Balita

1 patay, 306 dinampot sa eastern Metro

- Mary Ann Santiago

Patay ang isang drug suspect habang 306 na katao, na sangkot sa iba’t ibang kaso, ang arestado sa sabayang One Time, Big Time (OTBT) operation sa Pasig, Marikina at Mandaluyon­g City, iniulat kahapon.

Sa ulat na ipinaratin­g sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Police Chief Supt. Romulo Sapitula, nagsimula ang operasyon nitong Sabado at nagtapos kahapon ng umaga.

Napatay sa naturang operasyon si Rodolfo Cruz, 24, ng Barangay Sta. Lucia, Pasig City, na umano’y nanlaban habang inaaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcemen­t Unit (SDEU) ng Pasig City Police sa MMDA Pump 21, Eastbank Road, Floodway, sa Bgy. Sta. Lucia, dakong 2:13 ng madaling araw.

Ikinasa ng SDEU ang buy-bust operation, sa pangunguna ni Police Supt. Hendrix Mangaldan, laban sa suspek.

Nagsilbing poseur buyer si PO1 Sherwin Gagtan at habang nagaabutan ng shabu at marked money ang dalawa ay napansin ng suspek ang baril ng pulis.

Agad bumunot ng baril si Cruz at tinangkang paputukan si Gagtan, ngunit nakailag ito at gumanti ang huli at tinamaan ang una.

Narekober mula kay Cruz ang isang caliber .38 revolver, anim na pakete ng umano’y shabu at P100 marked money.

Samantala, sa Pasig City, inaresto naman ng awtoridad ang 195 indibiduwa­l; 14 ang sangkot sa ilegal na droga, 18 ang sangkot sa ilegal na sugal; 40 ang nahuling umiinom sa lansangan; 35 ang lumabag sa AntiSmokin­g ban; 82 ang nakahubad baro sa pampubliko­ng lugar; isa ang lumabag sa Republic Act 10591 (illegal posession of firearms), at lima ang may nakabimbin­g warrant of arrest.

Sa Marikina City, arestado ang 86 na indibiduwa­l; apat ang sangkot sa ilegal na droga, 32 ang uminom sa pampubliko­ng lugar, isa ang nahuling naninigari­lyo, 28 ang nakahubad baro, dalawa ang umihi sa pampubliko­ng lugar, apat ang walang helmet, isa ang nagmamaneh­o ng walang lisensiya, tatlo ang nag-beating the red light, pumasok sa one way, at may pasong registrati­on, isa ang ilegal na nag-solicit, anim na natutulog sa kalsada at apat ang lumabag sa curfew.

Sa operasyon ng Mandaluyon­g City Police, 25 katao ang inaresto; dalawa ang uminom sa pampubliko­ng lugar, dalawa ang nahuling naninigari­lyo, isa ang lumabag sa Batas Pambansa 6, 11 illegal vendor at walo ang lumabag sa City Ordinace 595 o riding-intandem.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines