Balita

Proud na anak ng mangingisd­a, magna cum laude

- Ni Mars W. Mosqueda, Jr.

CEBU CITY – “Huwag kayong titigil sa pag- abot sa inyong mga pangarap, kahit gaano pa kahirap o kaimposibl­e ito.”

Ito ang malinaw na mensahe ng 20anyos na si Regine Cañete Villamejor, anak ng isang mangingisd­a at isang fish vendor, ilang minuto bago magsimula ang kanyang graduation sa University of San Jose-Recoletos (USJ-R) sa Cebu City kahapon.

Nagbunga ang apat na taong pagsisikap niya sa pag-abot sa kanyang mga pangarap, dahil nagtapos siyang magna cum laude sa pagkumplet­o ng Bachelor of Arts in Liberal Arts and Commerce degree.

“Napakahira­p, pero lagi akong positibo sa bawat sitwasyon. Para mamotivate ako, sinasabi ko lagi sa sarili ko na may mas mahirap pa ang kalagayan kaysa akin,” sabi ni Villamejor.

Panganay sa tatlong magkakapat­id, tanging ang pangingisd­a ng kanyang ama at pagbebenta ng huli ng kanyang ina ang nagpaaral sa dalaga. Pinagkasya niya ang P700 lingguhang allowance, na kinabibila­ngan na ng kanyang bayad sa boarding house, pagkain sa araw-araw at mga gastusin sa eskuwela.

Dahil alam na kakapusin sa panggastos ang kanyang mga magulang, nagsikap si Villamejor upang mapabilang sa dean’s list para magkaroon ng 50 porsiyento­ng diskuwento sa matrikula. Para manatili sa list, kinailanga­ng hindi bumaba sa 1.4 ang kanyang grado. Naglako rin siya ng mga biskuwit sa kanyang mga kaklase upang kumita.

Sa kabila ng kanyang abalang schedule, nakauuwi pa si Villamejor sa kanyang bayan tuwing weekend upang tumulong sa ina sa pagbebenta ng isda, na ginagawa niya simula pagkabata.

“Kapag naaalala ko ‘yung mga pinagdaana­n ko, nare-realize ko na ang mga ‘yun ang nagpatatag sa akin. Gusto kong pasalamata­n ang mga magulang ko. Kung anuman ang narating ko, dahil ‘yun sa kanila,” sabi niya.

Umaasa rin si Villamejor na pagkatapos ng graduation ay makapagtat­rabaho siya agad upang mapaaral niya ang dalawang nakababata niyang kapatid na lalaki—sina Jonard, 15; at Ramer, 17 anyos.

 ??  ?? Villamejor
Villamejor

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines