The Philippine Star

Sinehan sa isang museo: Karatula o Obra?

- By MARIA LOURDES GARCELLANO

(Maria Lourdes “Diday” Garcellano received a special citation for her entry in this year’s Purita Kalaw-Ledesma Prizes in Art Criticism for her inspired use of Pilipino in writing her essay. Diday is a profession­al musician, voice-over artist, businesswo­man, and an art enthusiast. She believes that art is not a dogma wherein it is absolute, fixed or has a set of limiting rules to follow; art liberates people from the restrictio­ns of the world and more often, the limitation­s we put in our minds. Art expresses and brings people and cultures together.)

Eksibit o sinehan nga ba ang pinasok ko? Libre na ang pagpasok sa UP Vargas Museum ngayon Miyerkules ngunit walang tao ang nagmamasid. Matatagpua­n ang samu’t saring karatulang pampelikul­a mula noong 1980s hanggang panimula ng 1990s ang nakatangha­l sa buong unang palapag ng museo. Makulay at dinig na dinig ang pinapalaba­s na pelikula sa buong palapag ngunit walang nanonood. Hindi naman ito nakakagula­t at sadiyang hindi naman galerya ang unang pupuntahan ng tao para gumala lalo na sa panahon ngayong malupit na ang kumpitensy­a ng mga museo. Posible na nagpunta lamang ako sa patay na araw o posible kayang nananaig pa rin sa madla na ang mga institusyo­n ng museo, galerya o sining ay pormal at intelektwa­l? Ang sining ba ay itinakdang maging limitado at tangkiliki­n lamang ng ilang uri ng mga tao?

Ang ganitong sitwasyon ay hindi kinagisnan ng batikang layout artist na si Vic Delotavo kung saan ang bawat likha niyang karatulang pampelikul­a ay inaabangan at pinipilaha­n dahil sa tanyag niyang abilidad na mang-ganyak ng manonood na pilahan ang mga pelikula tulad ng Oro Plata Mata at

Shake Rattle and Roll noong 1980s. Ang dating karatulang tagatis, nagpapasik­at sa mga artista’t pinipilaha­n ng madla sa sinehan ay ngayong matatagpua­n na naka eksibit sa UP Vargas Museum, isang tanyag na museo kung saan nakatangha­l ang mga likha ni Amorsolo at iba pang National Artist. Lingid sa kaalaman ng marami, bukas na ang pinto ng mga museo tulad ng UP Vargas Museum na kilala sa pagtatangh­al ng mga pormal at intelektwa­l na mga likha ng mga National Artists. Sa katunayan ay kinikilala na bilang anyo ng sining ang mga karatulang pampelikul­a ni Vic Delotavo na karapatdap­at maitanghal sa mga tanyag na institusyo­n.

Marahil, ano ang pinagkaiba ng National Artist na pintor sa isang layout artist? Maaring nagkakaiba sa gamit, sa edukasyon, at oras na ginugol sa isang obra ngunit pareho lamang ang kanilang layunin — ang pumukaw ng damdamin at sumalamin ng kasalukuya­ng lipunan gamit ang kanilang obra. Tulad ng mga tanyag na pintor tulad nila Amorsolo, ang mga likha ni Vic Delotavo ay may paglalaan ng oras, maingat na pagproseso sa bawat elemento ng paglikha ng obra at bukod sa lahat, nangungusa­p, nampupukaw, nang-iintriga, naghihikay­at ng madla na panuorin ang isang pelikula. Bago pa man panuorin ang pelikula, ang karatula ni Vic Delotavo ang mang-gaganyak sa mga manunuod sa pamamagita­n ng maingat na pagtitipon ng mga konsepto at materyales upang maisagawa ang isang buong karatulang obra.

Ipinakita ang mga ito sa eksibit; ang mga utay-utay at pira-pirasong bahagi ng materyales at elemento, ang mga tala nang sukat ng titik, imahe, at ang kanyang maingat na mga tagubilin sa pagbuo ng karatulang obra. Maihahambi­ng ito sa art movement na tinatawag na collage na nag simula noong panimulang bahagi ng modernism. Ito ay isang anyo ng pag gawa nang isang obra gamit ang iba’t ibang pira-pirasong bagay at ididikit ito upang makagawa ng isang buo at panibagong obra. Ito ay pinahusay nang Dada movement noong 1920s upang hamunin ang tradisyuna­l at pormal na pag-unawa ng institusyo­n ng sining.

Tulad ng isang pormal na eksibit, naka paskil sa pader ang makukulay na obra at naka-ayon ito sa bawat tema. Nakaayon ang mga karatula sa tema ng mga pelikulang horror, fantasy, melodrama, comedy, teen flick, at bold films. Bawat tema ay may kanya-kanyang istilo. Ang mga karatulang pang-horror ay ginamitan nang madidilim na kulay na itim at pula at ipinapakit­a ang takot at nasindak na mga mukha ng mga gumanap na artista. Ang mga pelikulang may temang fantasy, teen flick at comedy ay ginamitan naman nang matitingka­d at masasayang kulay tulad nang dilaw at kahel. Naipakita rito ang malawak na saklaw ng husay at kakayahan ni Vic Delotavo sa iba’t ibang tema at istilo. Talamak sa kanyang mga karatula ang collage ng iba’t ibang elemento ng pelikula — ang mukha ng mga artista, ang imahe ng paksa ng pelikula, mga titik ng mga taong bumuo nito at ang bantog na catch lines ni Vic Delotavo na tiyak aagaw ng atensyon ng manunuod. Madalas ang mga catch lines ni Vic Delotavo ay nakaayon sa tema ng pelikula at nagdadagda­g intriga tulad na lamang ng catch line sa pelikulang, Machete — “Istatwang kahoy pa lang siya, ginawa na niyang ganap ang pagkababae ko.” Tulad ng batikang pintor, naiintindi­han ni Vic Delotavo ang pupukaw at mag-uugnay sa manunuod at pelikula gamit ang kanyang collage at makabuluha­ng catch lines.

Bukod sa maayos na pag-aayon ng tema sa eksibit ng mga karatula ni Vic Delotavo, nagsisibli­ng balik-tanaw ang bawat karatula sa kasaysayan ng pelikula sa Pilipinas noong 1980s hanggang 1990s. Isang paglalakad at pasyal ito sa iba’t ibang director, artista at manunulat ng bawat panahong namamayagp­ag ito. Naipakita rito ang pagbabago ng tinatangki­lik na tema, paksa at artista kasabay ng pagsasalam­in ng lipunan ng bawat panahon.

Ang pagtatangh­al at pagiging bahagi ni Vic Delotavo sa UP Vargas Museum ay tulad nang dada movement na hinahamon ang tradisyuna­l na pag-unawa ng madla sa sining. Matatawag na wala ito sa lugar o hindi ito bagay na itanghal sa isang tanyag na museo ngunit kung sisikapin nating magsaliksi­k nang iba’t ibang anyo nang sining at palayain ang mga sarili sa kinagisnan­g limitadong pag-unawa’t pag-iisip, mabubuksan ang iba’t ibang konsepto at pag-unawa na maaring magpalawak ng ating kaalaman. Kapag lumawak ang ating kaalaman, lalawak ang ating pag-unawa hindi lamang sa sining at sa mga konsepto; kundi sa pakikipag kapwa tao. Sapagkat ang sining ay hindi limitado sa tradisyuna­l, pormal at intelektwa­l na ating kinagisnan. Ang sining ay mapagpalay­a, nagbibigay kasaysayan sa pagsasalmi­n ng lipunan at nagsisilbi­ng aral sa ating lahat.

 ??  ?? Posters from “Vic Delotavo: Posters for Philippine Cinema” at the Vargas Museum
Posters from “Vic Delotavo: Posters for Philippine Cinema” at the Vargas Museum
 ??  ??

Newspapers in English

Newspapers from Philippines