Mindanao, bantay-sarado kontra terorismo

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - First Page -

NASA MAHIGPIT na pagbabantay ngayon ng militar at pulisya ang buong Mindanao matapos ng madugong pambobomba kamakailan lamang sa Cotabato City na ikinamatay ng 2 katao at pagkasugat ng 47 iba pa. Habang papalapit ang referendum para sa Bangsamoro Organic Law na siyang isinisulong ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay lalong tumataas ang tensyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) dahil sa mga lugar na ayaw mapasama sa proposed Bangsamoro autonomous region. Kabilang ang Cotabato City, Isabela City at Sulu sa mga pumapalag kontra sa Bangsamoro autonomous region na sinasabing pamumunuan ng MILF na halos mga

tribong Maguindanaoan. Bantay-sarado ang buong Cotabato, Isabela at Sulu ngayon, maging ang Zamboanga City ay nasa mahigpit na siguridad matapos itong i-utos ni Mayor Beng Climaco dahil sa pambobomba nitong New Year’s Eve sa labas ng South Seas Mall sa Cotabato.

Agad naman isinisi ng militar sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Dawlah Islamiya na pawang mga PRO-ISIS groups ang nasabing atake.

Hindi naman mabatid kung bakit pumalya ang militar at pulisya na mapigilan ang atake gayun nasa extended martial law ang buong Mindanao dahil sa banta ng terorismo.

Ngunit sinisipat rin kung may kinalaman dito ang mga hard core members ng MILF dahil sa pagmamatigas ni Cotabato Mayor Frances Cynthia Sayadi na mapasama ang lungsod sa Bangsamoro autonomous region kung magwawagi ito sa referendum nitong buwan at sa Pebrero.

Kalat na rin diumano sa Cotabato ang mga negosyo diumano ni MILF chieftain Murad Ebrahim at iba pang mga lider ng rebeldeng grupo na lumagda ng interim peace accord sa pamahalaan noong 2014 kung kaya’t ganoon na lamang ang nais ng mga ito na mapasama sa panukalang rehiyon ang lungsod.

Sinabi naman ni Murad na ang atake ay posibleng nakatuon sa paninira sa BOL.

Ang pambobomba ay kinondena ni ARMM Gov. Mujiv Hataman at tinawag nitong “terrorist act” ang atake. “We are irrevocably grieved about the casualties incurred, thoroughly condemn this act, and call for a thorough investigation. We need to make sure acts like these never happen again, and that the perpetrator is brought to justice.”

“We urge investigators and all civilians to not be caught up in the chaos surrounding this terrorist act. We cannot afford to be divisive at this moment. Only by melding together can we bring about peace and justice,” ani Hataman.

Maging si Sayadi ay tinawag itong “terrorism and evil”. “We will stand up against terrorism. We will fight against evil,” wika ni Sayadi.

“This is not just another terroristic act, but an act against humanity. I cannot fathom how such evil exists in this time of merry making of our fellow Cotabatenios. It is unimaginable how some people can start the New Year with an act of cruelty but no matter how you threaten us, the people of Cotabato City are resilient and we are stronger than how you think we are,” dagdag pa nito.

Wala pa rin umako sa atake. Noong Agosto 2013 ay isang car bomb rin ang pinasabog sa kahabaan ng Sinsuat Avenue sa Cotabato City na ikinamatay ng 8 katao at pagkasugat ng mahigit s 40 iba pa. (Mindanao Examiner.)

Makikita sa larawang ito na ipinasa ng militar sa Mindanao Examiner Regional Newspaper ang harapan ng South Seas Mall sa Cotabato City matapos ng pambobomba na ikinamatay ng 2 katao at pagkasugat ng 47 iba pa.

Isa sa mga sugatang sibilyan sa madugong pagsabog sa Cotabato City.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.