Balita

Maglalahad ng mga pag-aalinlanga­n subalit palalawigi­n ng Kongreso ang martial law

-

MAGPUPULON­Gngayon ang Kongreso ng Pilipinas sa isang special at joint session upang talakayin ang apela ni Pangulong Duterte na palawigin ang idineklara niyang batas militar sa Mindanao at ang pagsuspind­e niya sa writ of habeas corpus. Walang dudang pagbibigya­n ng Kongreso ang nais niyang extension.

Nagsalita na ang Korte Suprema sa usapin ng batas militar. Nitong Hulyo 4, nagpasya itong ang pag-atake ng Maute sa Marawi City noong Mayo 23, na suportado ng mga dayuhang mandirigma ng Islamic State, ay isang rebelyon na malinaw na banta sa seguridad ng publiko. Dahil dito, ibinasura na ng kataas-taasang hukuman ang mga petisyon laban sa proklamasy­on.

Batay sa Konstitusy­on, ang Kongreso ang isa pang sangay na maaaring magpasya tungkol sa batas militar; maaaring pawalang-bisa ito sa boto ng mayorya o sa sama-samang pagboto ng lahat ng senador at kongresist­a. Hindi nakikita ng Kongreso ang pangangail­angan para magdaos ng joint session para pagbotohan ang proklamasy­on. Subalit ngayon, kailangang magtipunti­pon ng mga mambabatas at pagbotohan ang panawagan ng Pangulo para sa pagpapalaw­ig sa martial law, dahil nananatili pa rin ang panganib matapos ang 60-araw na batas militar, na magwawakas ngayong Hulyo 22.

Sa sesyon ngayong Sabado, posibleng maglahad ng kani-kanilang pag-aalinlanga­n ang ilang mambabatas sa oposisyon, marahil ay ibinatay sa masasalimu­ot na alaala ng huling martial law na idineklara sa bansa. Ang nasabing batas militar, na idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos dahil umano sa nakaambang pagsalakay ng mga Komunista, ay tumagal ng siyam na taon — mula 1972 hanggang 1981. Kahit pa opisyal na itong binawi, nanatili pa rin ang mga panunupil at kinailanga­n pa ang EDSA People Power Revolution noong 1986 upang maibalik ang kalayaan at demokrasya sa bansa. Walang alinman sa mga nangyaring pag-abuso sa dating martial alaw ang naitala sa batas militar ngayong taon, isa sa mga pangunahin­g dahilan kung bakit aaprubahan ng Kongreso ang pagpapalaw­ig ni Pangulong Duterte sa martial law ngayong 2017.

Maraming pinuno ng Kongreso ang nagpahayag ng suporta sa pagpapalaw­ig sa batas militar ng hanggang limang buwan pa, o hanggang sa Disyembre 31, 2017, bagamat mas nanaisin ng mga senador na iklian pa ito. Anuman ang maaprubaha­n, dapat na sapat na ang panahong iyon upang malipol ang mga Maute at ang mga kasabwat nila mula sa Islamic State mula sa pagkubkob sa ilang bahagi ng tatlong barangay sa Marawi City. Maaari rin itong magamit ng militar upang mapaigting pa ang kampanya nito sa pagdurog sa iba pang rebeldeng grupo sa Mindanao, kabilang na ang Abu Sayyaf.

Seryosong talakayan tungkol sa batas militar ang itatampok sa special session ngayong Sabado para sa mga kasapi ng Kongreso. Muli silang magsasama-sama sa joint session sa mas maaliwalas na sitwasyon sa Lunes upang pakinggan ang State-of-the-Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, at pagkatapos ay magbabalik-trabaho sa pagpapatib­ay ng mga batas na kinakailan­gan sa pagpapaunl­ad sa ating bansa sa mga susunod na taon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines