Mag-Asawa'y Di Biro
Ika-87 labas
KALMADO na sana ang damdamin ni Deth. Ang akala nga niya ay wala na siyang problema sa Ruding na ito. Pero bigla nga’y nakaramdam ito ng kung anong sakit. At niyaya siya nito na mamahinga raw. Saan naman sila mamamahinga? Napakatanga naman niya kung hindi niya iyon maiintindihan.
Nang hindi siya makakibo, sabi uli ni Ruding: “Hanggang ngayon ba naman, Deth… pagkatapos kong sabihin sa’yo ang tunay na nararamdaman ko, hindi ka pa naniniwala sa akin? Matanda na ‘ko, Deth at may sakit pa. H’wag mo naman akong pag-isipan ng kung ano. Hindi ko na magagawa ‘yon. Companionship na lang ang kailangan ko, Mahal.”
Ngayon malinaw nang sa motel talaga kayo mamamahinga, payag ka ba? Huwag ka ngang gaga, Deth! Di ba nga ikaw mismo ang nakabasa ng tungkol sa otsenta’y singko anyos na nang-rape?
Pero pambihira ‘yon. Uno porsiyento siguro o baka wala pa ang lalaking mahigpit nang otsenta anyos ay may tigas pa at talagang lumalaban. Saka, wala ka naman talagang puwedeng pamilian, di ba? Kung pumayag ka ngayon, baka mapakiusapan mo ang unggoy na ‘yan na iyon na ang first and last ninyo.
Naku, mahirap ‘yan, Deth! Huwag kang maniwalang walang masagwang pagnanasa sa’yo ‘yan. May panghalata ka naman, di ba?
Ipagpalagay nang sumama ka sa kanya? At ipagpalagay na ring may mangyari nga sa inyo, may makakaalam ba? Hindi naman magmamarka sa mukha mo ang ano mang nangyayari sa inyo sa pribadong silid, di ba?
Napupundi na siya sa nagaganap na pagtatalo sa kanyang isip. Sa kalituhan marahil, napalakas niyang sabi: “Ano ba talaga ang dapat kong gawin? Nalilito na ako.”
“H’wag ka nang malito, mahal.” Na-miss interpret yata ni Ruding ang ibig niyang sabihin. Sinenyasan nito ang waitress at nagbayad ng kanilang nakain. Tumayo ito at sinabi pa kay Deth. “Halika na. Medyo alalayan mo ‘ko at nahihilo pa ‘ko ng konti. Nariyan ang kotse ko…”
Ano ang nanyayari sa’yo, Deth? Bakit mo siya inalalayan sa pagtayo? Bakit pumayag kang isaklay niya sa balikat mo ang isa niyang kamay na para bang naniniwala kang hindi nga niya kayang maglakad? Sasama ka na talaga sa kanya? Naniniwala akong wala naman talagang makakaalam ng gagawin ninyo sa pribadong silid? May kawikaan tayo, Deth: May taynga ang lupa, may pakpak ang balita. Bahala na! Palabas sila ng restoring iyon nang bigla’y parang itinulos si Deth sa pagkakatayo. Gayon ma’y hindi kaagad nakita ni Ruding ang kinatutukan ng mga mata ni Deth.
“Bakit?” Kasabay ng tanong, napatutok din ang mga mata ni Ruding sa kung saan nakatingin si Deth. “P-precy!” kilala rin kasi ni Ruding si Precy.
“Anong ginagawa ninyo?” Matigas at malakas ang boses ni Precy.
Sandali lang nawalan ng loob si Ruding, pagkuwan, sabi: “Ano’ng pakelam mo sa’min? Halika, Mahal… h’wag mong intindihin ang babaeng ‘yan!”
“Hindi kita pinakikelaman, demonyo kang matanda ka!” Nataginting pasigaw na talaga si Precy. “P-pero kaibigan ko ang asawa ng talipandas na babaeng ‘yan!”
May ilan ang babae at lalaking nakahinto at natawag ang pansin. ‘Yon ang hindi kaya ni Deth. Iwinagwag niya ang nakahawak sa kanyang kamay ni Ruding. Nang makawala, mabilis siyang tumakbo. Takbo!
Narinig niya, pasigaw siyang tinatawag ni Ruding. Sinisigawan din yata siya ni Precy. O may iba pang sumisigaw. Natutulig siya… natutulig kaya tinakpan niya ng mga palad ang kanyang mga taynga!
Itutuloy…