Red Lions, mabangis din sa NCAA chess
PINADAPA ng defending champion San Beda College ang Letran, 3-1, upang mapanatili ang kanilang pamumuno makaraan ang limang rounds ng 93rd NCAA seniors’ chess competition sa Lyceum of the Philippines University Auditorium sa Intramuros.
Nagsipanalo sina McDominique Lagula at Marc Christian Nazario kontra kina Marco Jay Mabasa at Lian Patrick Desturia sa second at third boards ayon sa pagkakasunod , habang tumabla naman sina FIDE Master Mari Joseph Turqueza at Dave Patrick Dulay kina Melwyn Kenneth Baltazar at Joshua Berdadero sa boards 1 at 4 para selyuhan ang panalo.
Dahil sa panalo, nakatipon ang San Beda ng kabuuang 18 puntos, may 1.5 puntos na kalamangan kontra sa pinakamalapit na katunggaling LPU, na nagwagi naman kontra Emilio Aguinaldo College, 4-0, sa pamamagitan nina Jonathan Jota, Romulo Curioso, Jr., Louie John Alegria at Virgen Gil Ruaya.
Pumapangatlo naman taglay ang 14.5 puntos ang College of St. Benilde, na namayani kontra Arellano University, 3-1, sa pangunguna nina Nelson Busa, Jr. Daryl Unix Samantila at Hans Christian Balingit mula second hanggang last boards.
Sa juniors division, ginulat ng San Beda ang reigning titlist Letran, 3-1, matapos magwagi nina Gal Brien Palasigue, John Phillip Oncita at Alfredo Balquin, Jr. kontra kina Melito Osan, Jr., Manolo Angelo Martinez at Alexis Anne Osena mula second hanggang fourth boards para makopo ang solong pamumuno taglay ang 16.5 puntos.
Bunga ng kabiguan, bumagsak ang Squires sa No. 2 taglay ang natipong 14 puntos.