Huling labas
HULING-
HULI nina Efren at Serafin ang mga misis nila sa bingohan nina Nana Senyang. Hindi lang naman sina Deth at Precy ang napahiya. Isiping ang mga misis nila, parehong tapos ng karera, nagbibingo?
Bigla, sinasamsam na ni Deth ang kanyang mga karton. Kasabay ni Deth, ganoon din ang ginagawa ni Precy. Sabay nilang sinabi: “Ayoko na… ayoko na! Hinding-hindi na ako magbibingo!”
Hawak ni Efren sa isang kamay si Deth: “Bakit, mahal? Ngayon pa lang yata nagkakasarapan, e. O, mahal… gusto mong hubarin ang suot kong pantalon, mamahalin ito. Madali itong maibebenta.”
Hawak din ni Serafin ang kamay ni Precy. Ani Serafin: “Ayaw na ninyo kaming makalaro? Kami ni pareng Efren? Kung gusto n’yo, wala nang kainan, magbingo na lang tayo habang buhay.”
Pareho nang nagwawala sina Deth at Precy sa pagkakahawak ng kani-kanilang mga mister. Pareho nang ngumangalngal. Sabay yatang naawa ang dalawang lalaki, pinakawalan nila pareho ang kanilang mga misis. Nagsitakbo ang mga ‘yon, parehong humahagulgol.
“Kayo naman, mga mister,” si Nana Senyang ang nagsasalita. “Hindi naman ninyo dapat hiniya ang mga misis ninyo. Kaawaawa naman sila.”
Tiningnan ng masama ni Efren si Nana Senyang: “Sa palagay n’yo, sila lang ang napahiya. Higit ho kami.”
Pauwi ang magkumpare, sakay ng kotse ni Efren.
“Napasobra nga yata ang ginawa natin, pareng Efren. Puwede namang mahinahon natin silang pinauwi at sa bahay natin kinausap.”
“Mali rin siguro tayo, pareng Serafin. Pero dapat silang bigyan ng aral, gawain ba ng mabubuting ina ‘yong magsugal? Saka, ang lalaswa pala ng mga salita nila sa bingohan.”
“Sabi nila, pareng Serafin. Hindi naman sugal ang bingo. Sa mga mall nga, sa mga pistahan, sa mga pagtitipon… mayayaman pa at mga edukadong tao. Siguro, lahat ng bagay na sobra, masama. Basta ako, parurusahan ko ang asawa ko.”
Araw ng Linggo. Humahalo ang pawis ni Deth habang nagbubunot ng sahig. Nakapamaywang si Efren, nagmamando:
“Kahit hindi ka kumain, kahit magkasakit at magkapayat-payat, makapagbisyo lang.”
“Hinding-hindi na ako uulit, peksman. Forgive naman, please… Promise, maliligo ako mamaya alas tres pa lang, tapos… dyan dyan darannnn! Sarado ang kuwarto!” Kina Serafin at Precy: Nagsi-sermon ang Serafin: “Sunog victims… baha victims… kalamidad victims… ‘yon pala bingoitis victims! Humpt!”
Yukong-yuko si Precy. Parang kanyang ama ang nagsi-sermon. “Sising-sisi na ‘ko. I won’t do it anymore. Cross my heart and hope to die. Patawad, please!”
“Sige. Pero may parusa. Do’n sa kuwarto, may pahahalikan ka sa akin. ‘Yong paborito ko.”
“Ay, hindi puwede ngayon. May panauhin ako.”
Magkausap ang magkumpare. Payabangan.
Sabi ni Efren: “Pinarusahan ko siya nang husto. Pinaluhod ko sa munggo. Pinagdasal ko ng dalawampung ama namin at apatnapu na aba ginoong maria. Pinahawakan ko ng bible at pinapanumpang hindi na uli magbibingo.”
Sabi naman ni Serafin: “Mas mabigat ang parusa ko. Hindi ko naman pinahirapan ang kumara mo. Pero mas mabigat ang ginawa ko. Tiniis ko talaga siya. Ni hindi ko siya niyakap sa buong magdamag.”
Sa palagay niyo, wala na ngang problema ang dalawang pares ng magasawang ito? Naku, hindi po totoo. Ang totoo po, talagang ANG MAG-ASAWA’Y DI BIRO. Pero ang iba nilang problema, ibang nobela na. Wakas