may limang makrong kasanayan na lilinangin ng bawat mag-aaral sa junior (baitang 7 – 10) at senior (baitang 11- 12) high school: pakikinig, pagsasalita, pagbasa, pagsulat at panonood.
Ang pakikinig ay makrong kasanayang pangkomunikasyon na may dalawang salik batay sa paggamit: ang sensoring pandinig at pag-iisip. Ang pakikinig ay interaktibong paraan ng pagtanggap at pagbubuo ng mensahe mula sa pinanggagalingang tunog. Ang paraang ito ay nakabatay sa kung ano ang nalalaman ng sinuman sa mga sistemang ponolohikal, gramatikal, leksikal at kultural ng wika. Ang internalisadong paraang ito ay ginagamit ng mga tagapakinig kung ano ang kanilang naririnig, kaya’t nakabubuo sila ng iba’t ibang ekspektasyon kung ano ang maaaring maganap.
Sa pagsasalita, nasusukat ang kasanayan at kahusayan ng tagapagsalita kung mapapanatili niya ang interes ng kaniyang mga tagapakinig kung siya’y patuloy na pinakikinggan. May mga instrumento ang isang tagapagsalita upang mapatunayang naging kawili-wili at epektibo ang kaniyang pagsasalita gaya ng (1) tinig na maaaring malakas o mahina depende sa paksa o sa lugar na pinagdadausan ng pagsasalita, (2) bigkas na malinaw, matatas at maingat sa paggamit ng mga bibitiwang salita, (3) tindig na kakikitaan ng tiwala sa sarili ng tagapagsalita, (4) kumpas na ginagamit ang isa o dalawang kamay na aangkop sa mga salitang bibigkasin ng nagsasalita, at (5) kilos na ginagamit ang galaw ng katawan maging sa paglakad pasulong o pabalik, pagyuko, pagtingala, pag-iling at maging ang paggalaw ng mga mata upang maipakita ang ugnayan ng “mata-sa-matang” komunikasyon ng tagapagsalita at ng mga manonood.
Ang pagbasa ay interpretasyon ng mga nakalimbag na simbolo na ayon kay Goodman ay isang paghuhulang sikoanalitiko na ang nagbabasa ay nagbubuong muli ang isang mensahe o kaisipang hango sa tekstong binabasa. Ayon kay Jocson (2007), taglay ng pagbasa ang mga sumusunod na komponent: (1) kaalaman sa palatunugan o ponolohiya,
(2) pagsusuri ng salita, (3) pagkilala sa salita, at (4) malakas na pagbasa na kailangang mapanatili ang katumpakan at kahusayan sa pagbigkas. May lebel ng pag-unawa sa pagbasa gaya ng (1) literal o kung ano ang sinasabi ng may-akda,
(2) interpretatibo o kung ano ang gustong ipakahulugan ng may-akda, (3) analitikal o ang mga pamamaraang retorikal na ginagamit ng may-akda at (4) kritikal o ang pagmonitor sa sariling pagbasa bilang mambabasa at maaari ring ebalwasyon ng bisa ng may-akda.
Ang pagsulat ay isang paraan ng pagpapahayag ng pagiisip at damdamin ng isang tao sa pamamagitan ng mga sagisag o simbolo ng mga tunog ng salita. Mahalaga ang pagsulat sapagkat pinayayaman nito ang balarila, idyoma at talasalitaan. Nakatutulong din ito upang matuklasan ang ibig ipahayag. Ito’y maraming kapaki-pakinabang na pedagodyikal, maraming nalilinang na kasanayang kognitibo at ginagamit ng mga magaaral sa maraming pagkakataon bilang estilo ng pagkatuto. Ang ilang pasulat na gawain na maaaaring maipagawa sa mga mag-aaral ay ang rebyu ng pelikulang napanood, buod ng mga akdang pampanitikan, at iba pa.
Sa panonood, dahil tunguhin ng Panahon ng Impormasyon na isulong ang pagkatuto ng mga batang mag-aaral sa mataas na antas ng pag-aaral panteknolohiya, ang telebisyon, bilang isang mabisang instrumento sa mabilis na pagkatuto ng mga bata at kabataan ay tugon sa nilagdaan ng Pilipinas bilang isa sa mga bansang lumagda sa United Nations Convention on the Rights of the Child noong 1989 na gumagarantiya sa mga karapatan ng mga bata, kagaya ng karapatang makapag-aral.
Halos lahat ng pananaliksik na ibinatay sa teknolohiya ay isinasagawa sa edukasyong saklaw ng computer o programang video disc na nangangailangan ng mga pagsasanay na kaloob ng teknolohiya. Ang mga benipisyong makukuha sa paggamit ng computer ay ang mga sumusunod: (1) multisensory delivery,
(2) sariling ekspresyon at aktibong pagkatuto, (3) pag-iisip kritikal, (4) pagkatutong kolaboratibo, at (5) kasanayang pangkomunikasyon.
Ang ilan sa mga gawain sa panonood na maaaring ipagawa sa mga bata ay ang pagsusuri gamit ng graphic organizer sa paguugnay sa tradisyon at akdang pampanitikan sa napanood na kuwentong-bayan, pagkilala sa karakter ng tauhan sa napanood na pelikula, pagpapakahulugan at pagsusuri sa pinanood na indie film, video clip, dokyu-film o freeze story, youtube, at iba pa.