KAILAN NAGIGING TAMA ANG MALI?
Bryan S. Amistad
Ang buhay ng isang tao ay katulad ng isang lapis. Ito ay may sariling halaga at gamit. Habang tumatagal ito ay napupudpod hanggang sa maubos. Ngunit bago pa ito lubusang maubos, nakalilikha muna ito ng iba’t ibang guhit na nagtatakda ng landas ng buhay, nag-iiwan muna ito ng di mabilang na marka. Marka na tatatak o magmimistulang mantsa niya.
Tulad ng tao ang lapis. Napakaraming lakbayin sa buhay, samu’t saring pakikibaka, paghihirap, at di mabilang na hamon sa buhay. Sa bawat pagtahak nito ay may mga gawain, direksyon at disisyon na kaniyang ginagawa. Maaaring tama o mali ang mga ito. Sa pagtahak niya sa kaniyang buhay, tila isang blangkong papel ang kaniyang nais sulatan. Nakakatakot sa simula pagkat may agam-agam na baka magkamali ito o di kaya naman ay mamantsahan niya ito.
Ang tao bilang lapis ay patuloy na sumusubok sa pagguhit ng kaniyang buhay. Tao ang nagtatakda ng kaniyang sariling kapalaran. Ang bawat ‘larawan’, ‘salita’ o anomang ‘simbolo’ na kaniyang nililimbag ay nagtatakda ng kaniyang pagkatao. Hindi perpekto ang pagguhit ng lapis. Hindi perpekto ang tao. May mga pagkakataon na siya ay may kakulangan. May mga pagkakamaling nagagwa sa buhay.
Ang tao ay lapis. Ang lapis ay may sariling pambura, ganoon din ang tao. Kaya niyang burahin at itama ang anomang pagkakamali niyang nagagawa sa kaniyang buhay. SKaya niyang bumangon at gisingin ang sarili mula sa bangungot ng pagkakamali. Sa pagkakataong ito, dito mapatutunayang ang bawat kamalian ay may nakahandang pambura mula sa lapis. Ang mali ay nagiging tama kung ang bawat pagkakamali ay itinatama.
The author is Teacher
--oOo-
III at Dona Asuncion Lee Integrated School