‘Aliens,’ pinatalsik ang ‘Guardians’ sa box office
SA labanan ng space films, tinalo ng Alien: Covenant ni Ridley Scott ang Guardians of the Galaxy Vol. 2 sa tuktok ng North American box office sa unang weekend nito, ayon sa data nitong Lunes.
Ang Alien, ang ikaanim na pelikula ng lucrative franchise, ay tumabo ng $ 36.2 milyon, naungusan ang $34.7 milyong kita ng Guardians ng Disney sa ikatlong linggo nito, ayon sa movie industry monitor na Exhibitor Relations.
Pinagbibidahan nina Michael Fassbender, Katherine Waterston at Billy Crudup, ang Alien: Covenant ay istorya ng isang spaceship na lumapag sa inakalang napakagandang planeta – hanggang sa umatake ang nakakatakot na aliens.
Ang Guardians , isang lighthearted Disney flick tungkol sa samahan ng misfit space adventurers na ginagampanan nina Chris Pratt, Zoe Saldana, Bradley Cooper at Vin Diesel, ay patuloy na nagpakita ng lakas, lumagpas ng $300 milyon sa domestic ticket sales.
Nasa third place ang bagong labas na Everything, Everything ng Warner Bros., na romantic drama tungkol sa isang dalaga ( Amandla Stenberg) na pinayuhang manatili sa loob ng bahay, sa isang sterile environment, dahil sa kanyang sakit. Humakot ito ng $11.7 milyon, na karamihan ay mula sa mga bata at female audience, ayon sa BoxOfficeMojo.com.
Pang- apat ang Snatched ng Fox, starring Goldie Hawn at Amy Schumer bilang mag-ina na sumabak sa wild jungle adventure. Nag-uwi ito ng $7.8 milyon nitong buong weekend. Panglima ang King Arthur:
Legend of the Sword, isang revisionist saga na idinirehe ni Guy Ritchie, na binansagang isa sa mga flop ng taon. Kumita lang ito ng $7.2 milyon, bumaba ng mahigit 50 porsiyento sa naging disastrous opening weekend revenue nito na $15.4 million.
Ang top 10 ay kinumpleto ng Diary of a Wimpy Kid: The Long Haul ($7.1M), The Fate of the Furious ($ 3.2M), The Boss Baby ($ 2.8M), Beauty and the Beast ($2.5M) at How to Be a Latin Lover ($2.1M)