Balita

Rider tigok, 12 sugatan sa karambola

- Bella Gamotea

Patay ang isang motorcycle rider habang 12 katao ang sugatan sa karambola ng 12 sasakyan, kabilang ang 20-wheeler truck, sa Muntinlupa City, kamakalawa ng hapon.

Dead on the spot si Hermenegil­do Lopes Cama, nasa hustong gulang, ng Elizalde Compound, Parañaque City, dahil sa matinding pinsala sa ulo, katawan at pagkakaipi­t ng paa matapos pumailalim sa isang van na sangkot sa karambola.

Isinugod naman sa Ospital ng Muntinlupa ang 12 at kinilala ang dalawa sa mga ito na sina Romeo Soberiano, nasa hustong gulang, ng Pillar Village, Las Piñas City; Marvin Cervantes, nasa hustong gulang, ng Signal Village, Taguig City, kapwa nagtamo ng mga galos sa katawan.

Samantala pinaghahan­ap na ng awtoridad ang driver at helper ng 20-wheeler truck na tumakas matapos ang insidente.

Sa inisyal na ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang karambola ng 12 sasakyan; isang 20-wheeler truck, isang closed van, dalawang jeep, isang kotse, isang sports utility vehicle (SUV) at anim na motorsiklo sa West Service Road, Sucat, Muntinlupa City, bandang 4:00 ng hapon.

Sakay sa motorsiklo si Cama habang binabagtas ang West Service Road nang tumbukin ng 20-wheeler truck kaya pumailalim siya sa closed van at nakaladkad ng ilang metro.

Sa bilis ng pangyayari, hindi agad nakapagpre­no ang mga sumusunod na dalawang jeep, limang motorsiklo, isang kotse at isang SUV na naging sanhi ng pagkakasug­at ng 12 biktima.

Patuloy ang imbestigas­yon sa insidente at nagkasa na ng manhunt operation laban sa driver at helper ng trailer truck.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines