Balita

Parak inireklamo sa pamamaril, pagmumura

- Mary Ann Santiago

Nasa balag na alanganin ang isang pulis makaraang ireklamo ng isang lalaki na umano’y pinasayaw niya sa bala sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Personal na nagtungo sa tanggapan ng Manila Police District- General Assignment and Investigat­ion Section (MPDGAIS) si Jesus Bautista, 36, ng 1858 Estrada Street sa Sta. Ana, Maynila, upang ireklamo si SPO2 Carmelo Gariando.

Si Gariando, na sinasabing nakatalaga sa Eastern Police District (EPD), ay nakatakda nang ipatawag ng MPD- GAIS upang makuhanan ng kanyang panig.

Ayon kay Bautista, naganap ang insidente sa harapan ng kanyang bahay, dakong sa 2:00 ng madaling araw.

Aniya, natutulog siya sa isang mahabang upuan sa tapat ng kanyang bahay nang dumating ang lasing na si Gariando.

Ginising umano siya ng pulis at tinanong kung saan siya nakatira, na sinagot naman umano ni Bautista ng, “dito po ako nakatira” at nakatulog lamang siya sa upuan.

Nagulat na lang umano ang biktima nang kalabitin ng pulis ang baril nito sa kanyang tabi, may limang sentimetro ang layo mula sa kanyang paa.

Kasunod nito, muli umanong tinanong ni Gariando si Bautista kung saan ito nakatira at nang tumayo ang huli ay bigla umano itong tinadyakan ng una at nang humakbang ay muling pinaputuka­n.

“Sabi ko, ‘sir may tama ako’, pero sa halip na tulungan ako, minura pa niya ako at sinabihan, “pu****ina! Nag-iinarte ka pa!’” kuwento ni Bautista.

Umalis lamang ang suspek, ayon kay Bautista, nang makita ang isang dating tanod na kanyang tinawag at nagpahatid sa kanila.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines