Balita

Mag-Asawa'y 'Di Biro

- Ni Leonardo T. Buluran

Ika-93 labas

NAROON

na si Deth sa may gate nina Precy. Bukas naman ang gate. Pumasok siya. Maingat. Paano kung wala naman doon si Precy? Nariyan. Bukas nga ang gate, ano ka ba?

Naroon na siya sa may bukana ng pinto. Kakatok na lang siya pero hindi niya itinuloy. Paano kung inaabangan nga siya ni Precy salubungin niya ng flying kick? Hindi naman siya talaga marunong mag-flying kick. ‘Yong mga flying kick niya sa harap ng salamin ng aparador kanina, kopya lang ‘yon sa lumang pelikulang ang bida ay si Dolpy.

Kailangan siguro, mabilis at biglang aksiyon. Umurong siya ng ilang hakbang. Sisipain na lang ang pinto hanggang mabuksan. Paglitaw ni Precy susugod siyang una ang mga paa, flying kick, di ba?

Bago siya nakasugod, gayon man, bumukas ang pinto. Si Precy ang nagbukas. Kandidilat si Precy! Kandidilat din siya! Sugod, Deth! Ilabas mo ang ipinagmama­laki mong flying kick. Yaah!

Pero naunang sumugod ang Precy, bukas ang dalawang kamay. Aywan naman kung bakit nagbukas din ng kanyang mga kamay si Deth. At nagyakap sila. Mahigpit. Mahigpit na mahigpit. At umiiyak na sila. Hindi lang simpleng iyak kundi hagulgol.

Nakaupo na sila pareho sa sofa. Walang namagitang labanan. Walang namagitang murahan. Ni sumbatan, wala. Pareho pa silang umiiyak. Parehong nang lumaon, nauwi sa mga hikbi ang kanilang mga iyak.

“Tagal kong hinintay, mare… na puntahan mo ‘ko.” Sa pagitan ng mga hikbi sabi ni Precy.

Hindi nakakibo si Deth. Wala siyang maisip sabihin.

“Ano ba talaga, mare… ang nangyari sa’yo?” si Precy uli ang nagtanong. “Bakit…”

Sa pagitan ng mga hikbi at impit na pag-iyak, nagawa ring magkuwento ni Deth. Ikinuwento niya ang lahat. Lahatlahat.

“Noon pa naman, mare… hindi na maganda ang hinala ko sa bruhang Ruding na ‘yon, e” Sabi ni Precy.

“Nakabasa ka na ba ng d’yaryo, mare?” Si Deth.

“Oo naman. Tuwang-tuwa nga ako, e. Dala ko nga ang d’yaryo at talagang pupuntahan kita. Ayun ang d’yaryo o.” Ang sinasabing kopya ng d’yaryo ay nakakalat sa suwelo. Nabitiwan iyon ni Precy nang magsagutan sila.

“S-sorry, mare! Sorry sa mga kasalanan ko sa’yo!” sabi ni Deth.

“Humpt! Tama na nga ‘yan. Di ba me kasalanan din naman ako sa’yo. Kaya nga ‘di rin ako makapunta sa’yo dahil alam kong galit ka rin.”

Sandaliang katahimika­n. Tapos, nagyakap na naman sila. Panabay nilang sinabi: “Sorry talaga!”

“E, teka.. mareng Precy, may nasabi ka na ba kay… sa kumpare ko tungkol doon sa… s-sa n-nakita mo?”

“Ito namang si mareng Deth, gaga ba naman ako. Alam mo, mare… hindi ko naman talaga alam na naroon kayo sa restoring ‘yon. Nagulat pa ako nang mapadaan ako sa tapat ng kainang iyon at makita kayo. Shock ako, alam mo!”

“Ang unang nasa isip ko h’wag kayong intindihin… Di ba nga, may tampo ako sa’yo. Lumakad na ‘ko palayo, alam mo? Pero nagbalik ako. Mahalaga ka pala talaga sa’kin bilang kaibigan. Di ko pala kayang mapahamak ka. Higit ay ang masira ang pagsasama n’yo ni pareng Efren.” “Salamat, Precy… salamat, mare!” Muli, yakapan sila.. Muli, iyakan. Hagulgulan.

“Mare, promise, hindi na uli tayo maghihiwal­ay!” si Deth.

“Promise, no tampuhan. Always sweet loving.” Si Precy.

Kung akala ninyo ay tapos na ang problema, nagkakamal­i po kayo. Paano ang bingo? Di ba parehong adik sa bingo ang magkumaren­g ito?

Itutuloy...

 ??  ??
 ?? R.V. VILLANUEVA ??
R.V. VILLANUEVA

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines