Balita

Mag-Asawa'y 'Di Biro

- Ni Leonardo T. Buluran

Ikawalong labas

ILANG gabi ang lumipas na sabaw ang pinagtitii­san ni Efren, kahit paano ay masaya na rin siya. Siguro naman ay isa o dalawang araw na lang, maliligo na rin si Deth at ang talangkang Nueva Ecija sa utak nito ay lalayas na rin. Ngunit ang ipinagtata­ka ni Efren, nitong paalis na siya para pumasok sa opisina, mukhang naroon pa rin ang baltik ni Deth.

“Mukhang totoo na ito, ah?” nababagaba­g na si Efren. “May problema nga tayo sa tingin ko. Ano ba ‘yon, Deth?”

“Ikaw nga ang magmungha dito maghapon!” Magkulong ang ibig sabihin ng kanyang misis.

“Akala ko ba, sabi mo…kaysa maglimayon, mas gusto mo sa bahay?” nagtatakan­g tanong ni Efren. “Noon ‘yon!” Sa isip-isip ni Efren: Ah, noong hindi ka pa nasusulsul­an ng bruhang ina mo. Kuuu! Kung bakit kasi umuwi-uwi ka pa roon!

“Ikaw nga ang tumunganga rito maghapon. Tingnan ko lang kung ‘di ka mabilasa at pasukin ng tungaw ang bunganga mo sa kahihikab. Haaay!” yamot na yamot na dagdag ni Deth.

Ang tungaw ay pagkalilii­t na hayop na naniniraha­n sa malalagong damo at halaman na paboritong pasukin ang mga singit-singit na bahagi ng katawan ng tao tulad ng kilikili, pusod at kuwan sa babae at

kuwan din sa lalaki. Sa kabila ng kaliitan ng pesteng tungaw, napamamaga ng mga ito ang lugar na pinasukan at kinagat at kung hindi maalis o mapapatay ay tuluyan nang magsusugat.

“Oh, eh… ano ang gusto mong mangyari?” maingat na tanong ni Efren kay Deth.

Hindi direktang sinagot ni Deth ang tanong niya. Ngunit sa loob-loob niya: Puwede rin naman akong mag-office na tulad niya… humpt!

“Tapos na tayo diyan, ‘di ba?!” Hindi man kinusa, bahagyang tumaas ang boses ni Efren.

Nakatapos din ng pag-aaral si Deth. Accountanc­y ang kanyang kurso. Hindi nga lang nakakuha ng board. Matalino si Deth. Sa totoo lang, bago sila ikinasal ni Efren, nagtrabaho siya sa isang accounting firm doon sa kanila sa Gapan, Nueva Ecija. Gayunman, bago sila ikinasal, sinabi sa kanya ni Efren na ayaw niya ng working mother. Lalo na nang tandisan itong tanungin ng mahal niyang mother-in-law: “Kaya mo bang buhayin ang mutya ko tulad ng ginawa ko sa kanya? Kahit kami hindi mayaman, hindi ko inalila ‘yan!”

“Hindi ko akalain mabuburo lang ang pinag-aralan ko!” Gusto pa yatang umiyak ni Deth.

“Humpt! Makaalis na nga!” bulong ni Efren.

“Anong binubulong mo d’yan?” singhal ni Deth.

Itinuloy ni Efren ang paghakbang na tila walang narinig mula sa misis.

“’Tamong ugali mo! Hindi pa tayo tapos magusap, lalayasan mo na ako. Sige lang, hindi mo na ako daratnan. Babalik na ako sa Gapan!” nagbabanta na yata si Deth.

Napaatras si Efren. Tatanggapi­n niya kahit anong sabihin ni Deth dahil alam niyang mabilis itong magpalit ng mood. Biglang galit, biglang bait. Pero ang pinakahind­i niya gusto sa kanyang narinig ay iyong, “babalik ako sa Gapan.”

“Oh? Ngayon, Love… sabihin mo na lahat ng gusto mo at nang makapasok na ako,” mahinahong boses ni Efren.

Tumingin sa sarili niyang relo si Deth. “Tulad niyan, ang aga-aga pa, nagmamadal­i ka na. Sino bang gusto mong makita kaagad sa opisina mo? Mas masarap bang kausap ang bruhitang iyon?” naghihinal­ang tanong ni Deth.

Inakupo…inakupo! Bakit kung saan napunta ang usapan ng mag-asawa?

Umiikot ngayon ang mga mata ni Deth. Pagkuwan, humakbang papasok sa kapiraso nilang sala. Ewan naman kung bakit napasunod si Efren. Nanungaw si Deth. Ewan kung bakit napadungaw din si Efren.

Huminga muna nang malalim si Deth, tapos…” Ang kapirasito­ng apartment na ito, ang katiting na bakuran… ilan libong beses ko nang na-interior decorate, ang tantalizin­g eyes ko may kulaba na!”

Itutuloy…

 ??  ??
 ??  ?? R.V. VILLANUEVA
R.V. VILLANUEVA

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines