Liwayway

Kasaysayan Ng Kalibutan (19)

(IKA-19 NA LABAS) BAHALA

- Edgar Calabia Samar

ANG NAKARAAN: Naglalakba­y si Benilda sakay ng isang kariton palayo sa Matandang Tugatog para sundin ang atas ng Punong Tagasinop, si Dimang. Inabot na siya ng gabi sa daan at hindi na niya alam kung nasa Isakan pa rin ba siya nang biglang may humarang sa kaniyang anuwang na humihila sa kariton. Si Isidro. Sinabi ni Isidro kay Benilda na siya ang sasama rito hanggang sa kailangan nitong patunguhan. Itinanong ni Benilda sa lalaki kung ito rin ba ang magsisilbi­ng gabay niya. Hindi sigurado si Isidro pero malalaman daw nila pagdating doon.

AMOY ang unang nagbago, kaya alam ni Hal na wala na sila sa Tagpuan. Kanina, naghahalo-halo ang amoy ng usok, alak, súka, pawis at hininga ng mga nilalang na nag-iinuman at nagtatawan­an. Napalitan iyon ngayon ng pinaghalo-halong amoy ng mga nabasâng libro na naluom, balat ng kalamundin­g, at natuyong dumi ng mga hayop. Saka niya nakita ang dilim. Pagkatapos, ang malamlam na liwanag na nagmumula sa mga ilaw na nasa gilid ng pader. Tiningnan niya ulit ang mga ilaw. Hindi gumalaw ang mga ito. Sa magkabilan­g pader talaga ng maliit na eskinita nakakapit ang mga ilaw at hindi bahagi ng katawan ng kahit na anong hayop. Pagkatapos, bigla siyang nakaramdam ng kaba na baka hindi mga pader ang nasa magkabila niya, baka... Pero agad siyang hinawakan ni Jema na nakatingin sa kaniya at pagkatapos ay tumingin din agad sa mga ilaw na tinitingna­n niya.

“Bakit?” tanong ng babae sa kaniya.

“Wala… wala…” sabi lang ni Hal. Biglang hindi na siya sigurado kung tama bang basta na lang siya sumama kay Jema. “Nasaan tayo, Jema?” “Maya ang pangalan ko rito ha, Hal,” paalala ng babae sa binatilyo.

Oo nga pala, naisip ni Hal. “Nasaan ba tayo?” ulit niya sa tanong. “Halika, sumunod ka lang,” at tumakbo nang mabilis pero halos walang ingay si Maya sa pasikot-sikot na eskinitang iyon.

Sumunod naman si Hal. Sinisikap ding wala halos ingay ang pagtakbo niya. Hinahanap niya ang buwan sa itaas, pero madilim kahit ang kalangitan.

Naipaliwan­ag na rin sa kaniya ni Maya ang dahilan ng pagpapalit nito ng pangalan kanina sa Tagpuan. Hindi nila alam kung sino talaga ang mga makakatagp­o nila sa Tagpuan, at isang paraan iyong pagpapalit ng pangalan para mailigaw nang bahagya ang kung sino mang may hindi magandang balak doon. Hindi sigurado si Hal kung sapat iyon, kung may magagawa ba talaga ang pag-iiba nito ng pangalan doon para pigilan ang kung anumang masamang bagay mula sa ibang mapupunta roon, pero hindi na niya sinabi ang pag-aalinlanga­n niya rito. Pag-aalinlanga­n na lalo pang pinakapal nang pag-amin din naman nito agad sa kaniya ng totoong pangalan nito. Paano nito nasigurado na mapapagkat­iwalaan siya? Na hindi siya ang may masamang balak gawin na hindi nito dapat pinagsasab­ihan ng totoo nitong pangalan?

Pero teka.

Biglang naisip ni Hal na hindi naman sinabi ni Maya na Maya na nga ang totoo nitong pangalan. Sinabi lang nito na Maya ang pangalan niya rito, sa kung ano mang lugar itong pinuntahan nila. Nag-iiba-iba ba ito ng pangalan sa iba’t ibang lugar?

Biglang napahinto si Maya sa pagtakbo nang may dumambang isang maliit na hayop at parang langitngit ang tunog ng hiyaw nito. Nilingon

muna sila ng hayop na batik-batik na puti’t itim ang kulay bago ito muling tumakbo hanggang naglaho sa paningin nila.

“Ano iyon?” tanong ni Hal. Kakaibang hayop. Walang kamukha sa Tahilan.

“Pusang gala lang iyon,” sabi ni Maya, na muling bumalik sa pagtakbo. “Nasaan ba tayo? Saan ba tayo papunta?” Sa magkabilan­g gilid ng pader na gawa sa bato, nakaukit ang kung ano-ano. Mukhang mga diwata na nakasakay sa isang dambuhalan­g ahas. Mga diwatang nag-eespadahan. Mga diwatang naglulukad paakyat sa mga ulap. Mga diwatang naglalango­y sa mga alon ng Panaw. Mga diwatang nagkakanta­han. Mga diwatang natutulog sa ibabaw ng mga puno. Mga diwatang umaakyat sa bundok. Pero sa pagitan ng mga ito, may ukit din ng mga hayop, mga kakaibang nilalang na hindi alam ni Hal kung ano, at kung totoo bang umiiral sa Kalibutan. Kahit sa malamlam na liwanag ng mga ilaw sa pader na nasa apat na lukad ang pagitan sa isa’t isa, makikita mong sinauna ang mga ukit na ito. Mas mukha pang luma ang mga ukit na ito kaysa sa kahit na anong gusaling nasa Tugatog sa Kumpis. Paminsan-minsan, may mga nakikita siyang nakatapal na papel na may mukha ng iba’t ibang diwata. Sino ang mga iyon? Kinabahan siya dahil ang unang pumasok sa isip niya, mga larawan iyon ng mga diwatang nawawala. Kung anumang lugar ito, nasaan man siya ngayon, alam niyang wala siya sa Tahilan dahil hinahanap dito ang mga nawawala. “Nasaan ba tayo? Saan ba tayo pupunta?” ulit niya kay Maya, hindi gaanong malakas, dahil parang kasalanan sa katahimika­n ng gabi ang anumang ingay.

“Dito,” sabi ni Maya nang tumigil ito sa tapat ng isang maliit na pintuan

Hindi alam ni Hal kung bibigkasin na niya ang mga linya sa libro para malaman kung makakatawi­d siya pabalik sa Tagpuan. Pero paano nga kung makatawid siya at naroon pa rin ang garuda?

sa kaliwang pader ng eskinita. Mas butas sa ibabang bahagi ng pader kaysa pintuan. Nasa ilalim ng ukit ng isang babaeng may pakpak na tulad ng sa maliliit na kalanta. At hindi alam ni Hal kung sadya bang putol ang katawan ng babae sa bahaging baywang o naputol lang iyon dahil nabutas nga ang pader sa ilalim nito. Bahagyang yumukod si Maya para makapasok sa butas na halos eksakto lang para sa katawan nito.

Mabilis namang sumunod si Hal sa pagpasok ni Maya. Pagkatawid nila sa kabilang panig ng pader, natuklasan ni Hal na nasa loob sila ng isang panibagong eskinita at tumakbo na naman si Maya hanggang may makita silang panibagong butas sa kaliwang panig ng pader at pinasok ulit nila iyon. Ginawa nila iyon nang anim na ulit at pakiramdam na Hal ay papasok sila nang papasok sa sentro ng kung anumang laberinton­g ito na ang tanging lagusan ay sa mga butas sa pader na nasa ibaba ng mga babaeng may pakpak. Hindi magkakamuk­ha ang mga babaeng may pakpak. Maaaring iisa lang ang mga iyon pero iba-iba ang nag-ukit sa bato kaya hindi gaanong magkakapar­eho ang hitsura. Nang makapasok sila sa ikapitong butas sa kaliwang pader ng ikapitong makipot na eskinita, isang lagusan pailalim ang bumungad kay Hal. Kasing-kipot din ng mga eskinitang tinakbo nila ang lagusan at may anag-ag din ng malamlam sa ilalim. Agad na sumunod si Hal kay Maya nang bumaba ito sa hagdan.

Tinangkang bilangin ni Hal ang baitang hanggang sa makarating sila sa pinakaibab­a. Dalawang daan at tatlumpu’t tatlo. Pagkatapos, isang mahabang pantay na lagusan ang nilakad nila. Hindi na tumatakbo si Maya. Naglakad sa tabi nito si Hal.

Gusto ulit itanong ni Hal sa babae kung nasaan ba sila pero pinigilan na niya ang sarili niya. Baka masabihan na naman siya nito na para siyang timang. Kinakapa niya ang loob niya kung may dapat ba siyang ikatakot. Kung ano pa bang posibleng kapahamaka­n ang puwedeng mangyari sa kaniya ngayon. Hindi ba ang mahalaga ay natakasan nila ang garuda sa Tagpuan? Pero totoo ba ang garuda na iyon? Totoo ba ang

 ??  ??
 ??  ?? “Halika, sumunod ka lang,” at tumakbo nang mabilis pero halos walang ingay si Maya sa pasikot-sikot na eskinitang iyon. Sumunod naman si Hal. Sinisikap ding wala halos ingay ang pagtakbo niya.
“Halika, sumunod ka lang,” at tumakbo nang mabilis pero halos walang ingay si Maya sa pasikot-sikot na eskinitang iyon. Sumunod naman si Hal. Sinisikap ding wala halos ingay ang pagtakbo niya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines