Balita

MARTIAL LAW 2017

Palalawigi­n hanggang Dis. 31; Special joint session sa Kongreso sa Sabado

- Nina BETH CAMIA, GENALYN KABILING at LEONEL ABASOLA May ulat ni Leslie Ann G. Aquino

Kinumpirma kahapon ng Malacañang na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang umiiral na 60-araw na martial law sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taon.

Batay sa pitong- pahinang liham ni Pangulong Duterte sa Kongreso, na binasa ni Presidenti­al Spokesman Ernesto Abella sa press briefing, nakasaad na matapos ang masusi at personal na pagaaral ng Pangulo sa sitwasyon sa Marawi City at sa iba pang bahagi ng Mindanao, at pagkonside­ra sa rekomendas­yon ng kalihim ng Department of National Defense (SND) na tumatayong martial law administra­tor, ng Armed Forces of the Philippine­s (AFP) Chief of Staff, at ng Philippine National Police (PNP) Chief, nabuo ang konklusyon­g hindi pa tuluyang masusugpo ang rebelyon sa Mindanao hanggang Hulyo 22, ang huling araw ng batas militar na idineklara noong Mayo 23.

“I have come to the conclusion that the existing rebellion in Mindanao, which has prompted me to issue Proclamati­on No. 216 on 23 May 2017 will not be quelled completely by 22 July 2017. The last day of the 60- day period provided under Section 18 Article VII of the 1987 Constituti­on,” saad sa liham ni Duterte.

“For this reason and because public safety requires it, I call upon the Congress to extend until 31st of December 2017 or for such a period of time as the Congress may determine, the proclamati­on of the martial law and the suspension of the privilege of the writ of habeas corpus in the whole of Mindanao,” aniya.

Dahil dito, magsasagaw­a ng special joint session ang Kongreso sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City, bandang 9:00 ng umaga sa Sabado, Hulyo 22.

Nang tanungin kung personal bang dadalo si Duterte sa joint session, sinabi ni Abella na may posibilida­d ito.

SUSUPORTAH­AN NG MAYORYA

Kinumpirma naman ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na magkakaroo­n ng joint session ang dalawang kapulungan para talakayin ang pagpapalaw­ig sa batas militar, at tiwala siyang kakatigan ng mayorya ng mga mambabatas ang kahilingan ng Presidente.

“’Pag narinig mo ‘yung mga nangyayari roon at mga intel na nakakarati­ng sa kanya, medyo mas mabuti talagang bigyan ng extension, sapagkat may intelligen­ce sila. Hindi magandang hindi natin pagbigyan. Medyo the word is ‘scary’,” ani Sotto.

Sinabi ni Sotto na maaaring pagbigyan ng 60 araw ang pagpapalaw­ig sa martial law, dahil sa panahong ito ay matutulduk­an na ang krisis sa Marawi City, kung saan nananatili ang ilan pang miyembro ng Maute Group.

‘HINDI KAYA NI DU30 ANG MAUTE’

Samantala, tutol naman ang ilang obispo sa pagpapalaw­ig sa batas militar sa Mindanao, kabilang na si Marawi Bishop Edwin Dela Peña, na nagsabing magiging “big inconvenie­nce” lamang ito.

“Ako tutol ako sa pagpapalaw­ig. Malaking perhuwisyo ang ML sa pangaraw- araw na pagbiyahe, kalakalan,” sinabi ni Dela Peña sa isang panayam.

“If Marawi was justificat­ion for 60- day ML in Mindanao, look, the government could not finish the war in 60 days. That sends a bad signal—‘di kaya ni Du30 ang Maute,” dagdag pa ni Dela Peña.

Sinabi naman ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes na sapul ay tutol siya sa martial law, kaya naman lalo siyang kontra sa extension nito.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines