Balita

1 sugatan, 36 na bahay naabo sa QC at Caloocan

- Alexandria Dennise San Juan at Kate Louise B. Javier

Isa ang sugatan at 60 pamilya ang nawalan ng bahay nang magliyab ang isang residentia­l area sa Barangay Old Capitol Site, Quezon City kamakalawa.

Kinilala ni Senior Supt. Manuel Manuel, ng Bureau of Fire Protection­Quezon City, ang biktima na si Aljon Paul Beseño na nagtamo ng first at second degree burns sa kaliwang kamay at sa likod.

Ayon kay Manuel, nagsimula ang apoy sa ikalawang palapag ng residentia­l site ng isang Elias Martinez sa Lerio Street, dakong 10:25 ng gabi.

Umabot sa ikaapat na alarma ang apoy, pagsapit ng 10:51 ng gabi, kasabay ng pagkalat sa 35 bahay na pawang gawa sa light materials.

Tinatayang aabot sa P500,000 halaga ng ari-arian ang natupok bago tuluyang naapula ang apoy dakong 1:31 ng madaling araw.

Samantala, sa Caloocan City, tatlong pamilya ang nawalan ng tirahan sa pagsiklab ng apoy, na umabot sa ikalawang alarma, sa isang residentia­l area roon.

Ayon kay FO1 Hansen Jimenez, ng Bureau of Fire Protection-Caloocan (BFP-Caloocan), nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Victor Kho sa 62 West, 8 Avenue, Bgy. 72, dakong 11:43 ng gabi.

Agad naagapan ang pagkalat ng apoy sa mabilis na pagrespond­e ng mga bumbero at sa matinding buhos ng ulan.

Tuluyang naapula ang apoy dakong 1:20 ng madaling araw at aabot sa P300,000 ang halaga ng ari-ariang natupok, ayon kay Jimenez.

Patuloy na inaalam ang sanhi ng mga nasabing insidente.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines