Buklat/Mulat
MAPALAD akong naabutan ang exhibit sa International Library of Children’s Literature sa Tokyo noong unang linggo nitong bagong taong 2020. Isinagawa ang naturang exhibit sa kanilang National Diet Library na matatagpuan sa makasaysayang Ueno Park na kakikitaan din ng kanilang mga pambansang museo. Pinamagatan itong “100 Years of Modern and Contemporary Art in Picture Books—From Dada to New Painting.” Dito matutunghayan ang kasaysayan at pag-unlad ng nasabing anyo sa aspekto ng mga kilusan at impluwensiyang pansining sa mga guhit ng aklat pambata. Malaking tulong ito sa mga mag-aaral at may interes sa panitikang pambata. Higit nitong napalawak ang aking kaalaman sa pag-usbong ng mga aklat pambata hindi lamang sa US kundi sa Japan at sa mga bansang Europeo gaya ng dating Soviet Union. Karamihan din sa mga naipakitang aklat sa kanilang koleksiyon ay mga hindi komersiyal na uri at hindi naisalin sa wikang Ingles. Ito ang dahilan kung bakit marami sa mga aklat ay hindi pamilyar sa akin.
Pagbalik ng bansa, agad kong hinanap at muling binalikan ang aklat ni Martin Salisbury na 100 Great Children’s Picture Books (Laurence King Publishing, 2015). Gaya ng exhibit sa Tokyo, sinikap ni Salisbury na itampok ang mahuhusay na aklat pambata, ang picture book, simula nang umusbong ito at inilathala nang maramihan upang maipagbili o magamit sa edukasyon. May mga aklat na magkakahawig sa kani-kanilang listahan ngunit magkaiba ng dulog (approach) ang dalawa. Ang isinagawa sa Tokyo ay nakatuon sa mga nagbabagong tradisyon sa pagguhit sa mga aklat pambata; ang kay Salisbury naman ay isang subhetibong paglilista ng mahuhusay na aklat batay sa kaniyang sariling koleksiyon, panlasa, at alaala ng kaniyang pagkabata. Kapansin-pansing maraming aklat mula sa Japan ang una at marami namang British na aklat na nalathala boong 1950 at 1960 ang sa huli. Depende talaga ang mga naililista kung sino ang kumikilatis o sumusuri.
Dahil sa personal na panlasa ang pinairal ni Salisbury, na hindi man lang nagsikap na magsagawa ng historikal na sarbey at komunsulta sa iba pang mga sektor, maraming makasaysayan at makabuluhang aklat pambata ang hindi napabilang sa kaniyang listahan. Halimbawa sa kaniyang hindi pinansin ang likhang Amerikano at Briton na nagpasimula ng modernismo sa paglalathala ng aklat pambata—ang The Tale of Peter Rabbit ni Beatrix Potter at ang Millions of Cats ni Wanda Gag. Sabihan man popular at komersiyal ang mga ito, ngunit mahalaga sanang nailahok ang mga sumusunod dahil sa impluwensiya sa iba pang manlilikha: Goodnight Moon ni Margaret Wise Brown, guhit ni Clement Hurd; The Cat in the Hat ni Dr. Seuss; The Very Hungry Caterpillar ni Eric Carle; at Where the Wild Things Are ni Maurice Sendak. Tila rin hindi nakarating kay Salisbury ang mga aklat ni Anno’s Journey ni Mitsumasa Anno, Everyone Poops ni Taro Gomi, The Arrival ni Shaun Tan, at ang Press Here ni Herve Tullet. Inasahan ko ring napabilang ang The Invention of Hugo Cabret ni Brian Selznick na bumasag sa mga kombensiyon at konserbatibong anyo ng isang picture book.
Gayong binanggit ni Salisbury ang limitasyon ng kaniyang aklat, mainam pa rin itong biswal na reperensiya sa mga magaaral ng panitikang pambata. Magiging tendensiya ng bumabasa na hanapin ang mga aklat na nabanggit sa aklatan o kaya sa mga second-hand bookstore. Nasabi rin niya na ang picture book ay isang “likha ng pantas at mapaglarong isipan.” Ito ang naging gabay niya sa pagpili ng mailalahok: magandang sining at disenyo, at nagtataglay ng “wow factor.”
Hindi ko maipigilang iugnay ang mga ito sa pag-usbong ng picture book sa panitikang Filipino. Una, higit na mahaba at maunlad ang tradisyon at kilusang pansining sa ilustrasyon sa US at UK dahil sa pandarayuhan. Taglay ng mga ilustrador ang kanikanilang pambansang estilo at sensibilidad nang sila’y lumipat sa mga sentro ng paglalathala sa Amerika. Dahil dito, naging masigla ang kanilang mga paglalathala sa pamamagitan ng mga impluwensiya gaya ng Russian Constructivists, Italian futurists, at Postwar Neo-romantics.
Ngunit isang kakulangan sa pag-unlad ng ilustrasyon ay ang kakulangan ng dibersidad sa kanilang mga aklat. Sa Europa at Amerika, halos Puti ang mga manlilikha at kanilang mga tauhan. Kaya nga mainam na ring nailahok sa listahan ang aklat ni Ezra Jack Keats, isang Puting Hudyo na gumawa ng mga aklat tungkol sa karaniwang karanasan ng mga batang African-American sa lungsod.
Sisigla sana ang paglalathala ng picture book sa Pilipinas kung may sapat na sahod ito para sa mga manlilikha. Bibihirang maakit ng industriya ang mga pintor at graphic designer. Kung mayroon man, hindi nila ito full-time na trabaho.
Kapansin-pansin din na ang pag-unlad ng picture book
Kanluran ay naisulong ng mga mahuhusay na graphic designer na may karanasan sa teatro, advertising, at commercial design. Sa ating paglalathala sa kasalukuyan, ang maiinam na aklat pambata ay nilikha ng may sapat na training at karanasan sa mga nabanggit na larangan gaya nina Auri Asuncion, Liza Flores, Daniel Tayona, at Rommer Joson. Si Jomike Tejido, na tagalikha rin ng mga makabago at mapaglarong picture book, ay may isang arkitekto.
Kaugnay ng pag-unlad ang pagbabago ng teknolohiya sa pagkalathala at sa lawak ng kulay na magagamit sa mga ilustrasyon. Malaki na ang ipinagbago ng paglalathala at makikita ito sa kalidad ng mga produkto. Dahil sa maunlad na industriya ito, nagiging puhunan din ng mga tagapaglathala ng makabagong makina sa kanilang paglalathala. Hindi naman lingid na matagal ko nang inirereklamo ang mahinang kalidad ng paglalathala ng mga aklat pambata sa bansa. Kung napagkakakitaan ito, sana’y ilaan ang porsiyento ng kita sa pagbili ng maasahang makina na gumagalang sa mga kulay at kalidad ng mga orihinal na likhang-sining. Lumipas na ang panahong ang aklat pambata ay kailangang tumugma sa antas ng kabuhayan ng isang bansa. May mga umuunlad na bansa sa Asya, gaya ng Thailand at Indonesia, na naglalathala ng magagandang uri ng aklat pambata dahil puhunan nila ito sa ikauunlad at ikagagaling ng kanilang kabataan. Nawa’y ganito rin ang maging paniniwala sa atin imbes na isipin ang mga paraan na makatipid at makakita nang malaki.
Sa mga naitampok na aklat, napagtanto ko rin ang halaga ang sapat na pangangalaga ng mga aklat pambata. Sa bansang Japan, US, at UK, may mga museo at espesyalisadong mga aklatan na mangangalaga ng mga aklat pambata hindi bilang aklatang pambata kundi aklatan para sa seryosong pag-aaral ng panitikang pambata. Sa pamamagitan ng ganitong mga institusyon, naaalagaan ang mga aklat pambata, mga orihinal na ilustrasyon, at mga kaugnay na dokumento para sa mga susunod na mananaliksik. At darating ang panahon, makagagawa rin tayo ng isang aklat na magsasalaysay ng pag-usbong at pag-unlad ng ating mga aklat pambata.