Liwayway

Bulaklak Para Kay Emelita

- Armando T. Javier

TALON kung tawagin ang ilog na iyon kahit hindi naman talagang falls dahil sa prinsang sumasagka sa ragasa ng tubig na nagdudulot nang animo’y talon sa ibabang bahagi niyon. “Malimit kaming maligo d’yan no’ng mga bata pa kami,” sabi niya kay Wena. “Malinis pa’ng tubig no’n d’yan palibhasa’y kokonti pa’ng tao no’n dito at kokonti pa rin ang negosyo.”

Di tulad ngayon na sa dami nang naraanan nilang establisye­mento sa highway ay kulang na kung bibilangin ang mga daliri niya sa kamay at paa. Lantad na rin ang tinamong polusyon ng ilog; natatanaw niya ang bulang mula sa sabong panlaba, ang maitim, malumot nang tubig, ang naglulutan­gang mga plastik sa magkabilan­g gilid. Napailing siya. Naghihinay­ang kung bakit pinabayaan ng mga namumuno sa kanilang bayan at barangay na magkaganit­o ang dating malinis nilang likas-yaman.

“Malayo pa ba tayo?” sa halip ay tanong ni Wena.

“Malapit na. Isang liko na lang sa kurbadang ‘yon.”

Muling pinasegida ni Wena ang kotse.

Tiningala niya ang arko sa bungad ng Barangay Magmaliw, napansing iisa na lamang ang malaki’t matandang punong akasya na dati’y animo’y tanod sa bungad niyon; ibinuwal ng malakas na bagyo noong nakaraang taon. Sa kabi-kabila ng kalsada, muling natambad sa kanya ang pamilyar na mukha ng kinalakhan­g lugar. May mga pagbabago sa ilang bahay, napakongkr­eto at napataasan (siguro’y nakapag-abroad ang mga anak ng mayari), pero mayroon ding nanatiling payak: halamang gumamela pa rin ang nagsisilbi­ng bakod, pinupungos lamang; paminsan-minsan ay may sumisibad pa ring manok sa kalsada, kahit naaspalto na ngayon ang dating malubak at maalikabok na daang

barangay. Naraanan nila ang paaralang elementary­a: gayon pa rin ang dating gusali, tabla’t yero bagama’t napintahan nang bago, at sa likod ng main building, may nakatindig nang mga poste, nakaturo sa langit ang mga bakal na wala pang palamang semento.

“D’yan ako nag-elementary. First honor ako d’yan.”

Napangiti si Wena.

At makalampas ang eskuwelaha­n, sa gawing kaliwa, ang bahay na iyon, na luma, kapis ang mga bintana. Bigla niyang naalala ang babaeng malimit na nakatungha­y sa pasimano niyon, bumabati nang magandang umaga o magandang hapon sa mga nagdaraan. Si Emelita.

Si Emelita. Nakaklase niya ito noong grade five at grade six siya. Malapit na itong mag-treinta anyos, hindi katangkara­ng babae pero may kalaparan ang katawan; may bungi rin ang ilang ngipin. Matagal na dapat siyang naka-graduate pero mandin sa isip niya, siya’y lalaging bata, hindi na sasampa sa high school at mananatili­ng estudyante sa elementary­a habang buhay. Ipinakiusa­p ni Aling Gloria sa mga guro roon na payagan nang mag-sit-in ang anak.

“Hindi naman ho s’ya nananakit. Gusto lang talaga n’yang pumasok sa esk’wela...”

Ilang hakbang nga lang naman kasi ang bahay nila mula sa eskuwelaha­n. Naunawaan naman ng mga guro, kinunsinti si Emelita, sa katwirang hindi nga naman ito nananakit.

May pakinabang naman siya, sila, na hindi nanunukso kay Emelita. Pinababaun­an ni Aling Gloria ng sandwich ang anak, minsan naman ay prutas, at si Emelita, kapag nakakasaba­y niyang mananghali­an sa loob ng silid, inaabutan siya ng saging o ng kaimito o kung anumang baon nito. “Sarap?”

“Oo.”

Ngingiti. Masusulyap­an niya ang mga kulang na ngipin sa bibig nito, saka hahagikhik na tila tuwang-tuwa.

Sa uwian, sumasabay sa kanya si Emelita. Nakaabang na sa harap-bahay nila si Aling Gloria at kung makikitang kasabay niya ang anak nito, magpapasal­amat.

“Buti naman, Ading, at isinabay mo s’ya...” “Tinutukso ho kasi no’ng mga lokong bata sa playground.”

“Totoo ba ‘yon, anak?”

“O-Oho...” sabi nito sabay tango, kumikimbut-kimbot pa ang labi.

“S’ya, ‘wag mo na lang pansinin. Basta, sumabay ka na lang ke Ading pauwi. P’wede ba, Ading?”

“P’wede ho, Aling Gloria, dito rin naman ho’ng daan ko. ‘Tsaka, wala rin naman ho akong kasabay pauwi...” “Mabuti. Halika, bibigyan kita ng ice candy.”

Sumunod kami ni Emelita sa kanyang ina. Gumagawa ng ice candy si Aling Gloria na ibinebenta nito sa mga bata roon. Inabutan siya nito ng isa: may gatas at munggo, ang paborito niya. Nagpasalam­at siya’t nagpaalam sa mag-ina; habang daan ay kinakain ang ice candy. Hanggang ngayon, sa pagkakatin­gin sa bahay, tila nalalasaha­n pa rin niya ang ice candy ni Aling Gloria. Napalunok siya. Makalampas doon, tila may bumikig sa kanyang lalamunan.

Ganitong panahon din may labing-anim na taon na ang nakakaraan nang maganap ang trahedyang iyon. Bakasyon na sila sa eksuwela, (tapos na siya ng grade six at naghihinta­y na lamang ng graduation sa Abril). Para silang guyang nakakawala sa kural: gala rito, gala roon, kasama ng kababata niyang si Momong. Nagge-gatecrash sila sa mga bahayang may pabasa, nakikikain ng handa: lumpiang sariwa, lumpiang ubod, pansit, sotanghon. O, di naman kaya’y naninirado­r ng ibon sa bukid, naglilimas sa mga daluyang-tubig at ilat, nagbabakas­akaling makahuli ng bakuli, hito, ng martiniko’t gurami. At sa pag-uwi, bitbit ang natirador na ibon o nahuling isda, sermon naman ang aabutin nila sa kani-kanilang mga magulang.

“Di ba kabilin-bilinan ng lolo mo, ‘wag kang gagawi sa ilat?

Kung namatanda ka ro’n?”

Tatahimik na lamang siya, pagtitiyag­aang kaliskisan ang nalimas niyang bakuli’t martiniko para hindi na mamroblema sa pagluluto ang kanyang ina. Ganoon din daw si Momong nang magkakuwen­tuhan sila. Sa pasukan, pareho na silang high school.

“Dapat pala, ‘Ding, nagpapaano na tayo...”

“Ano?”

Ibinulong sa kanya. Oo nga naman, nagbibinat­a na silang dalawa ay hindi pa sila ano.

“Masakit ‘ata ‘yon, ‘Mong?”

“Parang kagat lang daw ng langgam. Ipapaano daw ako ni Kuya ke Mang Tisyo, sangkahang sigarilyo lang daw ang bayad. Sama ka?”

“H-Ha?”

“Takot ka ‘ata, e...?”

“Hindi, a!”

Lingid sa kanyang mga magulang, sumama nga siya kay Momong at sa Kuya Fernan nito sa kubo ni Mang Tisyo. Naghihimas ng manok na panabong ang matanda nang datnan nila. Sinabi ni Fernan ang kanilang pakay. Napangiti ang tisikong matanda, isinoga ang tandang, namitas nang murang talbos ng bayabas at ipinanguya sa kanila ni Momong.

“O, sino’ng matapang na mauuna?” Nakaupo na sa kanyang bangkito si Mang Tisyo habang inihahasa ang kanyang labaha.

Itinulak nang marahan ni Fernan ang kapatid. Naupo si Momong sa katapat na bangkito matapos paghubarin ng shorts ni Mang Tisyo, isinuot ang balat ng ari sa isang hulmahang gawa sa sanga ng isang puno; tila numero siyete ang hulma na itinusok nito sa lupa.

“Nguyang mabuti ng bayabas,” sabi nito. Nakapikit si Momong, namumutla, at napaingit nang pukpukin na ni Mang Tisyo ang labahang nakadikit sa balat ng kanyang ari.

“Luwa ang bayabas...!”

Binalutan nito nang puting katsa ang sugat na nabudburan nang naligis na dahong bayabas. Tumindig si Momong, maingat na isinuot na muli ang shorts. Napako sa kanya ang tingin ng matanda. Namumutla rin siya, pakiwari niya, at ibig niyang tumalilis, saka na lang, pero pinigilan siya ni Fernan. “Ikaw na.”

Nakatingin sa kanya si Mang Tisyo. “’Lika, Totoy, ‘wag kang matakot.” Ngumiti. “Sige, hubad na...”

Atubiling naghubad siya ng shorts at naupo sa katapat nitong bangkito.

Lumuwang ang pagkakangi­ti ni Mang Tisyo, napailing. “Marami kang paliligaya­hin--at paluluhain din--sigurong babae!” Natawa sa sariling biro.

Umangat ang pamukpok. Humiwa ang labaha sa balat. “Aray...!”

Iika-ika silang naglakad ni Momong pauwi. Inihatid sila ng tingin ni Mang Tisyo na ang magkabilan­g bulsa ng polo ay nalamnan nang dalawang kahang sigarilyo.

Nagulat man sila sa bahay, wala na rin silang nagawa. Natawa pa nga ang tatay niya nang umuwi mula sa pagtatanim ng gulay.

Inaalayan nina Ading at Momong ng mga bulaklak ang ilog para kay Emelita at para rin sa engkantong pinaniniwa­laang namamahay roon...

“Binata na nga naman ‘yang anak mo,” sabi nito sa kanyang ina, saka nakangitin­g ginulo ang kanyang buhok.

Sa gabi, kung nagkikita sila ni Momong sa malaking punong kabalyero, nagkakatan­ungan sila tungkol sa kanilang sitwasyon. “Kumikirot pa nga, e,” sabi niya.

“Sa ‘kin din nga! Sabi ng kuya ko, dapat daw ipaligo ko sa ilog ngayong Biyernes Santo para madali raw gumaling.” “Totoo ba ‘yon?”

“Gano’n daw ang ginawa n’ya--nila--ng mga kasabay n’yang nagpatuli no’n. Ano, subukin natin? Wala namang mawawala?”

Pero tradisyona­l at konserbati­bo ang pamilya nila. Sinusunod pa ang nakagawian­g pagpapalib­an ng lakad at gawain kung Biyernes Santo; sa bahay lang sa araw, at sa gabi, sasama sa prusisyon sa plasa.

Hindi siya sumama sa prusisyon, nanood lamang. Pero si Momong, sumama. Nakita niyang kasunod pa sina Emelita, Aling Gloria at ang dalawa pa nitong kapatid. Tinanguan siya nang makitang nanonood siya sa gilid ng kalsada.

Hindi sila natuloy ni Momong nang Biyernes Santo. Itinakda nila nang Sabado de Gloria.

Nakita ng kanyang ina na may dala siyang supot na kinalalagy­an ng kanyang sabon at tuwalya.

“Sa’n ka pupunta?”

“K-Kina Momong ho, ‘Nay.”

“’Wag kayong maggala, ha? Delikado. Sabado de Gloria ngayon. Patay ang d’yos!”

“O-Oho.”

Naglalakad patungong ilog, naraanan nila ang bahay nina Emelita. Nakadungaw ito sa pasimano at binati sila.

“Sa’n kayo pupunta?”

“Sa talon!”

“Sama ‘ko...”

Bago sila nakasagot, nakapanaog na, sinalubong sila sa kalsada. Nagkatingi­nan sila ni Momong, saglit na naisip na takbuhan si Emelita pero sariwa pa ang sugat nila; may ika pa rin kung sila’y maglakad na dalawa.

“Baka magalit ang nanay mo?”

“Hindi!”

Mandi’y hindi papayag si Emelita na hindi makasama sa kanila.

Siniko siya ni Momong, niyayaya sa tingin, naiinip na. Nangsa-lalabas mula sa bahay si Aling Gloria...

“Ading, ‘andito pala kayo? Bakit?”

“E, si Emelita ho kasi, g-gustong sumama sa ‘min ni Momong sa talon...”

“Sa talon? Bakit, ano’ng gagawin n’yo ro’n?”

“E...e...”

“Maliligo ho sana kami, Aling Gloria,” sabi ni Momong, “ang init ho kasi!”

“Abe’y ba’t di n’yo pa ipagpabuka­s? Sabado de Gloria ngayon. Patay ang D’yos.”

Nagkatingi­nan uli sila ni Momong at kapwa napakamot sa batok.

“E, sige ho, di na lang kami tutuloy...”

Pumihit sila. Si Emelita, nang siya’y maglingon-likod, hindi pa agad na sumunod sa ina na pumasok sa bahay, tinatanaw pa sila ni Momong. Hindi naman sila umuwi, umiba lang sila ng daan. May short-cut patungong ilog, makikiraan lamang sila sa mga bakuran. Doon sila. Malayo pa’y dinig na nila ang lagaslas ng tubig mula sa ibabaw ng prinsa. At pagsapit doon, katakataka­ng wala ni isang naliligo; solong-solo nila ni Momong ang buong ilog.

Pumuwesto sila sa babagsakan ng tubig, isinahod ang ulo’t katawan sa bagsak ng tubig.

“Sarap! Lamig!”

“Wooo!”

Hiraman sila ni Momong sa baon niyang sabon. Naghagilap ito ng batong maipanghih­ilod sa libagin nilang katawan. Natanaw nila ang ilang dumadaan sa tulay-na-bitin, na napapahint­o, saglit na titingin sa kanila, iismid, tatalim ang mukha’t anyo saka magpapatul­oy sa paglakad nang tuwid ang tingin. Naunawaan nila ni Momong. Sabado de Gloria. Patay ang Diyos. Dapat ay nangingili­n sila. Pero heto’t nagkakasay­ahan sila sa paliligo, tila walang pakialam sa pangilin at panganib.

“Me tao ‘ata,” sabi ni Momong nang makarinig nang lagitik ng natatapaka­ng mga tuyong siit. Nang lumingon sila sa kanilang pinagmulan, sino nga ang nakita nila?

Si Emelita!

Nakangisi pa ito, animo’y nakalansi. Tumalungko­ng nakatungha­y sa kanilang paliligo nang sapitin ang pampang ng ilog.

“’Kala n’yo natakasan n’yo ‘ko, ‘no?”

“Ano’ng ginagawa mo dito, baka hanapin ka ng nanay mo?”

Humagikhik. “Di magtago tayo...!”

Wala silang nagawa ni Momong kundi bayaan na lamang si Emelita.

Hindi naman ito naligo; nagkasya na lamang na panoorin sila. Hindi nawawala ang ngiti sa mukha.

“Karera kayo,” sabi, at itinuro ang kalakhan ng ilog. Nasa ibabang bahagi sila, doon sa nababagsak­an ng tubig. “Sige na,” ulit ni Emelita, nakaturo pa rin sa kalakhan ng ilog. Tumayo pa sa kinauupuan­g malaking bato sa gilid ng pampang. “Wan! Tu! Tri! Sige na...!”

Nagkatingi­nan sila ni Momong. “Ba’t kasi sumunod pa ‘yan...!”

“Hindi titigil ‘yan hangga’t hindi nasusunod ang gusto.” “Sige na! ‘Tagal!” Pumapadyak na si Emelitra sa ibabaw ng kinatatayu­ang bato.

Napapailin­g na sumampa sila si Momong sa pasimano ng prinsa, nag-ingat na baka madulas habang nakatayo sa gitna niyon, pinagmasda­n ang kalakhan ng ilog na kumikinang ang tubig sa tama ng araw: tila nang-eengganyo. “Una ka,” sabi sa kanya ni Momong. “Ikaw muna...” “Pambihira!” Dumaib si Momong, at nang lumutang, hinihikaya­t siya. “Talon na! ‘Daya...!”

Ewan kung bakit nag-aatubili siya. Dahil ba iyon sa naririnig niyang kuwentu-kuwento na may namamahay raw na engkanto sa ilog na iyon na kumukuha ng tao? Na taun-taon ay may nagbubuwis ng buhay roon kapag nakukursun­adahan ng engkanto?

Nilingon niya si Emelita. Pumapalakp­ak ito, para bang ipinagbubu­nyi at pinalalaka­s ang loob niya.

“Ano ba?” Naiinip na si Momong. “Ano’ng ‘iniintay mo, Pasko?”

Pikit-mata, pinisil niya ang kanyang ilong at una-ang-mga

paang tumalon sa tubig.

Hindi pa naman siya ganoong kahusay lumangoy; si Momong din. Natuto lang siyang magpalutan­g sa mga ipunan ng patubig sa bukid. Malalim pala ang pagitang iyon ng prinsa at ng bagsakan ng tubig. Naunahan pa siya ng takot nang maramdaman ang paninigas ng kanyang mga binti. Pulikat. Sinisikap niyang lumutang ay tila lalo siyang lumulubog, animo’y may humihila sa kanyang mga paa pailalim; lumubog-lumitaw ang ulo niya sa tubig. “M-Momong, pinupulika­t ako...!” “Ha?”

Nilapitan siya ni Momong, at sa biglang bugo ng panic, nangapit siya rito. “’Mong, lumulubog ako! ‘Wag mo ‘kong bibitiwan!”

Nangapit siya sa katawan nito at dalawa na silang lumubog-lumitaw sa tubig.

Nabaghan si Emelita sa nasaksihan, napatayo.

“E-Emelita, tulungan mo kami...! Nalulunod kami...!”

Alumpihit ito, hindi malaman ang gagawin. Umalis sa kinatatayu­ang bato, bumalik sa dinaanan nito kanina at maya-maya pa, bumalik na may dalang kaputol na tuyong kawayan. Tumuntong na muli sa bato, iniabot sa kanila ni Momong ang tangang kawayan. Gumaod ang magkabilan­g kamay ni Momong, tangay-tangay siya at pilit nilang inabot ang idinuduldo­l na kawayan ni Emelita na noo’y nanggigili­d na ang mga paa sa pagkakaduk­wang sa kinaluluhu­rang bato. Nadala ng bigat nila, nang pagbatak nila sa kawayan, si Emelita. Lumagapak ito sa tubig. Nahuli pa nila ng tingin ang nakaangat na mga kamay habang lumulubog sa tubig. Nakahawak sila ni Momong sa pasimano ng prinsa, nagmadalin­g makasampa saka inaninag sa tubig si Emelita.

“Emelita...! Emelitaaa...!” Nagkatingi­nan sila ni Momong, kapwa nabaghan.

“Tumawag ka ng tulong, ‘Mong. ‘Iintayin ko s’yang lumutang...!”

Tumalima si Momong, kumaripas nang takbo pabalik sa barangay. Samantala’y patuloy siya sa pagtawag kay Emelita. “Emelita! Emelita...!”

Ngunit wala siyang maaninag sa tubig; ang tanging lumulutang doon ay ang tuyong kawayang ipinansagi­p ni Emelita sa kanila ni Momong.

“NARITO na pala si Ading...” Nagmano siya sa kanyang ina. “--At ito na ba’ng gerlpren mo?” “Oho, ‘Nay, si Wena ho. “Magandang hapon ho.”

“Hindi ba kayo natrapik?” “Hindi naman ho. Marami na sigurong nakauwi kamakalawa at kahapon...”

“Magpahinga muna kayo. Me ginataang totong d’yan, meryendahi­n n’yo mam’ya.”

“T-Totong...?” Nakakunot ang noo ni Wena.

“Ginata’ng munggo,” sabi niya.

May bahay-kubo sa likod-bahay nila. Unang project niya, pagmamalak­i niya kay Wena, bilang arkitekto. Natawa ito. “Puro ka kalokohan!”

Maaliwalas at maluwag ang bahay-kubo na may dalawa pa ngang kuwarto. Noong nasa kolehiyo pa siya at nagsasama ng mga kaklase rito, doon sila natutulog.

Nang mapag-isa, napansin ni Wena na tahimik siya. “Bakit?”

“Me naalala lang ako.”

“Dating girlfriend?”

“Hindi. Dating kaibigan.”

Nagkunot na naman ito ng noo.

May bumabasa pa rin ng pasyon, naririnig nilang pumapailan­lang sa loud speaker; nagmumula sa ilaya. Itinulog nila ni Wena ang pagod nilang mga katawan sa mahaba nilang biyahe. Kinahapuna­n, bandang takipsilim, inabutan niyang naghihinta­y sa kanya si Momong.

“Gising na pala’ng kababata mo,” sabi ng kanyang ina. “Dinalaw ka ni Konsehal. Me dala pang ginataang kuhol.” “’Mong? Konsehal ka na pala?”

“Sa barangay lang, kapalit ni Kuya Fernan.” Nilingon nito si Wena. “S’ya na ba, ‘Ding?”

“Malamang...”

Napangiti si Wena.

Kumustahan sila ni Momong. Balitaan. Kinalabit ng kanyang ina si Wena at niyaya sa kusina-kainan. Naiwan silang magkaibiga­n sa salas.

“Naraanan namin ‘yong bahay nina Emelita, muk’ang sarado, para ngang walang nakatira.”

“Wala na talaga. Matagal na. Nang mamatay si Aling Gloria, napagpasya­han no’ng dalawang anak na ibenta na lang ‘yung bahay. Tutal, e, pareho na silang may kani-kanyang pamilya. Sa Pasig at sa Quezon City na rin nangakatir­a...”

Galit sa kanila ni Momong si Aling Gloria at ang mga anak at kaanak nito; sinisisi sila sa pagkamatay ni Emelita. Kung hindi raw sumunod sa kanila sa ilog si Emelita, buhay pa sana ang kanyang anak.

Kinabukasa­n pa nang makita ang bangkay ni Emelita. Manas na. Pinagkatak­utan na naman ang ilog; may nagbuwis na naman kasi ng buhay. Noon, sa yaya niya kay Momong, tumatalili­s pa rin sila para magtungo roon dala ang pinitas nilang mga bulaklak; gumamela, kamya, kabalyero at kung anu-ano pa. Aakyat sila sa tulay-na-bitin, at mula roon, inihahagis nila ang mga bulaklak sa ilog. Susundan nila ng tanaw mula roon hanggang anurin ng agos ang samu’t saring mga bulaklak patungo sa bagsakan ng tubig. “Para kay Emelita...!” sabi niya.

“Para kay Emelita,” sabi ni Momong.

At para rin sa engkantong pinaniniwa­laang namamahay roon. Isang pakiusap na sana’y huli na si Emelita (noon), at wala nang ibang buhay na magbuwis pa sa ilog. Pinabakura­n nga ng munisipyo ang magkabilan­g pampang ng ilog, malapit sa prinsa. Nilagyan ng malaking karatula: BAWAL MALIGO. MAY NAMATAY NA DITO.

Ilang misa sa simbahan ang humiling na sana’y hindi na maulit na may malunod pa uli sa ilog...

“Sabado de Gloria bukas, ‘Mong, wala ka bang naaalala?” Napatingin ito nang matiim sa kanya. “M-Meron. Makakalimu­tan ko ba ‘yon?” Kinabukasa­n, Sabado de Gloria nang taong 1990, matapos mamakyaw ng mga tindang bulaklak sa palengke, nagbalik sila ni Momong sa tulay-na-bitin. Kasama si Wena, isa-isa nilang inihagis sa tubig ang mga bulaklak.

“Para kay Emelita!”

“Para kay Emelita!” sabi rin niya.

Tinatanaw ang inaanod na mga bulaklak, pumikit siya at umusal nang maikling panalangin at pasasalama­t sa babaeng pinagkakau­tangan nila ni Momong nang pangalawa nilang buhay.

 ??  ?? Umalis sa kinatutunt­ungang bato, bumalik sa dinaanan nito kanina, at mayamaya pa, bumalik na may dalang kaputol na tuyong kawayan. Tumuntong na muli sa bato, iniabot sa kanila ni Momong ang tangang kawayan.
Umalis sa kinatutunt­ungang bato, bumalik sa dinaanan nito kanina, at mayamaya pa, bumalik na may dalang kaputol na tuyong kawayan. Tumuntong na muli sa bato, iniabot sa kanila ni Momong ang tangang kawayan.
 ??  ??
 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines