Isang Gabi, sa Nining’s
EDITOR’S NOTE: Here’s a short story from one of the Philippines’ foremost contemporary auteurs, who is known for his long, slow films, a brief glimpse into the beginnings of his filmmaking dreams, with a nod to one of the most influential films he saw in his youth.
Nilakad ko mula Eagles Nest Dormitory ng Katipunan hanggang Aurora Boulevard, sa Cubao. Maraming jeep pero mas sanay akong maglakad. ‘Yun ang nakalakhan ko sa Maguindanao, ang maglakad nang maglakad. Usapan namin ng ilan sa mga kaklase ko na magkikita sa harap ng Nining’s, isang karenderya sa Cambridge Street. Nauna ako, masyadong napaaga, papasok pa lang ang dilim. Maya-maya pa’y bumuhos ang ambon. Pumasok ako sa karenderya. Naging ulan na ang ambon. Umupo ako saka umorder ng Sarsi.
“Ano pa?”
“’Yun lang po.”
“Bagong luto ang dinuguan at lumi.” “Sige lang po. ’Di pa po ako gutom.”
May nakaupong puti sa isang mesang malapit sa akin. Kuwarentahin ang edad niya, ’di ako sigurado, pero pogi, napakatangkad, kulutin ang ginto niyang buhok, nakabulaklaking polo, at pantalong maong. Umiinom siya ng Sanmig. Manaka-nakang napapatingin siya sa akin. Naging malakas nang ulan ang ulan. Rumaragasang pumasok ang isang naka-leather jacket na mama, long-haired, nakapony tail, basang-basa siya, mabilis na nagwagwag, hinubad ang jacket, at isinampay sa upuang bakante sa harap ng puti.
“You are Mr. Luther?”
“Yes, I am.”
“Jack, sir.”
“Oh, Jack. Nice to meet you.”
“Sorry, I’m late. The rain…”
“It’s OK. The rain is good.”
“Beer po!”
“Your beer is good.”
“First time in the Philippines?”
“First time, and it’s beautiful.”
Waring tubig na agarang nilaklak ni Jack ang beer pagkahatid sa kanya.
“Berna and Michelle will arrive soon, sir. The rain…”
“You said Berna and…”
“Michelle.”
“Women?”
“Yes.”
“There’s a misunderstanding. It’s not women that…”
“Oh, sorry, sorry, sir. No problem. No problem. Let’s go get a taxi. You will enjoy.”
Nagbayad si Jack sa counter at lumabas na sila. Maya-maya pa’y
may pumasok na babae. Waring pangitain ang pagdating niya. Isa siyang napakaayang anghel na lumapag sa lupa. Waring noon lang ako nakakita ng ganung kagandahan. Hindi pangtao ang kanyang kagandahan. Panay ang nguya niya ng babolgam at medyo basa ang damit niya. Umupo siya sa harap ko.
“Sorry, Jack.”
“A, hindi po ako si Jack.” “E, p*ta, sino ka?” “Manunood po ako ng sine.”
“Anong panunoorin mo?”
“Maynila sa mga Kuko ng Liwanag po.”
“Maganda ba?” “Panunoorin ko pa lang po.”
Nang gabing ’yun, pagkatapos kung mapanood ang Maynila sa mga Kuko ng Liwanag, sinabi ko sa sarili ko, isang araw, kung papalarin, gagawa rin ako ng pelikula. At hanggang ngayon, nasa kamalayan ko pa rin ang anghel na dumapo sa Nining’s. Nasaan na kaya siya? Saang langit kaya siya nagmula?
Maraming jeep pero mas sanay akong maglakad. ‘Yun ang nakalakhan ko sa Maguindanao, ang maglakad nang maglakad.