TAMBULISLIS
Ikaapat na labas
HABANG kumakain, patuloy na tinalakay sa pag-uusap nina Mang Aldo, Aling Roring at Mang Abe ang kamatayan ng lalaking dayuhan sa kanilang barangay para magtrabaho sa niyugan ni Don Andres. Mahiwagang kamatayang ibinibintang ng mga kaibigan at katrabaho ng lalaking si Omeng sa nilikhang tambulislis na pinaniniwalaan ng mga tao na naninirahan sa kanilang lugar at mahilig makipaglaro at makipagkaibigan sa mga bata.
Dahil sa paniwalang ito, kaiba ang turing ng mga tao sa nilikhang ito higit ng mga bata kaya hindi sila natatakot sa nilikhang tambulislis na pinaniniwalaan ng mga taga-barangay na nakatira sa malagong kawayanan, malaki at mataas na punongkahoy at abandonadong bahay. Ngunit dahil hindi lang tambulislis ang pinaniniwalaan ng mga tao sa barangay Bayan-bayan, hindi naglalaro sa gabi ang mga bata sa gabi dahil natatakot sa iba pang nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan na gumagala sa kanilang barangay. Kabilang sa mga nilikha ang orokotok, asbo, asong malindig at iba pang laman ng mga kuwentong katatakutan sa barangay Bayan-bayan at mga kalapit. Labis na kinatatakutan ng mga tao sa barangay ang ligaw na asong Malindig na naninirahan sa mga burol at kabundukan sa paniniwalang sumasalakay at pumapatay sa mga taong nagagawi sa galaan at tirahan ng mga hayop na ito.
“Mukhang hindi muna ako makakapagkawit, Mang Abe.”, wika ni Mang Aldo na nakatingin sa papawirin. “May balumbon ng maitim na ulap na papunta sa lugar na kinaroonan natin!”
“Tama ka, Aldo,” sagot ni Mang Abe. “Tiyak na ibubuhos sa ating kinaroonan ang dalang ulan ng maitim na ulap na ‘yan!”
“Pero may araw ho”, komento ni Mang Aldo.
“Ganyan talaga ang panahon ngayon, kahit may sikat ang araw, puwedeng bumagsak ang ulan,” paliwanag ni Mang Abe. “Kaya tiyak, may lilitaw na bahaghari dito sa inyong lugar!”
“Hindi malayong mangyari ang iniisip ninyo, Mang Abe,”sagot ni Mang Aldo. “Nananatiling may sikat ang araw kahit ibinabagsak na ng maitim na ulap ang ulan!”
Dahil sa pagbagsak ng ulan, nanatili sina Mang Abe at Mang Aldo sa balkon ng bahay habang patuloy sa pag-uusap. At dahil batid ni Aling Roring na hindi na sila makakapagtrabaho ng asawa sa bahagi ng niyugan na nakalaan sa kanila para trabahuhin, naglagay siya ng uling sa pugon. Matapos maisaayos ang tumpok ng uling sa ibabaw ng mga bakal na sahig ng pugon, hinila niya mula sa ilalim ng lutuan ang piraso ng lata na sisidlan ng petrolyo para pagapuyin ang gatong na uling. Nanlumo si Aling Roring ng makita ang boteng sisidlan, said na ang likidong gamit sa pagpapa-apoy ng uling sa pugon. Ngunit hindi problema sa kaniya ang nangyari, kumuha siya ng uyo sa ilalim ng dapugan para gamiting pampa-apoy.
Kaagad isinagawa ni Aling Roring ang dapat gawin sa uyo para gawing pansindi. Kinuha niya ang itak at pinutol sa gitna ang bahagi ng punong niyog na ginagamit ng mga naninirahan sa niyugan, hindi lang panggatong kung hindi tanglaw sa paglalakbay sa gabi. Isinunod ni Aling Roring ang paghimay ng maliliit sa dulo ng uyo para tiyaking agad magliliyab kapag idinikit sa nag- aapoy na palito. Muli, hindi nabigo si Aling Roring dahil agad itong nagliyab ng idikit niya sa palitong nag-aapoy. Ilang saglit din niyang pinalakas ang apoy bago isinuot ang uyo sa butas ng pugon para pag-apuyin ang uling na mula rin sa bao ng niyog. Punong labis na pinapahalagahan sa Pilipinas dahil lahat ng bahagi, simula sa ugat hanggang dahon, pinagmumulan ng kabuhayan at pinakikinabangan ng mga tao.
Itutuloy...