PARA KANINO KA BUMABANGON?
Rosula Myla E. Francia
Sa panahong ito ng ating pakikibaka sa kalabang hindi nakikita, patuloy pa rin ang ating ritwal na gawain para sa pagbabahagi ng kaalaman sa mga anghel ng ating lipunan na ayon nga sa ating Pambansang Bayani na si Gat Jose Rizal ay ang mga kabataan ang tunay na pag-asa ng ating bayan.
Sa pagkakatitig ko sa isang tasang kape na sadyang hindi ko mahigop dahil sa sobrang init ay bigla akong natulala na sa wari ko ay parang tila napakatagal naman ang usok na nagmumula sa tasa ko. Naglakbay ang aking diwa sa di kalayuan ng pang-araw-araw na senaryo sa panahong ito ng New Normal. Muli kong hinigop ang aking kape at bigla akong napaisip sa isang komersyal na may kaugnayan sa kapeng hawak ko.
“Para kanino ka bumabangon?” Isang matipid at pilit na ngiti ang sumilay sa aking mga labi. Bilang guro sa kabila ng sitwasyon, ano nga ba ang angkop na sagot sa katanungan?
Ang alam ko ‘matic” na sa akin dahil sa nakasanayan na ang pagpasok na halos magtatatlong dekada na ang gawaing ito.Na sa inaraw-araw ay nakikipag-unahan sa mga kamay ng orasan upang maihanda ang sarili sa pagpasok. Nakaka- tense pero exciting sapagkat alam ko na naghihintay na sa pagdating ko ang mga mag-aaral na makukulit, malilikot, mga pasaway, maiingay at tipikal na mga bata. Na kahit hindi ako magkandaugaga sa dami ng dala ko ay uunahin ko pa ang pananaway upang sila ay tumahimik. Sa maghapong iyon, pagal na katawan ang hihimlay sa sopa ng aming tahanan dahil sa maghapong pagtuturo. Pagod man ang katawan, masaya ang kalooban. Yung tila ba galing ka sa digmaan subalit maligaya ang pakiramdam sapagkat alam mong natuto sila sa maghapong iyon.
Napabalikwas ako sa pagkakaupo nang biglang humapdi ang labi ko, dahil sa mainit na kapeng tangan. Para kanino nga ba ako bumabangon? Dahil sa pandemya nabago ang lahat, tumahimik ang klasrum, nangulila sa makukulit, maiingay at malilikot na mga mag-aaral. Tila nakaramdam ako ng lungkot, kay bilis ng panahon, pangalawang taon ng tahimik ang silid-aralan dahil sa pandemya. Patuloy ang edukasyon dahil sabi nga walang dapat maiwan. Nagpupursigi ang mga mag-aaral sa pag-aaral sa gabay ng mga magulang sa kanilang tahanan. Ang mga guro kung gaya ng dati ay abala sa paghahanda ng kanilang lesson plans at learning materials, sa ngayon ay nauubos ang panahon nila sa paghahanda ng mga modules, pagpiprint ng Answer Sheets, Activity Sheets at kung ano ano pa. Walang tigil ang pagmomonitor sa mga mag-aaral kahit pa nga nasa kabilang dako sila at tanging monitor lang ng computer o cellphone ang daan upang kami ay magkita. Mahirap na pamamaraan ng edukasyon, subalit bilang guro nararapat lamang na maging positibo at determinado para sa kanilang pag-aaral at makamit ang tagumpay.
Mga paslit na nakasalalay sa aking mga kamay ang mgandang kinabukasan, hindi sila dapat pagkaitan ng kaalaman dahil sa dako pa roon ng tulay ng karunungang kanilang tinatahak ay nakaabang ang isang magandang bukas na magiging dahilan ng pagbabago tungo sa tagumpay.
Muli akong nagulat dahil sa kapeng hawak ko na ng tangkain kong higupin ako ay napangiting muli dahil ito ay lumamig na. Mabilis akong kumilos at humarap sa laptop upang makapiling sa “virtual flag ceremony” ang dahilan ng aking pagbangon, ang aking mga mag-aaral.
The author
--oOo-
is Dalubguro 1 at Crisanto Guysayko Memorial Elementary School, Division of Laguna