Mas mabuting may CHR kahit walang Kongreso
HINDI dapat humingi ng paumanhin kay Speaker Pantaleon Alvarez si Commission on Human Rights (CHR) Chairman Chito Gascon dahil sa kanilang mga nagawa sa pagtupad nila sa tungkuling pangalagaan ang karapatang pantao ng mamamayan.
Sa pagdinig ng Kamara sa hinihinging karagdagang budget ng CHR, sukat ba namang laitin ni Speaker si Chairman Gascon. Galit at pasigaw na sinabi niyang ang ipinagtanggol ng CHR ay ang karapatang pantao ng mga kriminal. Aniya, paano naman ang karapatang pantao ng kanilang mga biktima? Hindi rin minabuti ni Alvarez ang pagdalaw ni Gascon kay Sen. Leila de Lima sa piitan. Kasi, si Alvarez ang pasimuno sa pagkakakulong ng Senadora, kaya para sa kanya, ang pagdalaw ay hindi ayon sa gawain ng CHR. Para kay Alvarez, kriminal ang Senadora.
Pero ang pagdalaw ni Gascon sa Senadora at pagpapaalala sa mga alagad ng batas, sa pagpapairal nila ng war on drugs ni Pangulong Digong, na igalang ang karapatang pantao ng taumbayan ay trabaho ng CHR at hindi dapat na ihingi ng paumanhin ang pagtupad nito.
Dati namang CHR chairperson ang Senadora. Kung kriminal siya sa mata ni Alvarez, hindi sa mata ng batas. Hindi rin kriminal ang sinasabi ni Alvarez na ipinagtatanggol ng CHR. Ang kriminal ay iyong napagpasyahan na ng korte ang kanyang kaso pagkatapos ng prosesong itinatakda ng batas at pinapanagot na siya sa krimeng kanyang ginawa.
Hindi pagkampi sa mga “kriminal” kapag nagpaalala ang CHR ng paggalang sa karapatang pantao sa mga taong gobyerno kundi pagpapaalala sa kanila na sila ay likha ng batas, kaya dapat na sumunod sila sa batas. Pagtupad lang ng tungkulin ito na hindi dapat minamasama ng kahit sino, lalo na ni Alvarez na kahit Speaker siya ay hindi puwedeng mas mataas pa siya sa batas.
Ipinanakot pa ni Alvarez ang kapangyarihan nilang maglaan ng salapi ng bayan na gagastusin ng gobyerno sa pangangailangan nito sa paglilingkod sa mamamayan. ...
Totoo, sa Kamara nagbubuhat ang paglikha ng budget, pero hindi dapat gamitin ito para gawing inutil ang CHR. Higit na dapat bigyan ito ng sapat na pondo para makaganap sa tungkuling maitaguyod at mapangalagaan ang civil at political rights ng taumbayan.
Ang gobyerno ay nabubuhay para sa mamamayan, at hindi ang mamamayan para sa gobyerno. Kaya kailangang maluwag na nakagagalaw ang CHR sa teritoryong saklaw nito upang kahit paano ay may maitulong ito para gumalaw ang gobyerno para sa kapakanan ng mamamayan. Hindi gobyernong mapaniil na ang sinusunod ay kapritso ng iilan na ang pakiwari nila sa kanilang mga sarili ay sila lang ang nakakaalam kung ano ang mabuti sa bayan.
Higit kong gugustuhin na may CHR kahit walang Kongreso, kaysa may Kongreso pero walang CHR.