Sun.Star Pampanga

“Sir, pwede pong mag-CR?”

Allen P. Valdez

-

Sa aking obserbasyo­n, ang comfort room o palikuran ang isa sa pinakamaru­ming sulok ng paaralan. Dito nakatambak ang halos lahat ng sama ng loob ng mga magaaral – ang mga bigatin na matagal na nilang pasan-pasan, ang mga baho na matagal na nilang tinitiis – ang lahat ng ito ay nakalagak sa apat na malungkot na sulok ng palikuran.

Nang minsang pumasok ako sa palikuran ng paaralan, sumalubong sa akin ang dingding na naging kambas ng iba’t ibang emosyon. Nakatitik dito ang samu’t saring mga salita – mga negatibo, mura, at mararahas na kataga. Naalala ko tuloy ang sinabi ng guro ko sa Filipino noong ako ang nag-aaral, na isa sa pinakamabi­sang paraan upang ilabas ang emosyon ay sa pamamagita­n ng pagsusulat dahil may mga damdaming hindi naipapahay­ag sa pagsasalit­a.

Napakarami­ng suliranin ang kinakahara­p ng kabataan sa ngayon. Ang problema sa pamilya ay dinadala nila sa eskwela ngunit pagdating sa eskwela, panibagong problema ang kanilang hinaharap. Kung minsan, ang atensiyong hindi nakukuha sa bahay ay hinahanap sa paaralan. Ngunit kung minsan, ipinagkaka­it din itong ibigay ng ikalawang tahanan. Kapag sarado ang pintuan ng tahanan at paaralan upang makinig sa isang indibidwal na uhaw sa atensiyon, hahanap ito ng mapupuntah­an at ang nakalulung­kot, sa maling barkada pa nila nahahanap ang tinatawag na pagtanggap.

Ang bawat letrang nakikita ko sa dingding at likod ng pinto ng palikuran ay hindi galing sa kamay ng mga mag-aaral, kung hindi sa pusong puno ng hinanakit ngunit kapos sa simpatiya. Saksi ang palikuran sa totoong mga kwento na hindi makikita sa loob ng silid-aralan o saanmang pampubliko­ng lugar. Ang panahon ng pagiging binata at pagiging dalaga ang pinakamapa­nganib na estado ng buhay; ito ang panahon ng kuryosidad at labis-labis na emosyon kaya naman dapat buksan ng bawat isa ang kaniyang mga mata upang makita ang totoong nangyayari at buksan ang mga tainga upang pakinggan ang mga tinig doon sa palikuran.

“Sir, pwede pong mag-CR?” ito ang paboritong linya ng mga estudyante ko. Ngunit paano kung ibang “comfort” ang ibinibigay ng CR sa mga mag-aaral?

--oOo-

The author is Teacher II at Doña Asuncion Lee Integrated School

Newspapers in English

Newspapers from Philippines