Kulitan: Sulat Kapampangan
Allen P. Valdez
Nang ipanukala ng Kongresista ng Pangasinan na si Rep. Leopoldo Bataoil ang House Bill 1022 na mas kilala bilang ‘Baybayin Bill’, isa ang mga Kapampangan sa mga naglabas ng hinaing. Ang panukalang ito ay naglalayong gawing Pambansang Sistema ng Pagsulat ang Baybayin, ang sinaunang sistema ng pagsulat ng mga Tagalog. Sa panukalang nito, poprotektahan at pagyayamanin ang Baybayin sa pamamagitan ng paglalagay ng Baybaying salin sa lahat ng leybel ng mga produkto, paggamit ng Baybayin sa mga karatula ng gobyerno at kalsada, at sa mga pangalan ng mga pahayagan at magasin.
Malaki ang pagpapahalaga ng mga Kapampangan sa kanilang pagka-Pilipino at ang Baybayin ay kanilang kinikilala at ipinagmamalaki. Ngunit hindi lang ang Baybayin ang nag-iisang sinaunang sistema ng pagsulat na hanggang ngayon ay ginagamit pa rin, ang Kulitan na siyang alpabeto ng sinaunang mga Kapampangan ay nakatindig pa rin sa gitna ng mga hamon ng nagdaang panahon. Ito ay kilala rin bilang ‘Sulat Kapampangan’ at ‘Pamagkulit’.
Hindi tiyak kung saan nagmula ang Kulitan ngunit maraming naniniwala na ito ay nanggaling sa mga alpabeto ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Ang pinakamatandang natagpuang tipak ng Kulitan ay makikita sa mga tapayang nilikha noong ika-16 na siglo. Marami ring mga bantog na Kapampangan noong ika-17 siglo ang gumamit ng Kulitan sa kanilang mga lagda. Makikita rin ang mga alpabetong Kulitan sa mga tala at abesedaryo ng maraming Europeong manlalakbay na bumisita sa Pampanga noong ika-19 na siglo.
Ang paggamit nito ay pumurol noong ika-18 siglo ngunit ibinalik ng mga Kapampangang manunulat sa pangunguna ni Aurelio Tolentino sa pagsulat ng propaganda laban sa mga Kastila noong 1896. Ginamit din ito sa pagsulat ng propaganda kontra Amerikano noong digmaang Pilipino-Amerikano. Muling binuhay ang Kulitan ng mga manunulat sa pamumuno ni Don Zoilo Hilario noong 1930s at 1940s. Muli itong nawala sa eksena noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sinubukang pasikating muli nina Edwin Navarro Camaya at Michael Raymon Pangilinan noong 1980s at 1990s. At noong 2008, nilikha ng isang grupo ng mga manunulat sa pangunguna nina Eliver Sicat, John Balatbat, Max Rosales, at Bruno Tiotuico ang ‘Aguman Sulat Kapampangan’ upang protektahan at paunlarin ang paggamit ng Kulitan. Ngayong 2018, ang paggamit nito kasabay ng muling pagsikat ng Baybayin ay ipinangangalandakan ng maraming Kapampangan. Maraming seminar at simposyum ang isinasagawa upang makilala ito.
Ang Kulitan ang nag-iisang sinaunang sistema ng pagsulat sa Pilipinas na isinisulat at binabasa nang pababa at mula sa kanan papunta sa kaliwa. Ito ay may tinatawag na ‘Indung Sulat’ o Inang Titik na katinig at may kasunod na patinig at ‘Anak Sulat’ o Anak na Titik na ipinapanganak ng mga Inang Titik; ibig sabihin, ang paglitaw ng mga Anak Sulat ay nakadepende palagi sa Inang Titik. Ang mga patinig na tinatawag na ‘Siuala’ ay palaging inilalagay sa itaas o ilalim ng isang Inang Titik. Ang mga pangunahing titik sa Kulitan ay A, I, U, E, O, Ga, Ka, Nga, Ta, Da, Na, La, Sa, Ma, Pa, at Ba.
Malaki ang pagpapahalaga ng mga Kapampangan sa anumang pagmamay-ari nila lalo na kung ito ay sumasalamin kung sino sila. Ang Kulitan ay sumisimbolo sa pangkalahatang lalawigan ng Pampanga at sa kabuuan ng kasaysayan nito. Maraming palayaw ang ikinabit sa Pampanga at sa mga lugar nito: ‘Culinary Capital of the Philippines’, ‘Christmas Capital of the Philippines’, ‘Lantern Capital of the Philippines’, at marami pang iba. Hindi lamang pagkain at tanawin ang maipagmamalaki nito, sa larangan ng kasaysayan at kultura ay hinding-hindi rin ito magpapahuli.
--oOo-
The author is Teacher II at Doña Asuncion Lee Integrated School