Balita

Leyte: 2 patay, 1 sugatan sa 5.1 magnitude

- Nina JUN FABON at ROMMEL TABBAD May ulat ni Aaron B. Recuenco

Dalawang tao ang nasawi at isa ang nasugatan habang mahigit 50 bahay ang nasira nang yanigin ng 5.1 magnitude ang ilang lugar sa Leyte kahapon ng umaga.

Ayon sa Ormoc City Disaster Risk Reduction and Management Council, nasawi sina Maria Contreas, 51, ng Barangay Naungan; at Rosita Baloro, 70, ng Bgy. San Jose, kapwa taga-Ormoc City.

Nabatid na sa takot sa lindol ay inatake sa puso si Baloro, habang nadulas at nabagok naman habang tumatakbo si Contreras.

Bukod sa dalawang nasawi, isa pang 20-anyos na babae ang napaulat na ginagamot ngayon sa ospital matapos na mahulog sa ikalawang palapag ng isang gusali.

Naitala ang lindol bandang 6:26 ng umaga kahapon, at natukoy ang epicenter nito nasa limang kilometro sa hilaga- silangan ng bayan ng Albuera.

Pinakamala­kas ang pagyanig na naramdaman sa Albuera at Ormoc, ayon sa Philippine Institute of Volcanolog­y and Seismology.

Naramdaman ang intensity 5 sa Ormoc, intensity 4 sa Pastrana, intensity 3 sa Tacloban City at Palo, at intensity 1 sa Cebu City.

Kinumpirma rin ni Chief Insp. Maria Bella Rentuaya, informatio­n officer ng Police Regional Office (PRO)-7, na may kabuuang 56 na bahay sa Bgy. Altavista, Ormoc, ang napinsala sa lindol, batay sa paunang report.

Napag-alaman na sinuspinde ng pamahalaan­g lungsod ng Ormoc ang lahat ng klase sa siyudad pagkatapos ng lindol.

Inaasahan ang aftershock­s, ngunit walang tsunami alert.

Nangyari ang lindol mahigit isang buwan makaraang yanigin ng malakas na lindol ang Leyte at iba pang bahagi ng Visayas.

Tatlong katao ang napaulat na nasawi, habang 400 na iba pa ang nasugatan, samantalan­g mahigit 3,000 istruktura naman ang napinsala.

 ?? EPA/ROBERT DEJON ?? MAS SAFE RITO Ginagamot ang mga pasyente sa labas ng evacuation center matapos yanigin ng magnitude 5.1 ang Ormoc City, Leyte kahapon ng umaga.
EPA/ROBERT DEJON MAS SAFE RITO Ginagamot ang mga pasyente sa labas ng evacuation center matapos yanigin ng magnitude 5.1 ang Ormoc City, Leyte kahapon ng umaga.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines