Bakit Mahirap Paniwalaan Ang Muling Pagkabuhay Ni Kristo...
IPINAHAYAG ni David Instone-Brewer na sumulat sa aklat na “The Jesus Scandals” na di naniniwala ang mga Romano at Griyego, maging ang mga Kristiyano, sa muling pagkabuhay ni Kristo noong panahon ng mga apostol. Katunayan nga, si Apostol Pablo mismo ang nagsabing pinagtawanan at tinuya lamang siya ng mga taong nakikinig sa kanyang pangangaral ng tungkol sa literal na pagkabuhay na muli ng Panginoong Jesus. (Gawa 17:18, 32)
Mula’t sapul, nakaririnig na sila ng mga kuwento tungkol sa mga diyus-diyusan at ng buhay sa likod ng kamatayan (na minana pa nila sa relihiyon ng mga Griyego) ngunit di sila naniniwala sa muling pagkabuhay ng tao. Inakalang nagbibiro lamang o kaya’y nababaliw na ang alagad kaya iniwan siya ng mga tao. O kaya’y usbong ito ng pananaw ng ilan sa sinasabi ni Apostol Pablo tungkol sa dalawang diyos, sina Kristo at ng Anastacia, na ang ibig sabihin ay resureksiyon o muling pagkabuhay.
Ayon kay Brewer, may ilang kadahilanan kung bakit di naniniwala ang nakararaming tao sa muling pagkabuhay ni Kristo matapos Siyang mamatay sa pagkakapako sa krus. Una’y pawang mga babae ang naging saksi sa mga pangyayari. Noong mga panahong iyon, ang mga babae’y di gaanong pinaniniwalaan ng mga tao at ng lipunang kanilang ginagalawan. Pangalawa, ang pagkawala ng bangkay ni Jesus ay nagbunga rin ng magkasalungat na espekulasyon. Ayon sa mga pari at pinuno ng templo ng Jerusalem, ninakaw ng mga alagad ang katawan ni Jesus at ipinalabas lang na nabuhay na muli.
Ngunit mariin na pinabulaanan ng mga alagad ang paratang na iyon sa pagsasabing di nila kayang gawin iyon sa kadahilanang bantay-sarado at tinembrehang mabuti ang libingang pinaglagakan sa bangkay ni Jesus.( Mat. 27: 62-66) Kung totoo ang sinasabi ng mga pari, ibig sabihin niyo’y may nanuhol sa mga sundalong Romano na nagbabantay upang makuha at mailabas ang katawan ng Panginoon. Di kayang gawin iyon ng mga alagad dahil mainit ang mga mata ng mga pari at ng mga pinuno ng pamahalaan sa kanila!
Sa totoo lang, ang kawalan ng paniniwala ng mga tao sa muling pagkabuhay ni Kristo sa panahong iyon ang siyang nagtulak kay San Pablo na sulatan ang mga Kristiyano sa Corinto at kumbinsihin silang maniwala sa muling pagkabuhay ng Panginoon. Aniya, “Ngayon, kung ipinapangaral naming si Kristo’y muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? Kung totoo iyan, lilitaw na hindi muling binuhay si Kristo. At kung si Kristo’y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Kung ganoon, lilitaw na kami’y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Kristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay. Kung hindi muling binuhay ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Kristo. Kung hindi muling binuhay si Kristo, kayo’y hindi pa nalilinis sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Ngunit ngayong si Kristo’y muling binuhay, ito’y katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. (! Cor.15: 12-20)
Sa ngayon, marubdob ang paniniwala ng mga Kristiyano sa kahalagahan ng pagkabuhay na muli ni Kristo na siyang puso ng Semana Santa at ng Ebanghelyo na sumasalamin sa muling pagkabuhay na tatamasahin din naman ng mga mapapalad na pagkakalooban ng buhay na walang hanggang sa oras ng paghuhukom.