Lc 1:39-56 ● Slm 45 ● 1 Cor 15:20-27
Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan!… Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
“Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan… “Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman.
“Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.”
PAGSASADIWA:
Nagmamadaling naglakbay si Maria.— Wika ng isang pari, “Mag-unahan tayo sa paggawa ng kabutihan.” Sa salaysay ni San Lucas ay “nagmamadali” si Maria sa kanyang paglalakbay patungo sa tahanan ng kanyang pinsang si Elizabeth. Mas malalim ang kahulugan sa wikang Griyego “meta spoudes” na ang ibig sabihin ay “very thoughtfully” o “buong sigasig.” Bukod sa pananampalataya, siya ay kumikilos para sa kapakanan ng iba dahil sa pagmamahal.