Patuloy Lang Ang Buhay
Isa sa pinakamasakit na pangyayari sa ating buhay ang mawalan ng mahal sa buhay lalo na kapag kasa-kasama mo palagi at siyang gumagabay lalo na sa pagsagot ng mga aralin. Napakalaking dagok sa isang mag-aaral ang walang masasandigan sa oras ng pangangailangan. Ang konkretong halimbawa nito ay ang aking pamangkin. Madilim…walang kasing dilim na tila baga pinagkaitan ng liwanag na hindi malirip ng musmos na isipan ng isang paslit kung bakit sa hindi inaasahang pangyayari ay mawawala ang kanyang lola. Ang dati’y maaliwalas na mukha at bakas na ngiti sa makipot nitong labi ay napalitan ng pait. Napakapait! Sa kabila ng pagkawala ng kanyang lola, ay hindi nagpatinag ang batang ito. Palagi niyang dalangin sa Panginoon na bigyan siya ng karunungan at gabayan ng kanyang namayapang lola sa pagsagot ng mga mahihirap na mga katanungan. Araw-araw ay sumasagot siya ng aralin sa isang tabi habang nasa burol. Walang pusong hindi mahahabag sa tanawing masasaksihan. Kung paano mag-isang binubuno ng bata ang kanyang aralin. Tuwing may katanungan sa kanyang isipan, ay titingin sa kabaong ng kanyang lola na tila humihingi ng kasagutan. Sa ganitong paraan ay maiibsan ang kanyang paghihirap. Para sa aking pamangkin, patuloy lang ang buhay. Mahirap… Matagal ang paghilom ng sugat na sanhi ng paglisan ng kanyang lola ngunit sa lahat ng masakit na pangyayaring ito, nandiyan pa rin ang kanyang lolo at magulang na handang umalalay sa kanya. Mayroon pa rin siyang masasandalan at mahuhugutan ng lakas. Oo, patuloy lang ang buhay dahil balang-araw, malalagpasan din ang mapait na pangyayaring ito. Patuloy lang upang maabot ang pangarap sa buhay.(