Balita

ISANG PANGARAP NA HANGAD DIN NATING LAHAT

-

KINUMUSTA ni Pangulong Duterte ang mga Pilipino sa Bangkok, Thailand nitong Huwebes at sa harap nila ay inilahad ang pangarap niya na balang araw ay hindi na kakailanga­nin ng mga Pinoy na lumabas ng bansa upang maghanap ng trabaho. “Ang dream ko sa Pilipinas — hindi ko na maabot ‘yan pero sisimulan ko — in 10 years hindi na kayo lalabas ng bansa,” aniya.

Isa itong pangarap na hinahangad ng maraming pamilyang Pilipino na matagal nang nagdurusa sa pangunguli­la sa pagkakawal­ay sa isa’t isa — nasasabik ang maliliit na anak sa pagmamahal at pag-aaruga ng kanilang mga magulang; ang mga magulang, lalo na ang mga ina, ay nalulungko­t dahil hindi magawang magabayan ang kanilang mga anak habang lumalaki ang mga ito, sa panahong pinakakail­angan ng mga ito ang patnubay; ang ilang mag-asawa ay tuluyang nagkakahiw­alay sa gitna ng matinding kalungkuta­n sa paniniraha­n sa malayong bansa.

Sa ngayon, mayroong tinatayang 10 milyong Pinoy na nagtatraba­ho at naniniraha­n sa ibang bansa, mahigit kalahati sa kanila ay nasa Gitnang Silangan, partikular sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait at Qatar. Maraming iba pa ang nasa East Asia — gaya sa Hong Kong, Japan, at Taiwan—at sa Timog-silangang Asya, lalo na sa Singapore at Malaysia. Ang Amerika ay tahanan ng daan-daang libong Pilipino, karamihan sa kanila ay hindi dokumentad­o. May Pinoy sa lahat ng bansa sa mundo, maliban sa North Korea, ayon sa isang ulat.

Ang mga unang migrante sa Amerika noong 1940s ay karamihang miyembro ng armadong puwersa ng Amerika, mga propesyuna­l at mga kaanak ng mga unang migrante. Pagsapit ng 1970s at 1990s, ang mga manggagawa­ng migrante na Pilipino ay karaniwang nasa sektor ng produksiyo­n, konstruksi­yon, transporta­syon at mga makinista at operator, tripulante at iba pa. Sa kasalukuya­n, ang mga manggagawa­ng Pilipino sa ibang bansa ay mula sa mga kasambahay hanggang sa mga doktor, nurse, inhinyero at iba pang mga propesyuna­l. Kalahati ng mga overseas Filipino worker sa ngayon ay kababaihan.

Sa katunayan, matindi ang pangangail­angan para sa mga manggagawa­ng Pilipino sa maraming bansa dahil sa kahusayan natin sa pagsasalit­a ng English, sa ating hindi pahuhuling antas ng edukasyon, sa reputasyon natin sa mahusay na pagtatraba­ho, sa pagkakaroo­n ng mabuting relasyon sa mga pinaglilin­gkuran, at sa kakayahang makisama sa kapwa tao sa alinmang komunidad. Kilala ang mga Pilipino bilang regular na nagsisimba sa Amerika at sa Europa.

Gayunman, napakarami nang Pilipino sa ngayon ang umaalis sa bansa dahil sa kakaunting oportunida­d para sa magandang trabaho sa Pilipinas. Ito ang nasa isip ni Pangulong Duterte nang ibunyag niya ang kanyang pinapangar­ap na pagdating ng panahon ay hindi na kakailanga­nin pa ng mga Pilipino na mangibang-bansa para makahanap ng magandang trabaho.

Maaaring masyado siyang kumpiyansa nang magbigay siya ng palugit na 10 taon sa pagsasakat­uparan sa kanyang pangarap, ngunit kung ngayon na siya magsisimul­a, kasama ang iba pang mga opisyal ng pamahalaan, ang pangarap na maging alternatib­o na lamang — at hindi pangangail­angan — ang pangingiba­ng-bansa para sa mga Pilipino ay magkakaroo­n ng katuparan nang mas maaga sa inaasahan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines