Pagdiriwang ng Assumption ni Mama Mary
IKA- 15 ngayon ng Agosto. Isang karaniwang araw ng Martes na pasok ng mga manggagawa sa mga pabrika, mga kawani ng pamahalaan, at mga nagtatrabaho sa mga pribadong opisina, at ikalawang araw ng pasok ng mga mag-aaral sa mga paaralan. Ngunit sa liturgical calendar ng Simbahan, ang ika-15 ng Agosto ay isang mahalagang araw sa Simbahang Katoliko sapagkat paggunita at pagdiriwang ito ng Assumption o Pag-akyat sa Langit ng Mahal na Birhen, ang Pinagpalang Ina ng Diyos at Patroness ng iniibig nating Pilipinas.
Sa salitang Assumption hango ang pangalan at apelyidong Asuncion ng maraming Pilipino, na ngayong araw na ito’y nagdiriwang ng kanilang kaarawan.
Bahagi ng pagdiriwang ng Simbahan ng Assumption ni Mama Mary ang idaraos na misa ngayong umaga at mamayang hapon sa lahat ng simbahan at parokya sa buong Pilipinas, kabilang ang Rizal, at ang Diyosesis ng Antipolo.
Ang pagdiriwang ng Assumption o ng Pag-akyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria ay sinimulan noong ikapitong siglo. At ayon sa kasaysayan, ang Mahal na Birheng Maria ay nabuhay pa nang may 24 na taon matapos ang Pag-akyat sa Langit ni Kristo. May nagsasabi naman na namatay ang Mahal na Birhen sa lungsod ng Efeso noong 50 A.D. sa gulang na 72.
Batay sa doktrina ng Simbahang Katoliko na ipinahayag ni Pope Pius XII noong Nobyembre 1, 1950 sa Decree na “Munificentimus Deus (Bountiful God)”, si Mama Mary ay iniakyat sa langit nang katawan at kaluluwa. Matagal ding pinagtalunan kung si Mama Mary ay aktuwal na namatay o hindi, o basta na lamang iniakyat sa langit.
Maraming theologian ang nagsabi na ang Mahal na Birheng Maria ay namatay ngunit hindi nakaranas ng bahagyang pagkaagnas ng katawan dahil agad siyang iniakyat sa langit. Ayon naman kay San Alfonso Maria de Ligouri, ang nagtatag ng Kongregasyon ng mga Paring Redentorista (Congregation of the Most Holy Redeemer, CssR), hindi mapapayagan ni Hesus na mabulok ang katawan ng Kanyang ina na Kanyang pinanggalingan.
Ang dogma o aral ng Assumption ay ang sagot ng Simbahan sa materyalistikong daigdig. Ito’y lubos na nagpapahayag na ang kaganapan ng ating mga kakayahang pangkatawan ay magaganap lamang sa langit at doon matutupad ang pakikipagnilay sa Diyos.
Ang Pag- aakyat sa Langit sa Mahal na Birhen ay ang sandali ng katuparan ng paglalang, ang unang bunga ng plano ng Diyos sa sangkatauhan, isang balak na kabilang ang sarili nating katauhan, katawan at kaluluwa sa harap ng Dakilang Lumikha. ...
Bilang Ina ng Diyos, ang Mahal na Birhen ay naging co-Redeemer o kapwa Manunubos ng lahi ng tao. Sa pag-akyat sa langit ni Birheng Maria, siya ang una roon na magkasama ang katawan at kaluluwa. Ang huling luwalhati na naghihintay sa katubusan ng sangkatauhan matapos ang pangkalahatang pagkabuhay.
Ang Kalinis-linisang Ina ng Diyos si Birheng Maria, nang magwakas ang kanyang buhay sa lupa, ay iniakyat ang katawan at kaluluwa sa kaluwalhatian ng langit. Nangangahulugan ito na ang Banal na si Maria ay nagkaroon ng bahagi sa tagumpay sa kamatayan ng kanyang anak na si Kristo. At nakapagsimula nang masiyahan sa pagpapala ng Langit sa kabuuan ng kanyang pagkatao matapos ang buhay niya sa lupa. Assumpta est Maria en caelum; gaudet exercitus angelorum. Alleluia. Iniakyat si Maria sa kalangitan, ang koro ng mga anghel ay napuno ng kagalakan. Aleluya!