Sitwasyon ng Pagtuturo ng Asignaturang Filipino sa Antas Sekondarya
Ralph S. Gegante
Sa antas ng pagtuturo ng Filipino ngayon sa Pilipinas ay maraming mga edukador ang nagbibitaw salita patungkol sa pagtuturo nito. Kung sila man daw ay tatanungin malamang nanaisin nila ang dating Kurikulum sa pagtuturo ng asignaturang Filipino. Lalo't sa pagtuturo sa antas sekondarya ay nagkakaroon ng mga usap-usapan pagdating sa nilalaman ng mga ituturo sa mag-aaral. May mga punto na kakulangan, repetisyon ng mga ituturo, overlapping, pati na ang pagiging mababaw ng mga nilalaman at kasanayang nililinang. Ano na nga ba ang sitwasyon ngayon ng mga guro sa pagtuturo ng asignaturang Filipino sa antas sekondarya?
Kung bibigyan ng pansin ang asignaturang Filipino sa antas sekondarya naglalayon ito na maituro mula ika-7 hanggang ika-10 baitang. Layunin ng asignatura na ituro ang Pang-rehiyunal na pampanitikan para sa ika-7 baitang. Mula sa tatlong pinakamalalaking pulo ng ating bansa mula sa Luzon, Visayas at Mindanao. Sunod dito ay ang baitang ika-8 na layunin naman ay ang mga Pambansang pampanitikan. Para sa ika-9 naman ay mga pampanitikan na galing sa Asya o mga Asyanong Pampanitikan. At para sa ika-10 baitang ay mga Pandaigdig na pampanitikan. Mapapansin na sadyang napakalawak ng papel na ginagampanan ng isang guro sa pagtuturo ng nasabing asignatura. Alam ng mga edukador na ang asignaturang ito sa dating kurikulum ay naglalayon na bilang asignatura na nakapokus sa paglinang ng kaalamang panggramatika at ng apat na makrong kasanayang pangwika. Ngunit, sa binagong kurikulum ang Filipino ay itinuturing na hindi lamang obdyek ng pagkatuto o isang asignatura, kundi instrumento rin para matuto ang mga magaaral ng maraming bagay bukod sa Filipino.
Kaya naman, ang guro ay inaasahan na maituro ng holistic approach at natural ang asignaturang Filipino; malinang hindi lamang ang kasanayan sa komunikasyong interpersonal kundi ang kognitib akademik na kasanayang pang-wika pati ang komunikatibong approach; mabigyan ang mag-aaral ng eksposyur sa mga paksang nakapaloob sa mga asignaturang pangnilalaman; malinang ang mataas na kasanayan sa pagbasa at pagsulat; malinang ang kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral at maitaas ang kaalaman at pagpapahalagang pampanitikan. Maliban pa dito ang asignaturang Filipino sa Senior High School na nahahati sa dalawa at ito ang Core Subject at Applied Subject na maaari nilang mapag-aralan sa ika-11 hanggang ika12 baitang. Kaya naman nagkaroon sila ng tatlong asignaturang Filipino sa dalawang taon nila sa Senior High School at ito ay naka-angkla sa mga strand na kanikanilang piniling larangan. Nagkakaroon din sila ng tinatawag na "flexibility" na kung saan maaari nilang kunin ang ilan sa mga kasanayan sa semetre na nais nila.
Kaya naman napakalaki ng gampanin ng isang guro sa pagtuturo ng asignaturang ito. Sapagkat, kailangan na masigurado na sa antas sekondarya ay mithiin ng pagtuturo ng Filipino na maka- debelop ng gradweyt na mahusay na komyunikeytor sa Filipino. Maliban pa dito ay ang pagtaglay ng mag-aaral na hindi lamang ang mga kasanayang pangwika ang batayan at interpersonal, kundi pati ang mga kasanayan na pangwikang kognitib at akademik. Mataas man ang ekspektasyon sa pagtuturo ng asignaturang Filipino sa antas sekondarya para sa mga guro. Ngunit, ang kahalagahan ng asignaturang Filipino ay katulad ng kahalagahan ng ating sarili. Repleksyon ng ating mga Pilipino ang ating wika kaya hindi natin ito dapat balewalain bagkus ay mas pahalagahan natin ito dahil ito ay magiging susi natin sa matibay at malinaw na komunikasyon sa bawat isa. Komunikasyon na daan sa tagumpay ng bawat Pilipino sa kani- kanilang piling larangan.
--oOo-
The author is Teacher II at Angeles City National Trade School School