Katapatan Sa Gitna Ng Pandemya
Ralph S. Gegante
“Honesty is the best policy.”
-Isang palasak na kataga na kailanman ay hindi maluluma at laging nakasunod sa inog ng buhay.
Sa daming paghihirap at pagsubok na patuloy na umiiral sa kasalukuyan bunsod ng pandemyang hatid ng Covid-19, hindi natin maitatanggi na ating nasaksihan ang naipamalas na mga mabuti at hindi kaaya-ayang katangian ng mga tao. Nasubok rin marahil sa ganitong mga pagkakataon ang ating KATAPATAN.
Isa na marahil sa maaaring naging salik kung bakit patuloy ang nakamamatay na sakit dahil sa mga taong hindi naging tapat sa totoong kalagayan ng kanilang kalusugan. At dahil rito, hindi lamang ang may karamdaman ang nasa peligro kundi maging ang kanyang pamilya at komunidad ay lubos na maaapektuhan nito. Takot at diskriminasyon ang natutulak at nakikita ring dahilan nang hindi pagsasabi ng katotohanan.
Naging malaking usapin din ang ayudang ipinamahagi sa pamamagitan ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan. Hindi maitatangi na nagkaroon ng mga agam-agam hinggil sa pamamahagi nito. May mga nagsasabi na pinamarisan lang nila ang iba na kahit alam nila sa kanilang mga sarili ay hindi karapat-dapat tumanggap nito. Ngunit ang aking katanungan, pamamarisan pa ba natin ang maling gawain ng kapwa natin? Mayroon rin namang sa palakasan kumapit. Patuloy ang panlilinlang para lamang sa mga pansariling interes. Panahon ng pandemya ngunit sinamantala…
Sa pagiging tapat, kinakailangan ang mataas na antas ng pagtitimpi sa udyok na maging mapagsamantala sa anumang pagkakataon. Dito rin papasok ang usapin ng hindi matitinag na prinsipyo at dignidad. Tunay na higit kailanman na masarap pa rin ang mamuhay ng tapat at marangal.
Ang katapatan rin sa Diyos at bayan ang nararapat rin sana nating ipamalas sa gitna ng pandemya. Marunong ang Diyos sapagkat kinalulugdan niya ang mga taong tapat at alam niya ang lahat sa atin kahit pilit man natin itong itanggi’t itago. Kapit lang sa pananampalataya sapagkat siya ay may awa. Sa mga lingkod-bayan na tumupad sa kanilang mga sinumpaang tungkulin na sadyang kahanga-hanga, nawa’y ipagpatuloy pa ninyo ang pagiging tapat.
Ating pakatandaan, walang unang sisi iyo ay palagig nasa huli. Wala ring dapat ipangamba sa pagiging tapat. At ito ay magsisimula sa ating mga sarili.
--oOo-
The author is Teacher II at Angeles City National Trade School School