Akdang Di Tapos
Antonio R. Datuin
Akala ko,nuong pumutok ang Mt. Pinatubo, tumigil na ang aking mundo.
Naganap ang bagyong Ondoy, baha ang aking kalaban. Putol na ang tulay sa aking buhay.
Sumapit ang iba’t ibang kalamidad, lindol, bagyo,SARS,MERSCOV,Asian Flu,Ebola virus, isama pa ang Marawi siege .... hindi na ata ako makakabangon. Pira-piraso na ang pangarap ko.
Hindi ko pa nabubuo ang sarili ko,ito na naman ang isang pagsubok. Dumating ang bangungot na dala ng COVID-19 Pandemic. Lahat ay naligalig at ako ay nalito. Kailan ba ito matatapos?
Ang bawat araw ay mistulang patalim na unti-unting humihiwa sa hibla ng aking pag-asa. Walang kabuhayan, di man lang ako makagawa ng mga dati kong gawain. Napakalungkot ng buhay, nakakabato sa loob ng tahanan.
Pero hindi…bakit sa aking sarili pakiramdam ko ay wala namang nabawas? Bagkus ay nadagdagan pa ang saya ko sa tuwing magkakasalo kaming mag-anak sa hapag-kainan, sa panonood ng telebisyon, sa pagkukuwentuhan. Parang kompleto ang bawat oras ko habang kasama ko ang mga anak kong nagdidilig, naglilinis sa hardin at nagtatanim ng gulay. Mas nananabik ako sa pagsapit ng gabi dahil sama – sama na naman kaming mananalangin ng buo kong mag-anak. Makikita ko na naman ang kabayanihan ng kapwa ko Filipino. Mababasa ko na naman ang katatagan ng napakaraming bayani sa makabagong panahon. Maririnig ko na naman kung paano ang pagsisikap ng gobyerno na tugunan ang pangangailangan ng bawat Filipino. Marami man ang reklamo, mas matimbang ang kabutihang nakikita ko at mas nasisiyahan ako sa magaang na pakiramdam na nararanasan ko…
Hmmm…di naman pala puro pangit ang dulot ng COVID-19….Mas lamang ang mabubuting bagay na ating nararanasan…Nasa sa atin na lang kung paano iyon makikita…
--oOo-
The author is Principal II at Sta. Rita Elementary School