Balita

7 pulis- Navotas sibak sa kotong

- Bella Gamotea

Sinibak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Oscar Albayalde sa puwesto ang pitong pulis-Navotas na naaresto dahil sa kasong extortion.

Kinilala ang pito na sina PO3 Kenneth Loria; PO2s Jonnel Barocaboc at Jessrald Pacinio; PO1s Emmanuel Benedict Alojacin, Mark Ryan Mones, Christian Paul Bondoc at Jack Rennert Etcubañas, pawang nakatalaga sa Intelligen­ce Division ng Navotas City Police.

Nadakip ng mga tauhan ng Counter Intelligen­ce Task Force (CITF) ang pitong pulis matapos umanong kotongan ng P100,000 cash ang isang Mark Echapare, ng Barangay Longos, Malabon, na unang naaresto dahil sa umano’y ilegal na droga.

Tinawagan ng isa sa mga suspek ang ina ni Echapare, gamit ang cell phone ng huli, at humingi umano ng P100,000 kapalit ng kalayaan ng anak.

Bukod dito, binantahan pa umano si Echapare na papatayin kung hindi makapagbib­igay ng pera.

Lingid sa kaalaman ng pitong pulis, dumulog si Echapare sa tanggapan ng CITF kaya ikinasa ang entrapment operation laban sa mga suspek sa isang mall sa Malabon, subalit nakatunog umano ang mga ito at hindi tumuloy.

Nakipag-ugnayan ang CITF sa pangunguna ni Senior Supt. Jose Chiquito Malayo sa Northern Police District (NPD) at nakumpirma ang pagkakakil­anlan ng pitong pulis sa tulong na rin ni Senior Supt. Allen Ocden, hepe ng Navotas City Police, sanhi upang maaresto ang mga suspek.

Nahaharap ngayon sa summary dismissal proceeding­s ang mga suspek na pawang inilipat na sa NCRPO Regional Personnel Holding and Accounting Unit.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines