MABUTING BALITA
Gawa 17:15, 22—18:1 ● Slm 148 ● Jn 16:12-15
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi n’yo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan.
“Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili, kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing: ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’ ”
PAGSASADIWA:
Pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan.— Kapag tayo ay humaharap sa paggawa ng isang malaking desisyon, malimit tayong nakakaramdam ng pagkalito. Sa ating pagkalito humahanap tayo ng malalapitan upang mahingan ng payo.
Sa ebanghelyo, iniaalok sa atin ni Jesus ang isang mabisang gabay sa mga oras ng pagkalito at pagsubok— ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang ating gabay na handang tumulong sa atin upang mapili nating lagi ang mabuti at tama na magdadala sa atin sa pag-unlad sa kabutihan at kabanalan. Siya ang gabay na papawi sa dilim ng pag-aalinlangan at pagkalito na nasa ating mga puso at isipan na maaaring kagagawan ng kaaway ng Diyos.
“SIMBAHAY 2017” ST. PAULS Philippines, 7708 St. Paul Rd., San Antonio Village, 1230 Makati City, Tel. No. 8959701; FAX: 895-7328; Email: books@stpauls.ph; Website: http://www.stpauls.ph.