“Baybayin, Alpabetong Pilipino, Alpabetong Filipino”
Alam nating lahat na walang permanente sa sanlibutang ito maliban sa Pagbabago. Isa na rito ang ating sariling alpabeto. Mga alpabeto na hinubog bago pa dumating sa ating bansa ang mga mananakop na Kastila. Baybayin ang tinawag nila sa mga unang alpabeto. Dugo at pawis ang pinuhunan ng ating mga ninuno upang ito ay kanilang mabuo at upang kanilang magamit sa pakikipagtalastasan. Dahil sa mga baybaying ito, may mga naipresentang nasulat na sa iba’t ibang akdang panitikan. Hindi lamang sa pamamagitan ng pasalin dila kundi sa pamamagitan ng pasulat gamit ang mga baybayin. Nakatatak din ang mga baybaying ito sa balat ng ating mga ninuno (tattoo), na siyang nagsilbing pagkakakilanlan nila. Kung gaano kadami ang kanilang mga tattoo sa kanilang katawan ay ganoon din kataas ang kalagayan nila sa buhay.
Dumaan ang panahon at kasabay nito ay ang pag-unlad ng ating mga baybayin. Pinaunlad ito at tinawag na Alpabetong Pilipino. Dalawampung letra ang bumubuo dito. Mula sa mga ito ay lalo pang umunlad ang ating wika dahil mas lalo pa nating naunawaan ang mga nasulat na panitikan gamit ang mga makabagong ito. Hindi man tanggap ang mga hiram na mga letra tulad ng RR, CH, at ba pa, pero tinanggap naman ang mga hiram na letrang C,F,J,Ñ,Q,V,X at Z. Mula sa mga hiram na letrang ito ay naging dalawampu’t walo ang ating Alpabeto Pilipino at tinawag na Makabagong Alpabetong Filipino.
Tunay ngang dapat tayong sumabay sa pagbabago. Ayon nga kay Almario, kung hindi tayo sasabay ay mapag-iiwanan tayong lahat. Ito ang palatandaan na kahit papaano ay nakasasabay tayo sa modernisasyon ng ibang bansa dahil sa tanggap natin ang pagbabago ng ating wika. Natural lamang ang maging purista sa paggamit ng ating wika, ngunit sa pagkakataong ito ay dapat na muna itong isantabi upang makasabay sa pagbabago. Patunay na ang lahat ng mga nabanggit na ito ay nagpapakita na ang wika ay di-konsistent, mapagbago at patuloy na nagbabago.
*****
The author is a Teacher III at Angeles City National High School